GORGY RULA
Seryoso ang tema ng pelikulang Ang Happy Homes ni Diane Hilario na pinagbibidahan ni Angeline Quinto.
May pagka-thriller siya at madrama, pero naisisingit pa rin ang pagpapatawa lalo na kapag nasa eksena si Eugene Domingo.
Sabi namin kay Angeline, ito na yata ang pinakaseryosong pelikulang nagawa niya dahil sa tema nito.
Naka-relate daw ang singer-actress sa pelikula dahil sa mga eksenang hindi malayo sa mga pinagdaanan niya sa buhay.
“Isa sa conflict sa kuwento ng pelikula ay yung kinupkop niya ang isang adik, si Joshua, na tinutugis ng mga pulis,” sabi ni Angeline.
Si Carlo San Juan ang gumanap na Joshua, na parang nataypan pa ni Diane (Angeline Quinto) sa kuwento.
Itinago ni Diane si Joshua sa mga kapitbahay niya dahil ayaw nilang may makapasok na tagalabas sa compound ng Happy Homes.

ANGELINE ON HIDING RELATIONSHIP WITH NONREV IN THE PAST
Ibinahagi ni Angeline na noong boyfriend pa lang niya ang asawang si Nonrev Daquina, itinago niya ito sa kanyang bahay dahil tutol ang manager ng singer-actress sa relasyon nila.
Itinago rin nila ang kanilang relasyon at ilang linggo raw nagtatago sa bahay niya si Nonrev.
Saad ni Angeline: “Kasi yun talaga yung totoo. Parang dumating po sa point na nung nag-umpisa kami ng asawa ko, talagang itinatago ko siya sa bahay.
“Dahil natanong nga po kanina kung ano yung ang isa sa mga eksena na naka-relate ako, parang yun talaga ang unang pumasok sa isip ko, e.”
Ngayon ay okay na raw ang lahat, at wala nang tumututol sa kanilang relasyon at natuloy sa kasalan.
“Parang kapag naman po tayo… kapag puso na ang humatol. Wow! Pagdating naman po sa pag-ibig, parang lahat naman, ipinaglalaban natin.
“Ako naman siguro, kumbaga, masaya ako, masayang-masaya po ako. Kasi siyempre, masaya yung family ko.
"Nandiyan si Sylvio and Sylvia, dahil kay Nonrev. Wala naman po akong mahihiling pa,” sabi ni Angeline.
Mapapanood itong Ang Happy Homes ni Diane Hilario sa mga sinehan simula sa December 3, 2025.
Read: Angeline Quinto on breadwinner of her family with Nonrev Daquina
View this post on Instagram
JERRY OLEA
Matulungin ang karakter ni Angeline Quinto sa Happy Homes na si Diane Hilario.
Sa Happy Homes, lahat ay tinutulungan niya.
Nakita raw niyang nangangailangan ng tulong ang adik na si Joshua kaya hindi siya nag-atubiling tumulong kahit may pananagutan ito sa batas.
Umayon si Angeline sa paniniwala ni Diane Hilario na kung gusto niyang tumutulong, hindi kailangang kilatisin pa ang ugali ng isang tao.
Hindi raw niya iniisip yun kapag gusto niyang tumulong.
Aniya: “Yung sa scene po namin ni Carlo, ni Joshua, di ba? Parang hindi naman nagdalawang-isip si Diane na patuluyin sa kanyang bahay si Joshua.
"Kasi yun din ang isa sa scenes na talagang medyo tumatak sa akin.
“Kasi yun nga, kagaya ng sinabi ko kanina, meron po kasi akong kapatid na medyo naligaw ng landas.”
Read: VIRAL: "6-7" is chosen "Word of the Year"; what does it mean?
ANGELINE ON HELPING HER DRUG-DEPENDENT BROTHER
Ikinuwento ni Angeline ang pagtulong niya sa kapatid niyang lalaki na nalulong sa drugs.
Ipina-rehab raw niya ito at hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinutulungan, dahil naniniwala siyang magbabago pa ito.
Pagbabahagi ni Angeline: “Kasi, parang hindi ko na siya kilala. Parang hindi na siya yung kapatid ko. Kaya dun na ako natatakot.
“Nung may nakita akong video, parang sabi ko sa sarili ko, ‘Ako na ang gagawa ng paraan para maging maayos siya.’
“And yun po. Isa sa unang steps na ginawa ko na ipasok siya sa rehab. May kaibigan naman po ako na may-ari ng rehabilitation, so hindi ako nahirapan. And gusto na rin po niya.”
Nakikita na raw ngayon ni Angeline ang pagbabago sa kanyang kapatid.
Nasa rehabilitation center pa rin daw ito, pero nakakalabas-labas na at nagkikita sila.
Matindi rin daw ang pinagdaanan ni Angeline nang tinutulungan niya ang kanyang kapatid. Dumating daw sa puntong gusto na niyang sumuko.
Saad niya: “Hindi ko mabilang. Tao lang din naman ako, napapagod din, alam niyo yun?
"Tao lang naman din ako. Dumarating din yung puntong napapagod ako.
“Talagang sinasabi ko sa sarili ko, wala din namang ibang magmamahal sa kapatid ko na katulad ng ginawa ko. Kasi, wala na po kaming magulang.
“So, ako na lang po ang talagang mag-intindi sa kanya, and awa ng Diyos, unti-unti na pong naging maayos ngayon.
“Natutuwa naman din po ako sa recovery kasi nagkakasama na ulit po kami. After five days, bumabalik po siya ulit sa rehab.”
Read: Janice de Belen, nag-walkout sa event dahil kay John Estrada?
ANGELINE QUINTO'S PRAYERS
Deboto ng Mahal na Poong Nazareno si Angeline.
Isa raw sa idinadasal niya ang paggaling ng kapatid, at ipinagpapasalamat na ibinigay ito sa kanya ng Panginoon.
“Yun talaga dinadasal ko, e. Alam niyo yun, parang kapag wala ka na talagang maibibigay, minsan dumarating sa buhay natin na parang isusuko na lahat sa Panginoon.
“So, hindi naman ako binigo ni Lord. Talagang naging maayos naman po yung kapatid ko sa ngayon.
“Yun po ang sinasabi ko sa kanya, hindi naman kami every day na magkasama, kasi nandun pa rin siya [rehab] hanggang ngayon.
“Sabi ko, 'Alam ko namang hindi mahirap yung pinagdadaanan mo.' Kasi may family siya, weekly nakakasama niya ang anak niya, ang asawa niya.
“Sabi ko, 'May awa ang Diyos, basta tuloy lang ang dasal. Alam ko naman na gusto mo magbago para sa sarili mo at sa family.’
“Sana mapanood niya yung movie namin,” napangiting pahayag ng singer-actress.
NOEL FERRER
Maayos at may sinasabi ang Ang Happy Homes Ni Diane Hilario, lalo na sa mga nangyayari sa bansa natin.
Hindi naman gagawa si Direk Marlon Rivera ng puchu-puchung proyekto.
Pero sana, masakyan at tangkilikin ito ng ng mga kababayan natin. December 3 ang showing at papunta na sa Pasko.
Sana, makuha pa ng mga Pinoy na manonood ng pelikulang ito kaysa sa mag-shopping.
Sana, may pera pa ang mga kababayan natin para sa isang pinaghirapang pelikula tulad ng Ang Happy Homes ni Diane Hilario.
Read: John Arcilla, umaming "na-in love" kay Zsa Zsa Padilla

