JERRY OLEA
Inilunsad ang nobelang Stigma: Mga Batang Poz 2 ni Segundo Matias Jr. noong Nobyembre 28, 2025, Biyernes ng hapon, sa JRich Corporate Center, Sto. Domingo St., Quezon City.

Sequel ito ng nobelang Mga Batang Poz (2019), na ginawang six-episode iWant series starring Paolo Gumabao, Mark Neumann, Fino Herrera, and Awra Briguela.
Idinirek iyon ni Chris Martinez mula sa script ni Jerry Gracio.
Kasama rin sa cast sina Arnold Reyes, Joem Bascon, Raven Molina, Mark Rivera, Yayo Aguila, Marina Benipayo, Ricardo Cepeda, Rita Avila, Irma Adlawan, Chie Filomeno, Andrew Gan, Soliman Cruz, Cheska Iñigo, at iba pa.
Sa sequel ng nobela, dagdag na pangunahing karakter ang kinse-anyos na si Melody, buntis at positibo sa HIV.
Read: Alyana Asistio marries non-showbiz boyfriend Bryan Mendoza
Segundo Matias Jr. CLEARLY AND CREATIVELY TACKLES AIDS IN NOVEL
Pagtatapat ni Segundo sa open forum, may qualms ang “gatekeepers” noong dine-develop ang nobela dahil sa explicit scenes.
Aniya: “E, paano ko sasabihin, sabi ko, 'Saan pumasok iyong t*ti?' Paano niya malalaman kung paano magkaroon ng HIV?
“Hindi ko naman puwedeng sabihing pumasok sa likod. Kaya nga sabi ko, pumasok sa puwet para malaman niya yung real information. Hindi ko puwedeng i-sugarcoat.
“Yun ang pinaka-challenge.
"Kaya parang kung conservative ka talaga, pag binasa mo, parang…
“In fact, yung nakapagbasa na, trinanslate niya into English, nagugulat siya. So, e, sabi ko, 'Paano ang gagawin?'
“Hindi ko naman puwedeng i-sugarcoat. Paano ko sasabihin iyong sperm o tamod? I-English ko ba o ano?
“Sabi nga ni Doc, hindi mo siya nakukuha sa halik. Nakukuha mo talaga siya sexually and, of course, anal. Nakukuha mo siya sa turok, di ba?
“So mahirap siya, iyon ang challenge ng pagkasulat ng ganitong klase. Lalo na iyong maraming Young Adults ang nagkakaroon.”
HIV STATISTICS
Base sa tala, 61 katao ang nagkakaroon ng HIV every day sa Pilipinas, at 60% sa mga ito ay Y.A. o Young Adults.
Noong 2023 ay nagkaroon ng 500% increase ang naitalang HIV+ cases sa Pilipinas.
Mas dumami kasi ang nagpapa-test.
Isiniwalat iyon ng resource persons sa book launch na sina Dr. Rossana Ditangco, na head of Clinical Research at HIV Research Program lead ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at Danvic Rosadino, na head of Knowledge and Innovation ng LoveYourself, Inc.
Pagmamatuwid ni Segundo: “So, pataas nang pataas. It’s really alarming!
"Kaya kailangan, ine-encourage ko iyong mga writers na nandidito, we have to spread the news.
“Iyong information na sinasabi nga ni Doc, kapag nakita mo iyong table, talagang boring nga naman. Iyong mga data, ganyan-ganyan.
“We as writers, media, content creators, tayo yung nakakagawa kung paano siya babasahin, paano malalaman na—for lack of a better term—kaakit-akit para ma-inform sila.”
Sa panahon na naglipana ang misinformation, disinformation, at malinformation online, mahalaga ang libro.
“Pag sinabi mong libro, mas tumatayo ang libro kesa sa post sa social media,” sambit ni Segundo.
Swak sa World AIDS Day 2025 sa Disyembre 1, Lunes, ang paglulunsad ng nobelang Stigma: Mga Batang Poz 2.
Ang tema this year ay, “Overcoming disruption, transforming the AIDS response.”
Read: Chie Filomeno spotted with rumored boyfriend Matthew Lhuillier
NOEL FERRER
Dumalo si National Artist Ricky Lee sa book launch ng nobelang Stigma: Mga Batang Poz 2.
RICKY LEE'S MESSAGE ON PEOPLE LIVING WITH HIV
Sabi ni Sir Ricky: “Napakalaking bagay yung gumawa ng nobela tungkol sa ganitong subject matter na actually, in a way, iniiwasan ng marami.
“Siguro dahil tingin nila, hindi commercial. Hindi mainstream na mainstream. So it’s a very brave thing to do."
Saka siya nagkuwento tungkol sa isang dating katrabaho.
“Actually, noong nagtatrabaho ako sa ABS-CBN noon, meron akong katrabahong writer na nag-HIV [positive].
“Hindi naman kami nag-discriminate sa kanya. Ipinaalam sa management at alam ng lahat. Hindi siya natanggal. Walang nabawas sa kanya maski na anong benefit.”
Pagtatapat pa ni Sir Ricky, marami siyang kaibigang living with HIV. Parang wala raw nabago sa kanilang pagsasamahan.
“Pero naiintindihan ko iyong laki ng negative impact ng stigma. Dahil sa stigma na tingin natin sa mga taong living with HIV, parang nagiging less na tao sila.
“Even if alam natin, intellectually, may mga data, may mga facts tayong nababasa na hindi [basta] nakakahawa, na para na silang gaya ng ibang mga tao, na may medisina silang kailangang gamitin.
“Pero pag nailagay mo ang mga kakilala natin sa actual situation with them, natatakot pa rin silang baka mahawa.
“Natatakot pa rin silang gamitin, natatakot pa rin silang makipag-sex sa kanila even if sabihin ng mga doktor at iba pa na eksperto na wala, wala nang danger. Wala na.
“Naniniwala iyong utak nila [pero] pagkatao nila, hindi pa rin."

Dito raw makakatulong ang mga writers—mapa-media man o telebisyon o pelikula.
“Sa mga kuwento, sa nobela, sa fiction, at sa mga pelikula, ginagawa natin sila uling mga tao…
“Ginagawa natin uli silang mga tao na kagaya nating lahat—puwedeng makipag-sex, ma-in love, nago-ghosting, nalilito rin, nagkakaroon ng maling desisyon.
“And dahil sa nobela o sa fiction, hindi gaya sa social media na mabilis tayong nakakakuha ng data at nagre-react agad din tayo na yes, no, yes, no, nagiging judgmental tayo.
“Sa nobela at sa pelikula, dahil mahaba iyong tinatakbo ng kuwento, natututo tayong huwag mag-judge agad.
“Natututo tayong makipamuhay dito sa mga characters na ito at maintindihan sila kung bakit sila ganito, paano sila ganito, paano sila mabuhay.
“Dahil sa tagal ng pakikipamuhay natin doon sa characters ng pelikula at nobela, natutunan natin na tanggapin sila at nayayakap natin sila.
“So, ang natututo, hindi lang iyong utak natin, kundi pati ang puso natin. E, alam naman natin na mas sinusundan natin, puso natin kaysa utak.
“Maski sabihin sa atin na logical, na huwag matakot, hindi pa rin tayo maniniwala…
“So, iyon ang itinuturo ng fiction and mga pelikula—ang matuto tayong magkaroon ng empathy at makilala sila bilang mga tao kagaya natin."
Kahapon, Linggo, ng 11:59 P.M. ang deadline ng application para sa libreng scriptwriting workshop ni Sir Ricky para sa Batch 30 (December 2025-Marso 2026) at Batch 31 (Mayo-Agosto 2026).
Tatlumpo lang ang participants sa bawat batch, pero as of November 28, Friday, ay mahigit 1,000 na ang nag-submit ng application.
Ang first session ng Batch 30 ay nakatakda sa Disyembre 14, Linggo, at 1:00 P.M. Ang second session ng palihan ay sa Enero 2026 na.

GORGY RULA
Lubos ang pasasalamat ng nobelistang si Segundo Matias Jr. sa mensahe ni National Artist Ricky Lee.
Dagdag ni Segundo kaugnay sa pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa HIV at AIDS, kailangang sa bahay magsimula ang diskusyon kaugnay sa mga poz, o mga taong HIV-positive.
Aniya, nang mainterbyu niya ang ilang poz, napagtanto niya na kailangang aware dito ang mga kapamilya, ang mga magulang, at mahal sa buhay.
Pahayag ni Segundo, “Kasi lahat sila, gustong magpakamatay noong first time nilang malaman.” Marahil ang ganitong reaksiyon ay dahil sa stigma na dala ng pagiging HIV-positive.
"So, mahalaga iyon sa atin kung paano natin sila iga-guide. Kung paano natin sila tatanggapin.
“Doon sila nabubuhay, doon sila natutulog, doon sila tumatae, umuutot, lahat-lahat. So, sa bahay-bahay. Iyon lang.
“So if you are a very dear ate, kuya niya, doon magsisimula ang discussions.”
Dagdag na mensahe ni Sir Ricky: “Gusto ko lang sabihin sa mga taong living with HIV and also people around them na negative—na people living with HIV, hindi sila lesser bilang mga tao.
“Hindi sila nagkaroon ng moral failure. Hindi sila unworthy bilang mga tao.
“Kagaya rin natin silang lahat na kung minsan, nagkakamali ng desisyon at kung minsan, nagkakaroon ng tamang desisyon.
“Hindi sila mga biktima. Hindi rin sila mga kriminal. Mas kriminal pa nga yata yung mga politicians na nagnakaw ng pera ng mga taumbayan kaysa sa kanila.
“So, hindi sila dapat mahiya. Mas maraming iba pa ang dapat mahiya.
“At sinasabi nating dapat tanggapin natin sila. Pero sana dumating iyong panahon na hindi siya isyu ng pagtanggap kundi isyu ng kapwa natin sila, kapareho natin sila. Kabilang natin sila.
“Hindi na kailangang tanggapin o i-tolerate kundi kapwa natin sila.”
