JERRY OLEA
Naka-seven Sundays na ang Batch 30 ng libreng scriptwriting workshop ni National Artist Ricky Lee.
“Dapat tatlong Sundays na lang,” sabi ni Sir Ricky nang makapanayam namin sa premiere ng pelikulang Until She Remembers noong Pebrero 19, 2026, Huwebes, sa The Block, SM North EDSA, Quezon City.
“Pero mae-extend ng three more Sundays. Masaya! May dalawa nang nakatapos na ng script miski matagal pang matapos yung workshop.”
Kabilang sa Batch 30 sina Cristine Reyes, Jerom Canlas, JC Santos, Kara David, King Palisoc, Kylie Padilla, Nour Hooshmand, Phi Palmos, Vincent de Jesus, at Wanggo Gallaga.
Read: Ricky Lee, sinagot ang isyu sa pagpili ng workshop participants
Request daw ng Batch 30 na ma-extend ang workshop.
“Usually nae-extend. Usually kulang ang oras, ayaw maghiwa-hiwalay,” pagsisiwalat ni Sir Ricky.
“Naghahanap ng lahat ng excuses, ng rason para, “Extend! Extend!” sigawan. Actually, na-foresee na namin yon…
“Napapagod ako physically and even emotionally pero masaya! Masarap, e, pag nakakabasa ka, maganda yung mga trabaho. Masarap, e.
“And then nakikita mong mahusay. Like si Kylie Padila, ang husay-husay palang magsulat. Si Kara David, andami-daming mga material. Marami siyang material na baon.
“Maganda yung mix, e, yung may datihan at may baguhan. So nagkakahilahan sila in all directions.”
Ang Batch 31 ng workshop ay nakatakda sa Mayo-Agosto 2026.
Kabilang dito sina Chai Fonacier, Karylle, Mikko Baldoza, Rica Peralejo, at Romnick Sarmenta.
WORKSHOP CONTROVERSY
Nang i-announce ang Batch 30 at 31 ng mga napiling workshoppers ay may mga nagreklamo at nagparunggit. Nasaktan noon si Sir Ricky.
Pero ngayon, naghilom na iyong kirot na idinulot niyon? Burado na?
Napangiti si Sir Ricky: “In fact, maganda nga ang nangyari na maraming naging reklamo at kontrobersya kasi na-realize ng maraming tao na mahalaga pala itong workshop na ito.
“‘Andaming gustong makapasok.’ ‘1980s pa pala ginagawa ni Ricky.’ So ngayon, andaming nag-aalok ng tulong.
“Na gagastusan nila yung future batches. Or mag-o-offer sila ng lugar para sa future workshops.
“So, andaming positive na naging result.”
Read: Ricky Lee, nasaktan sa parunggit ng netizens, dating workshoppers
Para sa Batch 30 ng libreng scriptwriting workshop ni Sir Ricky ay tumulong sa unang pagkakataon ang Film Academy of the Philippines (FAP) sa ilalim ng Director General na si Paolo Villaluna.

“Sa ngayon, Film Academy of the Philippines ang nakasuporta pero may iba pang mga lumalapit, hindi muna namin masasabi,” saad ni Sir Ricky.
“Tumulong ang FAP to finance, kasi ang gastos ng workshop. Unang-una, yung pagkain. Three meals a day, pagkain pa lang.
“Thirty-six people yan na papakainin mo — lunch, merienda, dinner. And then, materials. Andaming material, e. Andaming ise-xerox, andaming ipi-print out.
“Siyempre yung lugar, yung kuryente. Yung utilities mo doon. Nagme-maintain lahat ng gamit. At may mga giveaways kasi kami, and so on.”
Read: 1976: The Golden Year of Philippine Cinema
NOEL FERRER
Paano ang ibang projects niya ngayong ongoing ang kanyang libreng scriptwriting workshop? O hold muna, o naisisingit niya?
“Well, ang nasa-sacrifice ko, yung paglilibro. Pero may dalawa akong script na sinusulat,” tugon ni Sir Ricky Lee.
“Na kasabay ng workshoppers ko, nagdededlayn din ako. Dalawang script ng pelikula. Ang na-sacrifice, yung libro. Iyon muna, na-set aside.”
May regular job din siya sa GMA Network bilang creative consultant ng mga TV program.
“Dumadaan sa akin yung mga istorya. Nagpi-feedback session kami,” sambit ni Sir Ricky.
“Nagbe-brainstorm.”
Natapos na ang libretto ni Sir Ricky para sa isang musical kung saan magka-collab sila ni National Artist Ryan Cayabyab.
Read: Boots, Charo, Angel, Albert: ano ang say sa homosexuality at queer relationships
GORGY RULA
Dinalirot ni Sir Ricky Lee ang struggles ng LGBTQIA+ community sa pelikula, TV, at panitikan noon pa man.
Kabilang sa mga pelikula niyang tumalakay sa queer sensibility ang Moral (1982), Macho Dancer (1989), Midnight Dancers (1994), Pusong Mamon (1998), Miguel/Michelle (1998), Burlesk King (1999), Sabel (2004), I Will Survive (2004), Liberated 2 (2004), So… Happy Together (2004), Aishite Imasu 1941: Mahal Kita (2004), Twilight Dancers (2006), at Lihis (2013).
“Panahon pa ng Moral, 1980s pa, tina-tackle ko na ang gender-issues,” sabi ni Sir Ricky.
“Kasi, part ng buhay natin yan, e. Saka hindi mo sila puwedeng burahin, e. Kapareho natin silang mga tao.
“Walang mataas, walang maliit. Pare-pareho tayo ng pagkatao at karapatan, lalo na sa mata ng Diyos.”
Excited si Sir Ricky para sa pelikulang Until She Remembers na bida sina Charo Santos-Concio, Boots Anson Roa-Rodrigo, at Barbie Forteza, sa direksyon ni Brillante Mendoza.
Sa Miyerkules, Pebrero 25, na ang showing ng movie sa local cinemas.
Read: Celebrities react to Alvin Aragon’s controversial religious stand
