GORGY RULA
Ilang araw kami ng ka-Troikang Jerry Olea na nagbakasyon sa resort ng tiyahin ko sa Brgy. Malabrigo, Lobo, Batangas.
Doon sa Lobo matatagpuan ang rest house ng mag-asawang Christopher de Leon at Sandy Andolong, katabi ng resort ni Amy Austria at ng asawa niyang si Duke Ventura.

Malapit-lapit sa kanila ang resort na pag-aari ng dating executive ng ABS-CBN na si Linggit Tan-Marasigan.
Medyo malayo sa kanila ang malaki ring resort ni Gabby Concepcion, na katabi naman ng property ni Senator Robin Padilla.
Biro ng ilang fans, kulang na lang daw ay magkaroon din ng property roon si Sharon Cuneta.
Meron ding nabiling property sa Lobo ang mag-asawang Gladys Reyes at Christopher Roxas, na balak nilang patayuan ng restaurant.
Lupa pa lang daw yun, sabi ni Gladys. Marami pa raw kailangang requirements bago nila mapatayuan ng binabalak nilang restaurant.
AMY AND DUKE'S REST HOUSE IN LOBO, BATANGAS
Bago kami bumalik ng Maynila ay nagkaroon kami ng pagkakataong makadalaw sa resthouse ng mag-asawang Amy at Duke.
Napakaganda ng lugar na napili ni Amy, napakalawak at maganda ang pagkakagawa ng kanilang bahay.

Itinuro pa sa amin ni Duke ang kubo na pansamantalang tinirhan nila habang unti-unti nilang ipinapagawa ang kanilang rest house.
Lahat daw ng ito ay nabuo nila sa patuloy na panalangin at pananalig sa Panginoon na matatapos nila ito nang maayos at maganda. Kaya halos lahat ng sulok ng kabahayan ay may mababasa kang Bible verse.
Pero aminado si Amy na madugo ang maintenance ng ganun kalaking property. Sa electric bill pa lang daw ay umaabot na ng PHP60,000 ang binabayaran nila buwan-buwan.
Sa hirap ng buhay ngayon, at patuloy na pagtaas ng gasolina at mga bilihin, pinag-iisipan na raw ni Amy na ipa-Airbnb nila ito.
Maganda kasi ang lugar at naayos nila nang husto.

Nagpapasalamat si Amy sa Panginoon na kahit paano ay may trabaho pa rin siya sa GMA-7 sa tulong ng Sparkle, ang talent management arm ng Kapuso network.
Nakapagsimula na siyang mag-taping sa bagong action-drama series na Kamao na pagbibidahan ni Anton Vinzon.
Read: Zig Dulay asked if taping will stop for Bea Alonzo's wedding
JERRY OLEA
Ginagampanan ni Amy Austria sa Kamao ang role bilang lola ni Anton Vinzon. Pero kakaibang lola raw ito na napaka-cool at laging nakasuporta sa kanyang apo.
Nagpaalam si Roi Vinzon sa Coco Martin’s Sigabo para mapasali siya sa pagbibidahang serye ng kanyang anak. Pero lolo ni Anton ang gagampanan niya rito sa Kamao.
Okay lang kay Amy ang mag-lola role na dahil ginawa niya iyon sa huling serye niya sa GMA-7, ang Mommy Dearest. Nahihirapan nga lang minsan ang make-up team na pagmukhain siyang matanda.

AMY AUSTRIA ON WORKING HOURS
Natutuwa raw si Amy sa production team ng Kamao na maayos ang pag-handle sa kanilang senior stars.
Mahigpit daw nilang sinusunod ang Eddie Garcia Law (EGL), na inuuna raw talaga silang seniors para hindi lumagpas sa ipinapatupad na working hours.
Lalo na sa mga bata ay talagang inaagahan daw nila ng pack-up para hindi sila mabutasan ng DOLE.
Pero para kay Amy, okay lang na lumagpas siya ng working hours dahil naiintindihan daw niya ang production na mahirap talagang mairaos ang 14 to 16 hours na taping.
Bilang pakikisama na lang daw sa production na nahihirapan ngayon para hindi madehado ang network sa pagpapatupad ng EGL.
Saad ni Amy: “Dati naman inabot tayo ng 22 hanggang 24 hours, pati mga seniors ay ganun din katagal ang taping. Kasi mahirap talaga. Naintindihan ko talaga na mahirap sa kanila yung working hours ngayon.
“Kaya paminsan-minsan ay okay lang kahit lumagpas ng working hours, para makabawi naman sila.
“Mahirap talaga ngayon, e. Nahihirapan sila.”
Read: Ashley Sarmiento admits Rave Victoria is boyfriend material
NOEL FERRER
Sa totoo lang, ito ang hinaing ng nasa production na mas napapalaki ang gastos ng isang teleserye o pelikula dahil sa limitadong working hours na ipinatutupad.
Kaya nakikita at nararamdamang mas dehado ang nasa production na sumusunod sa naturang batas.
Hindi lang ang pelikula, kundi pati ang nasa telebisyon ay bagsak din daw. Kaya lahat na lang ay ginagawa nilang pagtitipid para makabawi.
Dahil sa sitwasyon natin ngayon, nagdadalawang-isip na raw ang ibang film producers na mag-produce ng pelikula dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin.
Nang nakapanayam ng PEP Troika ang producer ng Mentorque Productions na si Bryan Diamante, nabanggit niyang nagdadalawang-isip na sila ngayon na mag-produce ng pelikula dahil sa kalagayan ng ating ekonomiya.
“Second thought ka talaga ngayon,” pag-amin ni Bryan.
“Kasi siyempre ano ka, atras-abante ka nang konti. And we really hope na this would end soon, ano?
“We’re really hoping na sana magkasundo na at matapos na yung giyera, para… this is another burden na we’re not expecting e.”
Umaasa na lang daw silang makabawi sila sa ipinu-promote nilang pelikula ngayon, ang Huwag Kang Titingin, na collaboration nila sa GMA Pictures.
Natapos na nila ito bago ang giyera sa Middle East, at nakatakda na itong mag-showing sa April 15.
Read: K-pop idol Soobin ng TXT, may masamang karanasan sa taxi driver sa Cebu
