GORGY RULA
Kaagad nag-trending sa X si Bea Alonzo nang pumutok ang balitang nagpakasal na sila ni Vincent Co sa Makati City Hall noong Lunes, July 13, 2026.
Sinubukan ng PEP Troika na hingan ng reaksiyon ang ilang taong malapit sa Kapuso actress, pero hindi sila sumagot.
Ang iba ay walang masabi dahil hindi raw nila alam.
Mukhang wala talagang sinabihan sina Bea at Vincent sa kanilang plano.
Ang kasama lang daw ni Bea sa kasal nila ni Vincent ay ang partner niya sa brand ng bag na pag-aari ng aktres.
Nag-message din kami sa manager ni Bea na si Ms. Shirley Kuan, pero wala pa kaming natatanggap na sagot mula sa kanya.
Posibleng hindi pa niya nababasa ang mensahe namin, sa dami ng nagtatanong o tumatawag sa kanya.
Nagpaalam kaya sa kanya si Bea bago nangyari ang kasalan?
Ayon sa ilang napagtanungan ng PEP Troika, wala raw sinabihan si Bea sa mga tao mismong malapit sa kanya.
Isang taong sobrang close sa kanya ay nagulat ding nagpakasal na pala ang aktres at si Vincent.
Read: Bea Alonzo confirms wedding to billionaire scion Vincent Co
LOVE PREVAILS FOR BEA AND VINCENT
Ang buong akala ng karamihan ay wala nang mangyayaring kasalan.
Nasabi pa nga raw minsan ni Bea sa ilang taong malapit sa kanya na never na siyang magpapakasal kung wala pa ring mangyayari sa kanila ni Vincent.
Hindi rin namin nahingan ng reaksiyon ang production team ng Kapuso drama series ni Bea, ang Whispers From Heaven, dahil personal affair daw ito ng aktres na walang kinalaman sa kanyang trabaho.
Pero masaya ang marami para sa kanilang dalawa.
Nakabawi si Vincent dito dahil nagpakalalaki siya at pinanindigan ang kanyang pagmamahal kay Bea.
Ilan sa mga komentong nakarating sa amin:
“Hawak na ni Bea ang beat!”
“Pure na pure na ang gold na hawak niya ngayon.”
Masaya lang na napag-usuapan ito dahil, finally, nalagpasan ng bagong kasal ang mga balakid na sinuong nila upang mapatunayan ang kanilang pagmamahalan.
Read: Bea Alonzo, Vincent Co quietly wed in civil rites
JERRY OLEA
Noong Hulyo 11, 2026, Sabado, ginanap ang Puregold OPM Con Generations 2026 sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
Sa umpisa ng concert extravaganza ay binati si Vincent Co ng "Happy Birthday" sa LED screen.
Sa Act 5 (“OPM Future”), panay-panay ang pagbati ng SB19 kay Sir Vincent kaugnay sa kaarawan nito.
Iflinash pa sa LED screen si Sir Vincent.
Aba! Two days after, Hulyo 13, Lunes, ay gaganapin na pala ang pag-iisang-dibdib nina Bea Alonzo at Sir Vincent sa Makati City Hall.
Simple ang kasal, walang garbo, officiated by Mayor Coffee herself, Nancy Binay!
Waley ang partidos nina Bea at Sir Vincent sa civil wedding.
Ito ba’y elopement o pagtatanan?
Kung ano’t ano man, mabuhay ang bagong kasal!!
Read: SB19, Ben&Ben lead unforgettable OPM Con Generations 2026
NOEL FERRER
Masaya ako na napangatawanan nina Bea at Vincent ang kanilang pagmamahalan.
Naidaos ang kanilang kasal nang walang kumplikasyon, and all that really matters ay sila lang talaga.
Classmate Bea at Vincent, congratulations!
Matapos ang lahat ng ingay, kayo pa rin ang nagkatuluyan. Ang hiling ko, sa araw-araw ay piliin ninyo ang isa't isa.
Sa huli, pag-ibig ninyo lang ang magdidikta ng inyong kuwento, hindi ang mundo sa paligid ninyo.
Nawa sa huli ay ang pag-ibig ninyo ang manatiling batas at buklod ng inyong pagsasama.
Walang makakahadlang, walang makakagulo, kayo lamang dalawa sa harap ng Diyos at ng tao.
Read: Bea Alonzo's lawyer denies prenup dispute before her wedding to Vincent Co
