JERRY OLEA
Nagkaisyu si Sassa Gurl sa MTRCB kaugnay sa premiere night ng Dreamboi sa CineSilip filmfest noong Oktubre 2025.
Ngayong may bagong pelikula siyang Multwoh: Patay Na Patay Sa ‘Yo sa 3rd Puregold CinePanalo filmfest, natakot ba siya sa MTRCB?
“Nagkaroon po kami ng usap-usapan,” pahayag ni Sassa Gurl sa mediacon noong Setyembre 17, 2026, Huwebes, sa Quantum Skyview ng Gateway Mall 2 sa Cubao, Quezon City.
“Nagkaroon po kami ng halfway, alam ko naman po kung ano yung mali ko sa part na yon.
“At siyempre, alam na rin naman po ng MTRCB kung ano ang ipinaglalaban natin nang mga oras na yun, kung bakit na-express ko yung ganung klaseng bagay.
“So, I think nagkaroon naman po ng halfway na pag-uusap.
“And naniniwala naman po ako na ang MTRCB ay open din po sa mga usapan at dialogue para mas mapabuti pa po yung mga policies na alam na nating outdated.”
R-13 ang MTRCB rating ng Multwoh: Patay Na Patay Sa ‘Yo, kung saan katambal ni Sassa Gurl si Joao Constancia, sa direksyon ni Rodina Singh.
Nasa cast din sina John Lapus, Inah Evans, Iyah Mina, Phi Palmos, Gaia Poly, Pipay, Mae Paner, Yani Villarosa, Buboy Villar, Kaladkaren, Christian Antolin, Lui Manansala, Sofia Trazona, Arman Salon, Chino Liu, Tart Carlos, Eric Fructuoso, at Migs Almendras.
Read: MTRCB, ipinatawag ang Viva dahil sa pagmumura ni Sassa Gurl
SASSA GURL AS A CO-PRODUCER
Hindi lang artista si Sassa Gurl sa Multwoh: Patay Na Patay Sa ‘Yo kundi producer din.
Magtutuluy-tuloy na ba ang pagiging producer niya?
“Ahhmm sana, lalung-lalo na, negosyo din po ang pagpo-produce,” tugon ni Sassa Gurl.
“So once na meron kang, alam mo yun, kinita sa pelikulang ito, naniniwala naman po ako na gagawa pa po tayo ng mga kuwento natin na hindi pa naikukuwento sa pelikula.”

GORGY RULA
Nominadong best actress si Sassa Gurl sa Puregold CinePanalo filmfest 2026.
Naniniwala siyang dapat lang na sa best actress race siya ilagay, at hindi sa kategoryang best actor?
“Ang siyempre dapat po, ako po, nagulat na lang po ako na na-nominate po ako sa best actress,” sey ni Sassa Gurl.
“Doon din po kasi ako ipinasa ng production. And happy po ako na nandoon po ako, na kabilang sa best actress category.
“Naniniwala po ako na ang mga ganitong klaseng pelikula at mga ganitong klaseng festival, nirerespeto po nila ang gender identity ng isang trans individual.
“At ako po, sobrang laki ng respeto ko po at pasasalamat dahil nirespeto nila yung identity ko.”
SASSA GURL ON EJ JALLORINA AS A MENTOR
Si EJ Jallorina, nominadong best actress sa 49th Gawad Urian para sa Dreamboi kung saan may cameo si Sassa Gurl.
“Na isa rin pong mentor ko!” bulalas ni Sassa Gurl saka nagpatuloy, “EJ Jallorina, isa rin po siya sa mga nadirek ni Direk Rodina Singh sa Dreamboi…
“Naniniwala po ako na ang galing talaga ni EJ! Talagang siya ang nagturo sa akin umarte.
“Dati, bano po talaga akong umarte. Pero po, binigyan po ako ng learnings ni EJ Jallorina and naniniwala po ako na kaya niya pong itaas yung bandila namin, mga trans individual.
“And sobrang laking step forward po ang pagka-nominate niya sa Urian.
“So congratulations, Dreamboi, Direk Rodina, and EJ Jallorina!”
Read: Xyriel Manabat, Sassa Gurl face off for CinePanalo Best Actress
NOEL FERRER
Napiga ba ni Direk Rodina Singh ang husay ni Sassa Girl sa acting? Pam-best actress ba talaga ang performance niya sa Multwoh: Patay na Patay sa ‘Yo?
“Hindi ko po masabi,” sambit ni Sassa Gurl.
“Pero po, ako po, whatever na nabigay ko po sa pelikula, yun na po yung best ko nung mga oras na yon.
“And happy naman po ako na nabuo nila. Ang saya-saya ni Direk Rodina ngayon, so masaya na po ako dun.”
HAS SASSA GURL BEEN GHOSTED?
May nagmulto na ba sa kanya — lalaki man o babae, o kung ano man?
Napakunot-noo si Sassa Gurl bago sumagot: “May nagmulto na ba sa akin? Ex ko, charot!!! Ha! Ha! Ha!”
Kung may magmumulto sa kanyang aktor na yumao na, sino ang bet niya?
“Kahit sinong artista na namatay na pogi, laban na yun!”
Ang Puregold CinePanalo 2026 ay gaganapin sa Setyembre 23-Oktubre 4, 2026 sa Gateway Cineplex 18, Trinoma, Fairview Terraces, Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay, and Market! Market!.
Ang regular price ng tiket ay PHP250, samantalang ang discounted price ay P200 para sa PWD, senior citizens, students, national athletes, at Aling Puring cardholders.
May mall show ang mga artista ng full length films ng Puregold CinePanalo 2026 sa Setyembre 24, Huwebes ng 3:00 P.M. sa Activity Center ng Market! Market!, Taguig City.
Ang awards night ay nakatakda sa Setyembre 30, Miyerkules, kasabay ng closing ceremony ng Philippine Film Industry Month (PFIM) 2026.
Read: Lakam Chiu, sister of Kim Chiu, named "No. 6 Most Wanted" by QCPD
