JERRY OLEA
Metro Manila Film Festival 2025 best supporting actress si Odette Khan para sa pelikulang Bar Boys: After School.
Sa 49th Gawad Urian noong Oktubre 8, 2026, Huwebes, sa De La Salle University, Taft Avenue, Manila, tinanghal siyang best actress for the same performance, katabla si Maris Racal for Sunshine.
Sa 28th Gawad PASADO (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) sa Oktubre 22, Huwebes ng gabi, sa Abbot Lopez Hall ng San Beda University, Mendiola Street, Manila, pagkakalooban naman si Mommy O (tawag kay Odette) ng Lifetime Achievement Award.
“Grabe! I’m honored! Diyos ko, lord!” bulalas ng 80-anyos na premyadong aktres nang makausap namin right after the 49th Gawad Urian ceremony.
“Magdadasal ako para maganda ang ano ko, hindi ako magkakasakit. Thank you!
“Nakakataranta lang kasi, siyempre, sa ganitong edad, dapat malakas ang katawan ko, pero ayos lang. God is good!"
Isa sa mga kinatatakutang kontrabida ang character actress, pero may fear pala siya in real life.
"Matagal na, sinasabi ko kay Lord, ‘Takot ako mamatay. Maawa ka!’ I will do what I can afford to do, huwag lang akong mamatay.”
Kaya pa ba niyang magtrabaho ngayong naka-wheelchair na siya at hirap tumayo? Gusto pa ba niyang mag-artista?

"Kakayanin pa!” mabilis na tugon ni Mommy O, na five years old pa lang daw nang magsimulang umarte sa La Consolacion-Bacolod.
"Kakayanin ko! Kaya kong magkabisa, nagpapraktis ako nang ganun."
Read: Meryll Soriano happy to see dad Willie Revillame looking "well-rested"
GORGY RULA
ODETTE KHAN: PROJECTS OVER AWARDS
Kinumusta ko kay Odette Khan ang kanyang kalagayan. Kumusta ang kanyang pakiramdam?
“Malakas ako! Bakit ako nakaganito?” sambit ng beteranang aktres kaugnay sa paggamit niya ng wheelchair.
Siyempre, hirap na siyang kumilos at umakyat sa entablado. May pinagdadaanan siyang karamdaman?
“Sa karamdaman ko, kasi minsan, di ba, they judge you right away yung ganun,” hinaing ni Mommy O.
“Akala mo, aano pa, e, diyos ko! Sabi ko, ‘Bahala ka na, Lord! Basta ako, malinis ang konsensiya ko.’”
Sabi pa ni Mommy O, habang nagtatrabaho siya ay hindi niya ipinapasok sa kanyang ulo kung best actress man siya o best supporting actress. Kapag ginawa raw niya iyon, masisira ang focus niya.
Pahayag pa ni Mommy O: “Kung ano ang puwede kong magawa, sinasabi ko, ‘Direk, baka may gusto kang ipagawa, pakisabi mo, huwag kang mahiya! Kasi, hahanapan tayo…’
“Ako, ganun ako. Kaya siguro tumagal din ako.”
Sa Bar Boys: After School ay pumanaw na ang character ni Mommy O na si Justice Hernandez.
Puwede pa kaya siya kung may next Bar Boys movie si Direk Kip Oebanda?
“Kambal! Puwede akong lumabas, kambal!” bulalas ni Odette.
Nakakatuwa na nagpa-picture with Mommy O ang Urian best actor na si Jericho Rosales (Quezon) at ang Urian best supporting actress na si Jennica Garcia (Sunshine).

Read: Lino Cayetano new Presidential Communications Office secretary
NOEL FERRER
UPCOMING AWARDS EVENTS
Sa 42nd PMPC Star Awards for Movies sa Oktubre 25, sa Winford Hotel Manila, isa si Odette Khan sa pitong nominado sa kategoryang best supporting actress.
Ang anim na kalaban ni Mommy O ay sina Susan Africa (How To Get Away From My Toxic Family), Dolly de Leon (Habang Nilalamon Ng Hydra Ang Kasaysayan), Eugene Domingo (Unmarry), Jennica Garcia (Sunshine), Rochelle Pangilinan (Child No. 82, Anak Ni Boy Kana), at Sylvia Sanchez (I’mPerfect).
May leakage nga ba ng major winners dito?
Sa 74th FAMAS Awards sa Manila Hotel, isa si Mommy O sa limang nominado sa kategoryang best supporting actress.
Ang apat na katunggali niya ay sina Rochelle Pangilinan (Child No. 82: Anak ni Boy Kana), Elora Españo (In Thy Name), Karylle (Quezon), at Jennica Garcia (Sunshine).
Ayon sa isang showbiz insider, hindi tuloy ang pagbibigay ng AKTOR-League of Filipino Actors ng awards this year. Gahol na raw sila sa oras.
Wala pa ring update ang Multi-Media Press Society of the Philippines (MMPRESS) kung tuloy ang Golden Screen Awards this year matapos ang Dekada Awards 2026 noong Oktubre 4, sa MMFF Auditorium, MMDA Head Office, Pasig City.
Sa Disyembre 10 nakatakda ang rebooted Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP), at hindi pa naglalabas ang organizers ng listahan ng mga nominado.
