JERRY OLEA
Tabla sina Jericho Rosales (Quezon) at Joshua Garcia (Meet, Greet & Bye) bilang PinakaPASADOng Aktor sa 28th Gawad PASADO (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) na gaganapin sa Oktubre 22, 2026, Huwebes, 6:00 P.M., sa Abbot Lopez Hall ng San Beda University, Mendiola St., Manila.
“Oh, yeah, nakita ko. Yes, yes, yes!” napangiting bulalas ni Joshua nang mainterbyu namin bago mag-block screening ang pelikula niyang Always Yours, Never Mine noong Oktubre 16, Biyernes, sa VIP Parkway Cinema ng Fisher Mall, Quezon Ave., Quezon City.
“Maraming salamat sa award, of course. It’s a bonus for me. Yeah, thank you. Walang sawang pasasalamat sa pagbigay ng magandang parangal sa akin para sa pelikulang Meet, Greet & Bye.
“Thank you talaga!”
Ang sipag-sipag ni Joshua maging ng katambal na si Julia Barretto para sa promo ng Always Yours, Never Mine.
Ngayong Oktubre 17 ay makikisaya si Joshua sa MassKara Festival ng Bacolod City.

Always Yours, Never Mine International Screening
May international screenings ang pelikula niya sa UAE, Qatar, Bahrain, Australia, at New Zealand sa Oktubre 22; U.S., Canada, at Guam sa Oktubre 23; U.K. at Austria sa Oktubre 31; France, Italy, at Spain sa Nobyembre 1.
May mapupuntahan ba siya sa ibang bansa?
“Yes po, and I’m really excited. Kasama ko rin dito si Julia,” sagot ng Kapamilya actor.
“At sana ay makita namin doon ang mga pamilya namin, of course, na manonood. So iyan, excited na ako.
“Pupunta kami sa U.K., London, for dalawang screening. October 31. And then sa Madrid din, meron kami. November 1.
“So exciting, exciting. Mabilis lang though, hindi siya parang bakasyon na makakalibot kami. Ang importante dun, ma-promote namin yung pelikula.”
Ang nag-sponsor ng recent screening ay si Bernard Cloma, na tahasang nagsabi na dalawang aktor lang ang pinaka-love niya ngayon: si Joshua at si Donny Pangilinan.
Nagpa-block screening din noon si Bernard para sa pelikula ni Donny with Belle Mariano na Tayo Sa Wakas.

Sabi pa ni Joshua: “Of course, gusto kong magpasalamat kay Tito Bernard for doing this, for supporting our movie.
“And, of course, thank you, guys, for loving Tito Bernard, di ba? The one and only Bernard Cloma. So yun po, maraming salamat…
“Enjoy the movie. Maganda po yung pelikula. Sana po, magustuhan ninyo. Thank you po.”
Read: Regine Velasquez: "Not fading," still shining after four decades
NOEL FERRER
THE NEXT LEVEL FOR JOSHUA GARCIA
Alam ninyo, after nung double tie sa Urian—Best Actor sina Jericho at Carlo, Best Actress sina Maris at Odette—ang pinakatumatak sa akin ay yung sinabi ng Manunuri: “There can never be a Best Actor in a bad film.”
Doon ko naisip si Joshua Garcia.
Si Joshua, parang si Jericho, deserves an Urian. Damn good actor iyan. Sensitive. Hindi pilit. Yung mga mata pa lang, umaarte na. Hindi siya yung maingay na artista—tahimik pero ramdam mo.
He deserves that critics' recognition, period. Pero paano ba makukuha yun?
Ito na yung parte na medyo masakit pero kailangan sabihin: Dapat nang desisyunan at panghawakan ni Joshua ang pagiging aktor niya. Anong ibig sabihin nun?
Una, desisyon. Hindi na puwedeng kung anong ibigay, tatanggapin lang. Kailangan siya mismo ang mamili.
Si Jericho, tingnan ninyo ang journey—from Pangako Sa ‘Yo heartthrob to Alagwa to Quezon. Pinili niya yung mahihirap na roles, yung risk.
Ganun din si Carlo Aquino—from love team to Bar Boys: After School na Best Film level.
Nag-decide sila na, “Aktor ako, hindi lang artista.”
Si Joshua, nasa gitna pa rin ng ganung crossroads. Kayang-kaya niya, pero kailangan niya nang mamili.
Pangalawa, proyektong may kabuluhan. Hindi ibig sabihin na puro indie o puro mabigat. Ang ibig sabihin, gumawa ng pelikulang maipagmamalaki niya five-ten years from now.
Yung hindi lang about relationship calisthenics—nag-away, nag-break, nagkabalikan.
Nasaan tayo sa lipunan? Anong sinasabi nung panahon sa pag-ibig natin?
Katulad nung sinasabi ng Manunuri, they reward a performance based on the totality of the film.
Kahit gaano ka kagaling, kung yung pelikula mo ay luma yung template at parang Hallmark card na pilit ang dialogue in English—mahihirapan kang manalo ng Urian.
Joshua has nothing to prove pagdating sa box-office. Mahal siya ng masa.
Pero for his filmography? Kailangan niya ng isang Sunshine, isang Bar Boys—pelikulang may sinasabi tungkol sa Pilipinas ngayon.
Kaya sana, yung pelikula niyang pinanood ko: Always Yours, Never Mine, kung saan kasama nina Julia at Bianca, na spanning three decades, sana, hindi lang time jump ang three decades.
Sana, ramdam yung pagbabago ng bansa sa pagbabago ng pag-ibig nila. Sayang.

Jericho waited years for his second Urian. Si Joshua, bata pa, ang dami pang oras. He is 29.
Pero the clock for great choices starts now. Joshua can go beyond PASADO Award.
He deserves an Urian, pero mas maganda kung yung Urian din, at tayo rin, we deserve yung best ni Joshua. Sana soon!
Read: ASAP XP adds Star Worx artists; AOS’ days reportedly numbered
GORGY RULA
Super agree ako sa obserbasyon mo riyan, Sir Noel. Nang pinanood ko kahapon ang Always Yours, Never Mine, ang naisip ko talaga ay ito na yung mga tipo ng pelikulang ginawa nina Christopher de Leon at Vilma Santos.
Kabilang sa Vilma-Boyet movies noong ‘80s iyong Relasyon, Sinasamba Kita, Paano Ba Ang Mangarap?, Broken Marriage, Minsan Pa Nating Hagkan Ang Nakaraan, at Imortal: Ang Kasaysayan ng Walang Kamatayang Pag-ibig.
Ang suwerte nina Joshua Garcia at Julia Barretto, ang bata pa nila para mabigyan ang ganito kaganda at katinong material. Ang aga nilang natuto. Ang aga nilang nag-level up bilang aktor at aktres.
Kaya nga tinanong ko ito kay Joshua: Tapos na ba sila ni Julia sa pa-cute na love team?
Ani Joshua: “Mas seryoso na, pero, at the same time, ayaw mo naman bigyan ng palaging seryoso ang mga tao.
“Kailangan din ma-entertain pa rin sila, di ba? Masaya pa ring panoorin, di ba? Nandodoon pa rin naman ako.”
Kaya sakaling magsama sila uli ni Julia sa isang movie project, ang gusto sana niya ay yung masaya na.
“Ako naman, open naman ako. Basta at least, sana bago yung istorya, ano, di ba? Sana masaya naman. Para pambalanse, di ba?
“I think after this, may movie si Julia. At least ngayon, maiba naman di ba. Nag-horror naman si Julia. Sana, suportahan din natin yun,” saad ni Joshua.
Nagustuhan ko naman ang Always Yours, Never Mine, lalo na sa huling bahagi ng pelikula.
Ang isa sa pinalakpakan ko talaga rito ay si Bianca Umali, na ang galing-galing.
Sana, mabigyan si Bianca ng GMA-7 ng ganitong tipo ng material.
Habang pinapanood ko dito si Bianca, naiisip ko si Iza Calzado sa pelikula with Piolo Pascual and Toni Gonzaga na Starting Over Again (2014).
Maiksi lang ang partisipasyon, pero ramdam mo sa buong pelikula.
Read: REVIEW: Always Yours, Never Mine is more than love and timing
