JERRY OLEA: Mabilis na umaksiyon ang ABS-CBN kaugnay sa hinaing ni Carl Malone Montecido, ang bulag na grand finalist sa unang season ng "Tawag ng Tanghalan" (TNT) sa It's Showtime.
Agosto 26, Linggo ng umaga, sa Bacolod City nang makilala ni Direk Paul Ballano si Lyndon Tupas.
Inilapit ni Lyndon kay Direk Paul ang problema ni Carl na hindi makakolekta sa TNT dahil hindi nito maasikaso ang mga kailangang dokumento.
Agosto 27, Lunes, National Heroes' Day, ipinost ni Direk Paul sa Facebook ang himutok ni Carl. Ginawan namin iyon ng istorya para sa PEP Alerts.
Read: Bulag na finalist ng Tawag ng Tanghalan Season 1, di pa nakukuha ang consolation prize na P100,000
Agosto 28, Martes ng umaga, ibinalita ni Direk Paul sa FB na tumawag na ang ABS-CBN kay Carl.
Sabi ni Direk Paul nang makachika namin sa Messenger, “Isa sa mga umaksyon nito ay si Direk Laurenti Dyogi, assured na aasikasuhin ito and they did.
“They were saying na hindi two years bago nakuha ang prizes. May balance lang daw sa mga TF nung bata from TV shows and mall shows yata.
“Authorization letter na lang ang hiningi nila para makuha na yung TF ni Carl,” lahad pa ni Direk Paul, na hindi alintana ang mga nam-bash sa kanya.
Direk Paul Ballano and Carl Malone Montecido
NOEL FERRER: Salamat, Kapamilya, sa pag-aksiyon agad sa pangangailangan ng bulag na TNT grand finalist.
At least, hindi ito tulad ng ibang contests na hindi na nakukuha ang prizes long after natapos at na-air ang contest hanggang ma-release na ang artist.
Alam niyo naman kung gaano nangangailangan ang mga sumasali sa mga contest na ganito.
GORGY RULA: Ipagpatuloy na natin ang public service ng PEP Troika, hindi yung paniningil lang.
Nakakatuwa na sa maliit na pahina ng PEP Troika, nakakapagbigay ng konting tulong.