GORGY RULA
Sapul ang mga marites sa blurb ng episode na "Lies and Secrets, The Julio Bocauto Story" sa Magpakailanman na ipinalabas nitong Sabado, February 19, 2022.
Si Tom Rodriguez ang bida sa episode na ito kung saan ginagampanan niya ang role ng isang guro na pinagbintangan ng sexual harassment sa batang estudyante, na ginampanan ng young actor na si Bryce Eusebio.
Ang sabi sa artcard ng episode na ito ng Magpakailanman: “Nabiktima ka na ba ng maling usap-usapan?”

Parang ganun kasi ang nangyayari ngayon sa mag-asawang Tom at Carla Abellana na kung anu-anong tsismis ang kumakalat sa diumano’y hiwalayan nila.
Tahimik lang kasi sila at walang reaksiyon sa mga naglalabasang balita, at ewan ko kung maglalabas sila ng statement kaugnay sa kontrobersiyang pinasimulan din nila dahil sa pag-a-unfollow nila sa isa't isa sa Instagram.
May mga nagkakalat naman ng tsismis ngayon na ang kuwento raw ng diumano'y hiwalayan nina Tom at Carla ay kahalintulad sa kuwento ng isa sa mga drama series na nagawa nila.
Makikita raw sa ilang IG stories ni Carla na tila may patama sa pinag-uusapang isyu. Pero deadma lang sila sa mga tsismis na kumakalat at sa trabaho na lang sila naka-focus.
Sa All-Out Sundays nga ay puring-puri si Tom dahil bukod sa magaling siyang kumanta, wala raw itong attitude. Ang gaan katrabaho.
Ang galing pa niya sa binirit niyang Renz Verano song nung nakaraang Linggo, February 13. At ngayong Linggo, February 20, ay ang awitin naman ni Wency Cornejo ang iku-cover niya, na mas binonggahan pa raw niya rito.
Nahahasa si Tom sa kantahan dito sa AOS kaya sa mga susunod na episodes ay kasama pa rin siya.
Talagang hataw raw sila sa biritan ngayong Linggo sa AOS.
Bukod kina Tom at iba pang Kapuso male balladeers, magpapasiklab din ang mga biritera kung saan ay makakatapat ng mga Pinay Kontesera na sina Julie Anne San Jose at Aicelle Santos-Zambrano ang Asia’s Timeless Diva na si Dulce.
Abangan ngayong tanghali sa All-Out Sundays!
JERRY OLEA
Tuluy-tuloy naman ang world-class performances ngayong Linggo (Pebrero 20) sa ASAP Natin 'To sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5, online sa Kapamilya Online Live at iWantTFC, at worldwide via TFC.
Bigay-todo muli sa ASAP stage ang Divine Diva dahil ipagdiriwang ni Zsa Zsa Padilla ang kanyang ika-39 anibersaryo sa showbiz.
Hindi pahuhuli sa kanyang pa-blowout si Alexa Ilacad para sa kanyang birthday performance.
Kapana-panabik ang pop kantahan nina Bamboo at Darren, at soulful biritan nina KZ at Regine Velasquez.
May New Gen Birit sing-off sina Janine Berdin, Reiven Umali, JM Yosures, at Elha Nympha.
All-star awitan ang hatid nina Dingdong Avanzado, Jessa Zaragoza, Jolina Magdangal, Jed Madela, Erik Santos, at Yeng Constantino.
Patuloy na damhin ang Feb-ibig sa karaoke love hits kantahan nina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Nina, Erik Santos, Zsa Zsa Padilla, at Regine Velasquez sa "The Greatest Showdown."
NOEL FERRER
Iba talaga ang mga celebrity, ‘no, kasama ang mga nangyayari sa buhay sa sining — kaya buo ang drama.
Sana makatulong ang pinagdadaanan ni Tom Rodriguez sa kanyang trabaho and vice versa, I’m sure nakakatulong din ang kanyang trabaho para maibsan ang impact ng pinagdadaanan niya.
Ano nga ba ang lagay ng kanyang buhay? Idaan na lang muna sa pag-arte sa drama at pagkanta.
