Five years na sa showbiz si Ernest Beaver Magtalas, pero nitong 2022 pa lang siya nakagawa ng pelikula.
Paliwanag ng male actor sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Nung nag-start po yung pandemic, as in hindi po ako nakaluwas ng Manila, since nasa Nueva Ecija nga po kami.”
Taga-Cabanatuan City sa Nueva Ecija si Beaver, at ito ang dahilan kung bakit hindi agad siya sumabak sa showbiz kahit na close ang kanyang parents sa showbiz veteran na si Cristy Fermin, na galing din ng Nueva Ecija.
Sa katunayan, kinu-consider ni Beaver bilang managers niya noon sina "Lola Lolit Solis at Lola Cristy Fermin," kung kanyang tawagin.
Ayon kay Beaver, “Kinukuwento na po sa akin nina Mommy na nung baby pa po ako, may mga lumalapit na po sa akin na naghahanap po.
"Pero since very far po kami from Manila, umaayaw po sina Mommy, hinihintay po nila na ako po yung mag-decide."
Noong nakakita si Beaver ng audition para sa "Star Hunt" ng Pinoy Big Brother Otso, dito na raw nag-umpisa ang kanyang interes sa acting, singing, at dancing.
“Unfortunately po, hindi [ako nakapasok sa Pinoy Big Brother house], pero ayun po, nasa Star Hunt naman po ngayon.”
Dose anyos si Beaver noong makapasok siya sa Star Hunt, at 17 years old na siya ngayon.
upcoming projects
Kuwento pa ni Beaver, “Actually, I started po at workshops, I workshopped po for Tito Ogie Diaz.”
Dumaan din si John Heindrick Sitjar sa workshop ng talent manager at vlogger na si Ogie.
Alam ba ni Beaver ito?
“Yes po, pero hindi po kami dun unang nag-meet, first time po naming nag-meet po for Roommate po.”
Ang Roommate ay kasalukuyang napapanood via online streaming tuwing Sabado, alas sais ng gabi sa Gabby Ramos Official Facebook Page.
Bida rito sina John Heindrick at female young actress Jhassy Busran. Mas kilala ang dalawang young stars bilang love team na JhasDrick.
Produced ito ng Rems Films at sa direksyon ni Gabby Ramos, tampok din dito sina Beaver at MJ Manuel.
Mapapanood din si Beaver sa pelikulang Genius Teens, na ipapalabas muli ngayong March 2023 sa mga TV platforms.
"Doon po kami unang nag-meet nina Jhassy,” sabi ni Beaver.
Mayroon na ring upcoming project si Beaver pagkatapos ng Genius Teens.
“Meron po akong Tahanan ng mga Pangarap na soon to be released as well, then eto nga po yung Roommate, which is a Facebook series po.”
Supporting role ang ginagampanan ni Beaver sa Roommate, pero kung sakaling maging leading man siya ay mayroon na siyang gustong maging leading lady.
“Actually, very close po kami ni Mutya Orquia, so I think meron naman na po kaming connection if ever na magka-project po kami together.
“Hindi pa po kami nagkatrabaho, pero we’ve been friends for a couple of years na.”
Girlfriend niya ba si Mutya?
“Hahaha! Hindi po, ano lang po, nagka-workshop kami sa Star Magic, then starting then po naging very close po kami to each other.”
Iniidolo naman ni Beaver ang KathNiel, at pagdating sa mga lalaking gusto niyang sundan ang mga yapak, dalawa ang nabanggit niyang pangalan.
“Sa acting po, I really like po Kuya Joshua Garcia and John Lloyd Cruz, of course.”
balancing work and personal life
Bina-balance naman ni Beaver ang kanyang showbiz career sa pagiging estudyante.
“Sa province lang po, College of the Immaculate Conception [Cabanatuan]. Strand lang po, HUMMS 11.”
Paliwanag naman ni Beaver tungkol sa kanyang strand, “Para po siyang… kasi di ba sa college po, courses po? So, yung courses po, yun yung actual na ite-take ninyo na job, then yung strands po is to practice po for that course.”
Dagdag pa niya tungkol sa napiling strand, “HUMSS po, which is involving Humanities and Social Sciences po na Psychology and Law.
“I really want to be a lawyer po, pero it might take very long, so nagpu-focus din po kasi ako sa career ko on showbiz, so baka mag-Psychology na lang ako.”
Sa kanilang pamilya, si Beaver lang ang sumabak sa showbiz.
Nasa financing ang kanyang mga magulang, at panganay naman si Beaver sa magkakapatid.
Kuwento ng young actor tungkol sa kanyang mga kapatid, “Originally tatlo po kami, then yung sister ko po kasi angel na, so dalawa na lang po.
“She was one year old and a couple of months pa lang. May butas po kasi siya sa puso.”
Panganay si Beaver sa magkakapatid.
“Pangalawa po, pero technically panganay since yung ate ko po is angel na nga.”
Kung wala namang nasa showbiz sa kanyang pamilya, bakit nais niyang maging artista?
Paglalahad ni Beaver, “Parang I discovered my passion po to be able to entertain, and gusto ko din po na magamit yung platform to help other people po, especially in entertaining nga po.
"Gustung-gusto ko po na nakakapagpasaya ng tao and sa mga na-experience ko po so far na guesting po sa malls, na-a-appreciate ko po talaga yung mga smiles that you’re able to give to other people po.”
Bukod sa pag-arte ay may talent si Beaver sa pagkanta at pagsayaw.
“Currently po, singing, pero I’m also taking dance workshops po.”
