Nag-uwi ng Bronze medal ang programa ng ABS-CBN News na KBYN (Kaagapay ng Bayan) sa prestihiyosong New York Festivals TV and Film Awards 2023.
Ang New York Festivals TV & Film Awards ay taunang isinasagawa upang bigyang-pagkilala ang storytellers mula sa higit 50 bansa na nakagawa ng kapuri-puring content sa iba't ibang platform.
Ang KBYN ay hinu-host ng batikang broadcaster na si Noli de Castro.
Pinarangalan ang KBYN para sa kategoryang Best Public Affairs Program, dahil sa tatlong magkakaibang episodes na sumasalamin sa kuwento ng mga Pilipinong nagpamalas ng diskarte at pagpupursigi.
Kabilang na rito ang kuwento ng "Tatlong magkakapatid sa Quezon na may hindi maipaliwanag na sakit"; "Mga patapong gulay, muling naibebenta ng 'pulot' vendors sa Divisoria"; at ang "Baha sa ilang komunidad sa Bulacan at Pampanga, hindi humuhupa."
Ang KBYN ay nagsilbing pagbabalik-telebisyon ni Noli noong April 10, 2022, matapos niyang pansamantalang magpaalam sa TV Patrol noong October 7, 2021.
Read: Noli de Castro, balik-TV na via KBYN: Kaagapay ng Bayan
Ito'y dahil sa desisyon niyang tumakbong senador sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ni dating Manila Mayor Isko Moreno.
Hindi rin ito natuloy dahil noong October 13, 2021, ay inihayag ni Noli na umatras na siya sa kandidatura niya sa pagkasenador.
Read: Noli de Castro to return to TeleRadyo after withdrawal from senate run
Read: Noli de Castro withdraws candidacy for senator in the 2022 elections
Samantala, bukod sa Bronze ng KBYN ay nasungkit din ng Pilipinas ang apat pang medalya mula sa iba't ibang kategorya.
Ginawaran ng Gold ang GMA-7 programs na Kapuso Mo , Jessica Soho (KMJS) at The Atom Araullo Specials.
Read: Gold medal ng Kapuso Mo, Jessica Soho mula 2023 New York Festivals, malaking milestone
Kinilala ang KMJS sa Health/Medical Information category para sa episode nitong “Mga Sugat ng Pangungulila”, habang ang documentary special ni Atom na “Mata Sa Dilim” ay nagwagi sa Social Issues category.
Dalawang programa rin ng Kapuso network ang nakakuha ng Bronze: ang primetime series na Maria Clara At Ibarra sa Drama category at ang Stand For Truth (“Runaway Child Brides”) sa Cultural Issues category.
Naging finalist naman sa documentary category ang limang programa mula sa Kapuso Nework: Born To Be Wild (“Primate Planet”) – Environment & Ecology; I-Witness (“Black Soldier Fly”) – Science & Technology; Kapuso Mo Jessica Soho (“Eleven”) – Human Concerns; Reporter’s Notebook (“Our School Is Sinking”) – Community Portraits; at The Atom Araullo Specials (“The Missing”) – Human Concerns.
Read: GMA-7 bags four medals at New York Festivals TV and Film Awards 2023
