Kahit sa mga bigating negosyante, mahalaga ang pagkakaroon ng "me time."
Katulad na lamang ni Lance Gokongwei, 56, president at chief executive officer ng JG Summit Holdings, Inc. (JGSHI), isa sa pinakamalaking conglomerates sa bansa.
Ipinasilip ng kilalang business leader kung gaano kasimple ang kanyang paraan para makahinga mula sa kanyang busy schedule.
Sa kanyang Facebook post noong November 25, 2022, binanggit niya ang hilig na panonood ng fantasy TV series habang may katabing snacks.
Sabi niya sa caption (published as is), “Looking forward to a less hectic weekend.
“Family time and some me time too.
“Planning to finish House of the Dragon, the prequel to the Game of Thrones, while munching on what’s left of this bag of No Brand popcorn from yesterday.
“Highly entertaining, but that’s just for the movies.”
Kalakip ng post ni Lance ay ang kanyang larawan na nanonood sa kanyang laptop at kumakain ng salted butter popcorn.
Ang tsitsirya ay nagkakahalaga lang ng PHP73.25 per pack mula sa isang Korean grocery store na may branches sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Hindi rin nakalimutang banggitin ni Lance na ikinagagalak niyang may panahon siya para maki-bonding sa kanyang pamilya.
"Grateful that my sisters, cousins, and the rest of the family all get along very well," pagtatapos ng kanyang post.
Well-deserved break din ito para kay Lance dahil working mode pa rin siya nang magdiwang ng kanyang ika-56th birthday noong November 23, 2022.
Sa kanyang post, ibinahagi niya ang kanyang mga larawan sa tabi ng redemption booth ng Juan Goal for Plastic program, isang pro-environment advocacy ng Universal Robina Corp. (URC), isa sa mga conglomerates ng JGSHI.
Sa isang larawan ay hawak ni Lance ang isang plastic na naglalaman ng empty plastic bottles.
Caption ni Lance, “Spent my 56th birthday at the office.
“Happy to see our colleagues bringing in their clean plastic waste and trading them in for URC treats as part of our Juan Goal for Plastics program.
“It's one of the key initiatives of the Gokongwei Group, to collect, recover, and divert plastic waste by using our ecosystem in support of a more environmentally conscious and resilient Philippines.”
Sa programa kasing ito, ang plastic waste tulad ng plastic bottles ay papalitan ng URC products.
Titimbangin sa redemption centers ang plastic waste at ang halaga nito ay papalitan ng katumbas na halaga ng mga URC products.
