Pamilya at malalapit na kaibigan ang mga bisita ni Regal Entertainment Inc. CEO Roselle Monteverde nang magdiwang ito ng ika-60 na kaarawan noong Hulyo 14, 2024, sa Milky Way restaurant, Arnaiz St., Makati City.
Sina Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair Jose Javier Reyes, award-winning directors Chito Roño at Derick Cabrido, talent manager and supervising producer Manny Valera, award-winning writer Enrico Santos, Ricky Davao, talent managers Malou Fagar at Charlie Dy ang mga personalidad mula sa entertainment industry na bisita ni Roselle.

"Para sa family lang,” ang sabi ni Roselle nang tanungin ito ng Cabinet Files tungkol sa mga kahilingan para sa kanyang kaarawan.

Nangangahulugan sa kanyang sagot na hiling niya ang kaligayahan at mabuting kalusugan para sa kanyang pamilya.
Katulong ni Roselle sa pag-aasikaso sa mga bisita ang kanyang anak na si Keith. Tinutulungan na rin siya nito sa pamamahala ng Regal Entertainment Inc. na sunud-sunod ang mga bagong proyekto na ginagawa.
Kasama ang mga kaibigan, ipinakita ni Roselle ang kanyang husay sa pagsasayaw sa saliw ng sikat na kanta ngayon ng BINI.
ROSELLE MONTEVERDE'S LOVE CHILD
Ibinalita ni Roselle sa Cabinet Files na official entry sa 20th Cinemalaya Philippine Independent Festival ang Love Child, ang pelikula na pinangungunahan nina RK Bagatsing at Jane Oineza.
Ito ay co-production venture ng Regal Entertainment Inc. at Southern Lantern Studios, at kinunan ang mga eksena nito sa Bacolod.
Mula sa direksiyon ni Jonathan Jurilla ang Love Child.
Ipinagmamalaki ni Roselle ang Love Child dahil, ayon sa kanya, "Maganda ang movie. Hindi mabigat at very heartwarming."
Umani agad ng 4.2 million views sa lahat ng social-media platforms ang trailer ng Love Child nang una itong ilabas.
Bukod sa Love Child, gagawin ng Regal Entertainment Inc. ang suspense-thriller movie na Untold, na pagbibidahan ni Jodi Sta. Maria sa direksiyon ni Derick Cabrido.
Samantalang natapos na ang shooting ng Guilty Pleasure, ang pelikula nina Lovi Poe, Jameson Blake, at JM De Guzman.
Ang movie company din nina Roselle ang producer ng My Future You, ang launching movie ng love team nina Francine Diaz at Seth Fedelin.