Natupad ang pangarap ng isang ginang na magpatayo ng retirement villas sa gitna ng bundok.
Sa kanyang two-hectare property, tanaw ang magagandang burol at kalikasan.
Ani Noemi Catalan, wala na siyang mahihiling pa.
“Minsan ayaw ko nang umalis. Naka-schedule ngayong araw, ‘A bukas na lang... bukas na lang ako aalis,” ani Noemi sa interview ng OG.
“Sinabi ko na sa mga anak ko na once na mag-retire ako, dito niyo lang ako makikita.
“Iba kasi talaga pag love mo na yung isang lugar, parang ang sarap talagang magtambay dito.
“Talagang pinapangarap ko na uupo na lang ako hanggang maghapon.”
Ang property ni Noemi ay tinawag niyang Remedios and Beverly Hills na makikita sa Barangay Baganihan, Marilog District sa Davao City.
Ipinangalan niya ito sa kanyang nanay na si Remedios at nag-iisang kapatid ng ina na si Beverly.
May pitong villas ang property at dalawa ang under construction.
Sabi ni Noemi, “Pinangalan namin sa mother ko and sa auntie dahil dalawa lang silang magkapatid.
“Nakikita ko sa kanilang very close talaga silang magkapatid. Kaya ko din talaga nag-insist na ipangalan sa kanila talaga.”
Read: Want a tiny house? See this beautiful modern version of the bahay kubo

HOW IT ALL STARTED
Kuwento ni Noemi, mistulang “love at first sight” ang kanyang naramdaman nang una niyang masilayan ang lugar.
“Dati, minsan bibiyahe ako ng CDO [Cagayan de Oro], nadadaanan dito na parang ang sarap ng pakiramdam na makita mo yung fog. Pag dumadaan, nakasakay lang ako sa bus.”
Madalas daw niyang ibida ang lugar na iyon sa kanyang mga anak. Pangarap niyang makabili roon ng lote at patatayuan niya ng kubo.
Parang manifesting ang nangyari kay Noemi.
Isang araw, nilapitan daw siya ng anak at ipinaalam na may nakita itong Facebook post na nagbebenta ng lupa sa lugar na nagustuhan ni Noemi.
“Pagdating namin dito, ang sabi ng bunso, “Ma, ito talaga ang gusto ko.’”
Nagbigay raw sila ng downpayment.
Tuwing weekend ay pinupuntahan nina Noemi ang nabiling property.
Minsan ay naisip niyang patayuan na ito ng villa.
Mula sa isang villa, naisip nilang magpatayo ng isa pa, at nasundan pa ng isa.
Mula roon ay nagtuluy-tuloy na ang pagde-develop nila ng lugar.
Read: Tiny house na European-inspired sa Bulacan, katas ng travel refunds
FROM A DREAM TO REALITY
Sa online din humanap ng inspirasyon si Noemi para sa villa na ipapatayo, “Since napag-isipan ko rin naman na retirement itong area na ito.”
Ani Noemi, “So sa sobrang tingin-tingin ko lang sa Pinterest nakikita ko yung magagandang design, kaya yun talaga sa mga anak ko ito ang gusto kong design.”
Ang mga villa na ipinatayo ni Noemi ay A houses na naging uso sa Pilipinas these past few years.
Ang A houses ay napapaliputan ng mga halaman at bulaklak.
Sa ngayon, isang ektarya pa lamang ang nade-develop nila.

Pinag-isipan din ang structures na ipinatayo ni Noemi.
Sa isa sa mga villa, meron itong outdoor lounge para makita ang buong tanawin.
Kumpleto ang bawat villa—may sariling comfort room at kitchen.
Ang isa sa villas may may loft na kayang mag-accommodate ng walong katao.

Gigising ang mga bakasyonista sa magandang view ng mga burol dahil sa glass window sa loft.
Bida pa ni Noemi, kung susuwertehin ang visitors ay makakakita rin sila ng mga lumilipad na agila.
May outdoor deck din kung saan maaaring umupo ang mga bisita, magpahangin, at mag-bonfire sa gabi.
Nagtayo rin sila ng swimming pool at koi pond na may outdoor view deck para tanaw ang magandang kapaligiran.
Agaw-pansin din ang grotto ng Sto. Niño sa property.
Kuwento niya, “Yearly for 10 years, pumupunta talaga ako sa Cebu, nag-a-attend ako ng Sinulog dahil kay Sto. Niño.”
Ang grotto raw ang una niyang ipinatayo nang simulan ang construction ng property.
Sabi niya, “Iyan talaga ang una kong ipinatayo na concrete.
“Nung ipinatayo ko iyan, sunud-sunod na may dumadating lang talaga na budget para sa mga iniisip ko na ipapatayo.
“Parang ang gaan. Ang gaan lang talaga.”

Pero nilinaw ni Noemi na humarap din sila sa mga pagsubok.
Dahil sa rural area ang property, malaki ang naging gastos sa pagdadala roon ng materyal na kinailangang ibiyahe ng isa at kalahating oras.
Malaki rin umano ang ginastos nila sa labor.
Hindi nagdetalye si Noemi pagdating sa expenses.


Read: Couple invests PHP2M in typhoon-proof farmhouse in Naga City
ADVICE FOR RETIREMENT
Pero sulit naman ang ipinundar ni Noemi dahil pati pamilya niya ay nagagandahan sa lugar.
Aniya, inaabot daw ng tatlong gabi kapag nagbabakasyon doon ang kanyang mga anak dahil sa ganda ng lugar.
Bakas din daw sa mga pahayag ng mga anak na tama ang naging desisyon niyang bilhin at patayuan ng villas ang property.
“Sila naman din nagsabi, ‘Ma, iyaan na talaga ang retirement mo, diyan ka na.’”
Sabi naman ni Noemi, “Talagang diyan na talaga ako. Pag sa bahay sa Davao, mainit, nasa kuwarto ka lang. Dito nakakalakad ako every morning.”
May ipinayo rin si Noemi sa mga nagpaplano pagdating ng retirement.
“Sinasabi yung retirement mo saka mag-iisip na, ‘Pag-retire ko ganito ang gagawin ko. Ito ang pera na makukuha ko sa retirement ko, i-invest ko sa ganito.’
“Parang hindi dapat. While hindi ka pa nag-retire, magplano ka na, saka gawin mo na.
“Huwag mong antayin pag nag-retire ka na.
“Pag-retire mo, dapat relax ka na.”
Ginawa rin niyang halimbawa ang mga nagpaplano na mag-farming pagsapit ng kanilang retirement.
Giit ni Noemi, “Na hindi dapat. Hindi ka pa nag-retire habang bata ka pa, gawin mo na.”
