Simula nang tumama ang 6.9 magnitude na lindol sa Bogo, Cebu City, bandang 9:59 ng gabi ng September 30, 2025, napuno ng pangamba ang mga Pilipino, hindi lamang para sa kanilang buhay kundi pati maging sa kanilang bahay.
Ang lindol na iyon, nasundan ng libu-libong aftershocks, pati na rin pagyanig sa iba pang bahagi ng bansa.
Pero paano nga ba kung maapektuhan ng lindol ang inyong lugar? Paano mo masasabing ligtas pang tumira sa inyong tahanan nang hindi nangangamba na baka bigla na lamang itong gumuho?
May sagot ang Westernpacificweather.com, isang organisasyong nabuo noong 2010 typhoon season kung kailan nanalasa ang Syper Typhoon Juan, partikular sa Hilagang Luzon, noong Oktubre ng taong iyon.
Ang Facebook post nito na inilathala noong Oktubre 11, 2025, ay nagbigay ng ilang mahahalagang gabay tungkol sa paunang evaluation ng mga bitak sa pader matapos ang lindol.
Inilathala ito sa mga wikang Ingles, Tagalog, Cebuano, at Hiligaynon upang maintindihan ng mas maraming pamilya sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Read: Survival expert on triangle of life, drop-cover during earthquake
THE KIND OF CRACK ON THE WALL AND THE LEVEL OF DANGER
Mayroong ibinigay na mga panuntunan sa Facebook post tungkol sa mga uri ng bitak na maaaring makita sa bahay matapos ang pagyanig.
Ang una ay tinatawag na “hairline crack” o ang manipis na bitak na halos hindi kakapal sa hibla ng buhok.
Ito umano ay may hatid na mababang antas ng panganib at maaaring mangahulugan na ligtas pa ang istruktura.

Kung makakita naman ng mga “vertical cracks” o yung mga bitak na patayo mula sa taas hanggang ibaba ng pader, dapat nang manatiling alerto at mapagmatyag.
May dala itong katamtamang panganib na kailangan subaybayan upang agad na mapansin kung lumalala ito.

Ang mga “horizontal cracks” naman o mga pahigang bitak ay may mataas na banta ng panganib kaya’t makabubuting agad na sumangguni sa mga propesyunal.

Tulad ng “horizontal cracks”, tinagurian ding lubhang delikado ang “diagonal cracks” o yung mga bitak na animo’y tumatakbo simula sa itaas na bahagi ng istruktura hanggang pababa, sapagkat may posibilidad na nagkaroon ng matinding pinsala ang istruktura, at hindi na ito ligtas tirhan pa kung hindi ito agad na masuri at maayos.

Bukod sa uri ng bitak, iminungkahi ding bantayan ang kapal ng bitak, paggalaw nito, at higit sa lahat, ang pagkakatuwid ng mismong istruktura. Mahigpit din ang habilin sa nasabing post:
“Ang gabay na ito ay para sa mabilisang paunang inspeksiyon. Para sa kumpletong pagsusuri, ipinapayo ang propesyonal na ebalwasyon.”
Read: Here are 3 materials that make houses more earthquake-resistant
STRUCTURAL CRACK VERSUS NON STUCTURAL CRACK
Samantala, umani ng samu’t saring reaksiyon ang post ng uploader tungkol sa structural crack na umano’y post mula sa isang engineer.
Buong caption ng uploader (published as is):
“According to an engineer!”
“Sabi niya, kapag yung crack o liki sa pader ay kaya mong pasukan ng coin, structural crack na iyan, ibig sabihin may possible damage na.”
“Pero kung parang guhit lang o mababaw lang ang bitak, plaster crack lang iyan, surface lang, nothing serious.
"So kung ganun lang sa bahay mo, thankful ka kasi safe pa!”
“Reminder: Mas maganda pa rin magpa-check sa expert para sure sa lagay ng bahay mo.”

Isa sa mga tumuligsa ay ang Engineering Service Designer page ng Sign & Seal – Civil Structural Engineer JAR. Sabi nito, “wrong info” raw ito.
“Kung plastered CHB [concrete hollow blocks] wall ang may cracks, minor or major cracks. Hindi po iyan structural cracks dahil hindi siya structural member ng isang structure.
“Ang structural cracks ay sa mga columns, beams, slabs, and footings, iyan po ang nagre-resist ng seismic force during earthquake, hindi ang mga chb walls.”

Bukod dito, karamihan ng mga komento ay humihingi ng suhestyon tungkol sa iba’t ibang uri ng bitak.
May simpleng paliwanag ang Epp Foundation Repair website tungkol sa pagkakaiba ng structural crack at non-structural crack.
Anito: “The simplest explanation is that structural cracks indicate there has been movement in the foundation while non-structural cracks indicate that there has been concrete shrinkage during the curing process.
“To put it another way, structural foundation cracks threaten your home’s structural integrity while non-structural foundation cracks do not.”
Pre-Inspection OF BUILDINGS
Dahil sa lumalawak na concern sa pagdating ng “The Big One” o ang kinatatakutang mataas na magnitude na maaaring tumama sa Metro Manila at inaasahang magdudlot ng malaking pinsala, nagsagawa ng inspeksyon, lalo na sa mga eskwelahan.
Inatasang iliban ang klase nito lamang Oktubre 13 hanggang 14 upang magbigay daan sa pag-iinspeksyon ng mga paaralan kasabay ng disinfection, bunsod naman ng paglaganap ng influenza-like illnesses na naitala nitong mga nakaraang araw.
Ang mahalaga, tulad ng mga karaniwang paalala ay maging handa at gawing prayoridad ang pagiging ligtas ng buong pamilya. ‘Ika nga nila, “when in doubt, consulting a professional is the best.”
Sa huli, ang pinakamagandang gawin ay masuri kung gaano kalaki, kahaba, kakapal ang crack sa pader. Mas malaki, mas seryoso, at mas nangangailangan ng agarang solusyon.
Pero kahit na maliit pa ito, mas mainam na ipaayos pa rin. Iba pa rin talaga ang nag-iingat.