Recently, hot topic ang ordinary citizens na nabiktima diumano ng investment scams na in-endorse ng mga artista.
Ano nga ba ang mga pag-iingat na kailangang isaisip para hindi maloko?
Isang abogado ang nagbunyag ng mga red flags na dapat busisiin bago maniwala at maglabas ng pera.
Malaki kasi ngayon ang kinalaman ng social media para maengganyo ang mga tao na mag-invest nang hindi sila nagri-research.
Madali rin daw makahikayat kung kilala ang personalidad na nag-iimbita.
“People rely very much on star power, di ba?” ani Attorney Joseph Noel Estrada, managing partner ng Estrada and Aquino Law, sa Kada Umaga ng Net 25, December 2, 2024.
“For one thing, to get more information at yung may mga ekstrang pera, gustong mag-invest and ang nagiging default na pag-research mo, pag background mo ng isang negosyo ay yung celebrity na nag-e-endorse o testimonials ng ibang tao.”
Nilinaw ng abogado na walang masama sa kagustuhang mag-invest.
Pero ang paalala niya, “Lalo na sa panahon ngayon, kailangang maging mapanuri tayo, kasi investment iyan. Dapat kumonsulta sa isang eksperto o abogado bago pumasok sa isang negosyo.”
Read: EXPLAINER: Neri Naig's syndicated estafa and securities code violations
REMINDERS BEFORE YOU ENDORSE
May paalala rin siya sa mga nagpaplanong maghikayat sa publiko para mag-invest, partikular ang mga artista o personalidad.
Wala raw masamang mag-endorso at magtayo ng negosyo.
“Pero pag ang pinasok mo na ay paghihikayat sa publiko na mag-invest sa iyong negosyo, ibang usapan iyon,” ani Atty. Estrada.
“Maaaring legit ang iyong negosyo, pero yung paghingi mo ng investment sa publiko na may pangako na sila ay kikita, hindi mo puwedeng basta-basta gawin iyon. Kailangan mo ng pahintulot ng SEC,” pagtukoy niya sa Securities and Exchange Commission.
Read: Neri Naig, bakit kinasuhan ng syndicated estafa kahit endorser lang?

“’Pag ginawa mo iyon nang walang pahintulot nila, maaari kang maharap sa patung-patong na kaso.”
Sabi ng abogado, “Meron tayong Register of Securities ng SEC para malaman kung authorized yung corporation o yung business na manghikayat sa publiko na humingi ng investment.”
Puwede raw i-check ang online site ng SEC para sa listahan ng registered companies na legit mag-operate dahil public naman ito.
Pero giit ni Atty. Estrada, “ibang usapan” ang paghihikayat ng iba na maging investors.
“Even yung mga corporations na registered with the SEC, you can easily check that. Pero pag sila ay papasok sa paghikayat ng investment, kailangan papasok sila ng secondary license for that.
“Maaaring lehitimo yung produkto pero yung paghikayat sa publiko—hihingi ng pera to anyone na may pangakong returns, at ang business ay humihingi rin ng investment sa ibang tao, yun ay maalerto ka na pag ganon.”
Para kasi maging legal ang paghikayat ng ibang tao na mag-invest, kailangan ng secondary license mula sa SEC.
Ang primary license from SEC ng isang negosyo ay para lehitimong makapag-operate.
Ang secondary license naman ay para makapaghikayat ng iba na maging investor.
Nakasaad sa Securities Regulation Code (SRC) o Republic Act 8799, na dapat magrehistro sa SEC ang anumang negosyo o sinumang tao na tatanggap, magbebenta, o magpo-promote ng mga investment programs.
REMINDERS BEFORE YOU INVEST
Anu-ano naman ba ang red flags na posibleng indicator na scam ang investment?
Paliwanag ni Atty. Estrada: “Kapag napakalaki ng pangako na kita, e, kabahan ka na. Yung mabilis na kita at napakalaki… Lagi kong sinasabi, ‘If it’s too good to be true, then it must be.’ Huwag ka nang pumasok sa gano’n.”
“Kung totoo iyon, e, di sana maraming tao na ang pumasok sa ganoon at yumaman.
“Kailangan talaga maging mapanuri tayo.”
Sundot niya, kailangan daw maging maingat sa mga dealers na “very aggressive” mangulit o mag-follow up para ikaw ay mag-invest.
Dapat mag-ingat mula sa dealers na ginagamit pa ang pangalan ng mga kilalang tao, tulad ng pulitiko, sa pagkumbinsi na mag-invest.
Paano naman daw kung ang isang personalidad o endorser ay nadamay lamang?
Hindi raw maiiwasan na madawit ang isang personalidad lalo pa at kilala ito.
“Kung talagang siya ay ginamit lang… maaari talaga silang magamit sa panloloko ng kapwa, [pero] wala ka namang haharaping kaso doon,” ani Atty. Estrada.
Pero kung ang partisipasyon ng personalidad ay higit pa sa endorsement, tulad ng paghihiyakat, ibang usapan na raw ito.
“Maaaring mabuti yung intention mo, kaya lang hindi sapat ang kaalaman mo sa batas, maaari ka talagang mapahamak.”
Pagbibigay-diin ng abogado, “Panloloko kasi ito. Pag ikaw ay nasangkot sa ganyang investment scam, maaari kang maharap sa patung-patong na kaso.
"Number one is estafa or panloloko.
“Pag iyan ginawa ng five or more persons na estafa, iyan ay syndicated estafa. Non-bailable iyan.”
Syndicated estafa kapag nagsama-sama ang lima o higit pang tao para bumuo ng negosyo at kapag sila ay nakapanloko ng kapwa na mag-invest.
May parusa itong hanggang habang buhay na pagkakakulong kaya non-bailable.
WHAT TO ASK AND LOOK FOR
May ilang reminders si Atty. Estrada para matukoy na legit o hindi ang kausap na dealer.
“Dapat mong hingin ang kanilang license from the SEC to secure investments from the public. Dapat registered yung securities nila. Pag walang naipakita, ‘wag pumasok,” sabi ni Atty. Estrada.
Sunod dito, “Kung sila ay authorized to offer securities to the public, yung investment contract. Kasi lahat ng investment ay merong kontrata, may transaction. Basahin mong mabuti iyon.
“Minsan kasi sa kagustuhan nating kumita kaagad, tayo ay may impulse… gusto nating kumita kaagad. Shino-shortcut na natin, we cut lines, we cut corners, we trust. We leave everything to trust.”
Dito niya iginiit ang pagiging mapanuri at pagre-research para maiwasang maloko.
Doon naman sa biktima ng mga scam, sinabi ni Atty. Estrada, may habol naman talaga sila sa investment scammers.
Pero problema raw kung hindi totoo ang negosyo o kaya ay marami ang nabiktima at naghabol na mabawi ang kanilang perang in-invest.
“Ang mangyayari noon, talagang yung iba, habol nila mapakulong na lang para di makapanloko ng iba.”
Sa huli, nagpaalala si Atty. Estrada na maging vigilant, maging mapanuri, at magsagawa ng research bago pasukin maglabas ng pera.
