Determinasyon. Diskarte. Dasal.
Iyan ang tatlong bagay na nakatulong kay Evangeline “Vangie” Carr, 42, upang makamit ang buhay na kanyang pinangarap—hindi lamang para sa sarili, kung hindi para sa kanyang buong pamilya.
Sa face-to-face interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong May 5, 2025, ibinahagi ni Vangie na bago siya naging isang successful businesswoman, samu’t saring pagsubok ang kanyang pinagdaanan.
Mula sa pagkakaroon ng payak na pamumuhay sa probinsya, isa na ngayong matagumpay na negosyante si Vangie at ang kanyang asawa.
Mayroon silang tatlong branches ng poultry business sa General Trias, Cavite, at kumikita ng eight-digit income a month.

VANGIE CARR'S LIFE BEFORE SUCCESS
Tubong Samar si Vangie, na pang-pito sa walong magkakapatid.
Lumaki siya sa isang middle-class family na sakto lang ang kita para makakain nang tatlong beses sa isang araw.
Pero malaking bagay na mayroong interes sa pagnenegosyo ang kanyang mga magulang.
“Nakita ko sa parents ko talaga din. Nakita ko na yung father ko, namimili siya ng mga hipon, tapos pinapabalatan niya, ine-export niya, binibenta niya sa mga Chinese. Nakita talaga yung, nakita ko na rin, bata pa lang ako.”
Kaya kahit nung bumuo siya ng sariling pamilya kasama ang asawa na si Faustino “Carl” Carr, 42, noong 2003, hindi niya binitawan ang paniniwalang pagnenegosyo ang makapagpapaangat sa kalidad ng kanilang buhay.
Sa parehong taon, na-introduce ang mag-asawa sa poultry business.
Kuwento ni Vangie: "Sa Samar, ano naman doon, kasi yung parents ng asawa ko, may ganyang negosyo.
"So tuwing hapon, kami na ang pinagtitinda kasi parang bago pa lang kami mag-asawa. Tuwing hapon, ‘O, sige, sa inyo naman. Yung kita niyan sa inyo, tapos ibalik niyo yung kapital.’
"So doon namin, ano, nagkakapera kami na malaki. Alam mo, yung parang saglit na oras lang may pera?"
Ang kita raw sa bawat kilo ay "50 to 40 pesos," kaya kung makabenta sila ng "20 kilos," na PHP800 to PHP1,000 na rin ang kita.
Kaya inumpisahang aralin ni Vangie ang pasikut-sikot ng poultry business, na di nagtagal, ay naging pangunahing kabuhayan nila.
Sa mga salita ni Vangie, “Wala kaming inasahan kundi yun na talaga."

STARTING A BUSINESS
Taong 2008, lumipat ang pamilya nina Vangie at Carl sa General Trias, Cavite, mula sa Samar.
Nasa plano nilang ipagpatuloy ang pagnenegosyo kaya pinag-aralan muna ni Vangie ang lugar.
Aniya tungkol sa mga customers: “Parang pag loyal, loyal. Suki, suki."
Tungkol naman sa bentahan ng karne, heto ang obserbasyon niya:
"Nung pumunta kami sa Sunny Brooke [subdivision], namamalengke diyan kasi yung parang pinaka-talipapa talaga ng lahat.
"Pumunta kami nung hapon, sabi ko, 'Bakit kaya wala nang panindang baboy? Anong mayroon?' Ibig sabihin, malakas.
"Doon, nag-isip kami. Ang lakas! Ang lakas ng baboy, kasi kung, kung umaano sila ng isang buong baboy, dapat the whole day na yun. The whole day ang paninda.
"So, kung half day lang ang isang buong baboy, ibig sabihin, malakas. E, sa daming nakapuwesto, sa daming nagtitinda ng baboy, di lang isang tao, siguro five na mga meat shop, malakas para maubos niya yung half day ng mga baboy."
Ang sumunod niyang hakbang ay naghanap ng puwesto.
"Sabi ko, 'Tingin kayo tayo ng puwesto na puwede?' Kasi parang, yung eager namin na maging negosyante, nandun talaga.
"Yun doon, may bakanteng lupa doon na talagang, as in, bakanteng lupa na talagang puwede lang siya sa isang table na maliit. As in, talaga, kumbaga, ilang dangkal lang. Tapos nilagyan lang namin ng payong.”
Nagsimula sila sa "limang buong manok tapos sampung kilong baboy."
"Nag-start lang kami ng ganun, kasi hindi naman kaya pa namin ipaubos yung isang buo kasi, unang-una, wala kaming kilala doon. So, sino ang bibili sa amin? Katulad ng sinabi ko, parang suki-suki doon."
Hindi nila nabebenta lahat. Agad naman siyang nakaisip ng paraan para may bumili ng mga tira, pero nagkaproblema naman sa singilan.
“Alam mo, bali, noong time na yun, may natitira. Naiyak ako. May natitira.
"Every day yun, every day yun, may natitira, e, di siyempre, ang dami. Sabi ko, 'Saan ko dadalhin ito? Ipapautang ko ba?' So, pinautang ko siya sa mga canteen, ganyan.
“Sabi ko, ‘Parang hindi na healthy na, ano?’ Kasi parang yung puhunan natin, mauubos. Kasi parang ang ano namin napag-usapan, one up, one down, kumbaga, maghatid kami, then bukas magbabayad. Ang nangyayari, hindi na ganun. Kumbaga, nasasamantala din kami.
“Okay, deliver, deliver, deliver. Kung kailan lang sila gusto magbayad. So, wala kami nagiging choice, dahil may tira kami, kailangan naming ma-dispose.”
Bunga nito, sinubukan din ni Vangie na pakinabangan ang mga natitira nilang paninda sa pamamagitan ng pagluluto.
Aniya, “Doon, nag-try ako mag-ano, naggawa ako ng meatballs tapos nilalagyan ko ng sauce, nilalagay ko sa plastic, binibenta kong tatlo, bente [pesos]. Inaano ko sa mga kapitbahay.”

THE BUSINESS TAKES OFF
Hindi nagtagal, unti-unting nakita ni Vangie ang pag-angat ng kanilang negosyo.
Noong 2010, nagdesisyon ang mag-asawa na maghanap ng mas malaking puwesto.
Kasabay nito, mayroon silang nakilala na isang supplier na nagbebenta ng mga “reject” na manok.
“Pumunta kami ng Kadiwa sa Dasma [Cavite]. Mayroong supplier na parang nagbebenta ng mga reject na manok. Which is, hindi naman talaga reject. Bali ang pakpak. Sa pagkatay, di ba, or yung paa...Kami ang bumibili nun,” kuwento ni Vangie.
Dahil maraming kumpitensiya sa pagbebenta ng baboy, nag-focus sila sa manok, at ginawang mas mababa ang presyo lalo't may supplier sila.
Pagpapatuloy ni Vangie, “Magkano lang ang puhunan namin, 65? Tapos ang bentahan dito sa Sunny Brooke 130. So kami, ginawa namin 99, binenta namin 99.
"Doon kami nag-boom. Ang mga tao pumupunta sa amin. Doon nag-start lahat yung mga suki namin."
Kung dati ay kilu-kilo lang ang kanilang naipapaubos, umabot sa puntong daan-daang piraso na ang kaya nilang ibenta.
Bunga ng pagdami ng kanilang mga suki, nagdesisyon ang mag-asawa na idagdag ulit ang baboy sa kanilang tinda.

STRUGGLES BEHIND THE SUCCESS
Si Vangie ay isa ring ina.
Sa simula, wala silang tauhan, kaya naging hamon din sa kanilang mag-asawa ang pagbibigay-oras sa mga anak.
May naisip siyang paraan. Medyo kailangang magtiis, pero, ang importante sa kanya, magkakasama sila.
Kuwento niya, “Ang ginawa ko, in-extend ko yung tindahan, as in kahit kapirangot, para yung anak ko, makasama ko.
"Nandun yung duyan na lang na nilalagay ko sa likod. Kasi ano nun, baby pa yung panganay ko nun, parang months pa lang, so kailangan talaga ng gabay.
"Kaya dinala ko sila sa tindahan, doon kami natutulog.
“Kumbaga kung nasaan ako, nandun sila, bahala, siksikan tayo dito. Kumbaga ang tindahan, nagiging bahay sa gabi. Ganun siya, nililinis lang namin nang todo. As in, talaga, nakabaluktot kami. Kung may sardinas na ano, kami, ganun.
"Para lang nakikita ko sila, na paggising, nandiyan ako para paalmusalin sila. Kumbaga mapapakain ko sila habang nagtitinda."
Naranasan rin nilang manakawan ng mga tauhan..
Lahad niya, “Alam mo yung parang nagkampihan sila. Kumuha ang isa, isang libo. Nakita ng isa. ‘Susumbong kita.’ ‘Kumuha ka na rin para hindi kita isumbong.’ Hanggang nag-limang tao, nag-sampung tao.”
Ang masaklap pa, hindi ito agad nalaman ni Vangie. Buti na lang, may isang tauhang lumapit sa kanilang mag-asawa at umamin.
Bilang solusyon, tinanggal nila lahat ng tauhan.
And, for a time, dahil takot nang maloko ulit, sinikap nilang mag-asawa na muling ibangon ang kanilang negosyo nang silang dalawa lang.
“Kaya ulit namin. Kumbaga, hindi porke walang tauhan, magsasara kami? No. Kasi nag-start kami na kami lang,” ani Vangie.
At sa kabila ng mga pagsubok na ito, hindi raw sumagi sa isip niyang sumuko.
"Wala. Ayoko. Kasi parang sinabi mo, pag ginive up natin, titigil na rin tayo sa pagkain. Hindi puwede. May paraan lahat. Kumbaga, bakit? Kumakain ang anak natin. So, bakit natin i-stop?
"So parang ini-stop natin iyan, parang sinabi, huwag na tayong kumain, tanggalin natin yung future ng mga anak natin. Hindi puwede.
"Tuluy-tuloy tayo, ano man ang mangyari..."
Mabuti na lang at hindi siya pinanghinaan ng loob. Dumami pa kasi lalo ang kanilang suki.
Dahil dito, naisipan niyang subukan din ang negosyo ng paglelechon.
Noong 2015, nag-umpisa ito sa pa-isa-isang order hanggang sa dumami nang dumami, at maging ang mga malalaking kumpanya sa General Trias, Cavite, ay sa kanila na umo-order sa tuwing may mga events.
Ang negosyong nagsimula sa isang dangkal lang na puwesto ay naging Carl & Vangie’s Lechon/Meatshop, na dinarayo ng mga suki araw-araw.

BLESSINGS AFTER THE BATTLES
Emosyunal ang naging pagbabalik-tanaw ni Vangie sa kanyang mga pinagdaanan bago naging matagumpay sa buhay.
Bukod sa determinasyon at diskarte sa buhay, hindi niya nakalimutan ang pagdarasal.
Ani Vangie, “Idinasal, hiningi namin, as in Binaclaran ko ito, beh. Binaclaran ko ito.
"Todong iyak talaga. Oh my God, this is the sign. Ito na yun. Kakadasal ko, kakaiyak ko tuwing gabi. As in mabilis. Magic.
"Pag binigay talaga ni Lord, as in, talaga. Siyempre ipinagdasal mo, ibinigay Niya. So all-out. All-out Niyang binigay sa amin yung nasa amin.
"Kumbaga doon ko naisip, nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.”
Taong 2018 nang maipatayo nina Vangie at Carl ang kanilang dream house.
Nag-invest din sila sa apat pang properties sa Cavite at nagkaroon ng dalawang jeepney, dalawang sasakyan, at mahigit sa sampung motor na ipinapagamit nila sa mga tauhan.
Ngayon, nakakapag-travel na rin ang buong pamilya.
Nakangiti niyang ibinahagi na ang lahat ng ito ay pangarap lamang niya dati.
Aniya, “Pangarap ko lang talaga. Hindi ko inisip, kahit sa panaginip, wala.”
Hindi lamang iyan—kumikita rin sila ng eight digits a month!
Kuwento ni Vangie, “After work, gusto ko ang uuwian ko yung, huni ng ibon, yung may bahay na may ganun, kasi, maingay sa palengke, di ba?
"So, uuwi ka man sa gabi, at least, tahimik, malamig, yung ganyan. Parang, makita talaga natin na ito yung pinagpaguran natin. Ito, ito yun. Ito yun, parang, ito na yung magiging ancestral house natin ng mga bata, ganyan."
Para naman sa mga tauhan, may incentive si Vangie: motor.
Dagdag pa niya, “Binibigyan namin para may service sila. Para walang rason, walang commute, walang tricycle, walang whatever.
"So, okay tag-iisa. Hindi na nila iisipin ang transportation. Ngayon kung magtatagal ka ng 10 years, sa iyo na iyan kasi deserve mo rin naman. Bago ka umalis, at least may gamit ka.”
Looking back, nag-uumapaw ang pasasalamat ni Vangie.
Aniya, “Grabe, sabi ko, grabe. Everyday, may blessing. Doon na ako gumagastos na parang wala akong pakialam. Dati, e, bago ako maglabas sa bag ko, kumikita na kami ah. Hindi puwede.
"Ngayon, kumain kami sa labas, 10,000. Okay, go! Ganun, kabilis. Sabi ko, doon ko na naranasan lahat. Grabe talaga, sabi ko."
Ang tingin niya sa lahat ng paghihirap na pinagdaanan nilang mag-asawa ay paghahanda.
“Yun yung sinasabi ko na pag dinasal mo, binigay Niya, ibigay mo sa Kanya lahat. Huwag mo isipin na walang bukas. As in ang blessing, every day. Binigyan ka na before, pero alam mo yung hindi pa todo? Kumbaga hinanda ka muna niya, e. Magaling ka na, ito na. Magaling ka na diyan. Kaya mo nang lusutan lahat iyan. Para hindi masayang yung ibigay ko sa iyo. So hinanda muna kita sa mga ganyang struggle,” sabi pa niya.

LIFE LESSONS
Sa journey ni Vangie bilang negosyante, isa sa life lessons niya ay walang shortcut sa pag-abot ng success.
Aniya, “Kailangan mong mag-umpisa sa wala. Kailangan talaga mag-start ka dito, e. Kasi yun ang magiging ano mo, e, magiging, aral sa iyo na, okay. Alam mo na, bago ka dito, at least alam mo na yung, kumbaga step 1 talaga, dito ka muna. Talagang hindi puwede sa step 2. Iyan yun yung sabi ko, parang hinanda tayo ni Lord.”
Mahalaga rin para kay Vangie na sa mga panahong inuulan ng pagsubok ay kumapit siya sa Diyos.
Sabi niya, “Prayer. First talaga, prayer, kasi, doon ka huhugot ng lakas.
"Siya talaga, e. Siya talaga. Siya talaga lalapitan mo, e. Mahina ka? Matumal? Laging ‘Lord, matumal. Lord, sana bukas makabawi kami. Di ba, prayer?"
Mahalaga ring nakahanap siya ng partner na naging katuwang niya sa lahat ng ups and downs ng buhay.
Pagpapatuloy niya, “Then, yung communication sa asawa, sa nakapaligid sa iyo. Kumbaga para may tibay talaga na ano, na paninindigan na ganito yung plans."
Lastly, huwag patatalo sa mga pagsubok.
"Smooth lang. Huwag masyadong pai-stress. Chill lang, kasi kapag pressured ka, wala, hindi ka makakagawa. Enjoy mo lang siya.”
Mensahe naman niya sa lahat ng mga gustong magnegosyo, huwag basta-basta sumuko.
“Kung naisip nila kung business-minded sila, kung magnenegosyo sila, huwag silang magdalawang-isip.
"Subok. Subukan niyo iyan. Madapa? Bangon. Maubos ang puhunan? Mag-work ulit, then pag nagkapuhunan, mag-business ulit.
"Huwag kang susuko talaga kasi hindi mo naman maano yung isang bagay kung susukuan mo, e.
"Kumbaga hindi mo masabi na triny mo na iyan kasi hindi. Triny mo once lang? Hindi mo man lang binangon? Hindi mo binigyan ng chance, di ba?
"Huwag kang titigil hanggang hindi mo maano kasi, makakarating ka dun e. Makakarating ka dun. Huwag ka lang titigil. Maghintay ka kahit ilang taon pa iyan.”
At kung dumating man sa panahong makaramdam ng kabiguan, aniya: "Lahat naman may paraan. Lahat bumabagsak. So, kailangan mag-isip ka ng paraan kung paano makabangon. Kung saan ka nadapa, doon ka bumangon."
Huwag daw kalimutan ang diskarte.
"So, lahat iyan, may strategy, may style. Be wise. Hindi puwedeng work ka lang nang work. Hindi puwedeng trabaho ka lang nang trabaho.
"Kailangan, may strategy ka. Mag-isip ka. Maging wise ka. Kumbaga, hindi kailangan matalino dito. Kailangan madiskarte ka.”
Ang panghuli niyang mensahe: "I-share mo kung anong blessing mo."
Dagdag niya, "Tandaan niyo, magtutuloy-tuloy ang blessing kung nagbibigay ka ng saya sa ibang tao. Tigil mo, stop iyan.
"Lahat ng blessing mawawala sa iyo. Magtutuluy-tuloy iyan, huwag ka lang maging madamot. Isa iyan sa rules ng buhay.”