Lght gray ang kulay ng mga mata ng anak ni Amira Jade, ang six-month-old daughter nina Diana Zubiri at Andy Smith.
Ito ang unang mapapansin ng mga taong nakikita siya nang personal at ng mga netizens na nakikita ang litrato niya sa social-media accounts ng kanyang mga magulang.
''Pandemic baby” si Amira Jade dahil ipinanganak siya noong September 14, 2020, at ayon kay Diana, brown ang kulay ng mga mata ng kanyang anak nang isilang ito.
Makalipas ang isang buwan, napuna ni Diana na mula sa kulay brown, naging light gray ang mga mata ni Amira Jade.
May paliwanag ang website ng Today sa artikulo na inilabas nila noong April 2020 tungkol sa pagbabago ng kulay ng mata ng sanggol na nag-uumpisa sa unang anim na buwan mula nang isilang siya.
Ang optometrist na si Kristen North ang nagsabi na habang nadaragdagan ang melanin sa iris ng isang sanggol, nag-iiba ang kulay ng kaniyang mga mata mula asul o gray patungo sa berde at hazel hanggang maging brown ito.
Sa kaso ng anak nina Diana at Andy, napatingnan na nila sa doktor ang mga mata ni Amira Jade at wala itong diperensya.
May oras na nagiging berde ang light-gray eyes ni Amira Jade, at may hinala ang mag-asawa na posibleng siya ang nagmana sa kulay ng mata ng Australian grandmother ni Andy na si Mary Elaine Park Smith.
Malaki ang pagkakahawig ni Amira Jade sa kanyang great grandmother na light gray ang kulay ng mga mata mula pagkabata hanggang nagkaedad siya.

Nakasaad din sa artikulo ng Today na kapag kulay asul ang mata ng grandparents ng sanggol, mas malaki ang tsansa na maging kulay asul din ang kanyang mga mata at maaaring ito ang nangyari sa anak nina Diana at Andy.
Bukod kay Amira Jade, may dalawa pang anak ang couple: sina King at Aliyah Rose.