"Ibang-iba."
Ganito inilarawan ni Angeline Quinto ang kanyang birthing experience.
Hindi naman ito traumatic, pero sa kabila ng kanyang paghahanda, marami pa ring nangyari na beyond her control.
“Hindi naman ako na-trauma. Pero iba yung experience ng pangananak, ibang-iba,” saad niya sa launch ng kanyang Twinqle skin and baby products sa Dusit Thani Hotel, Makati City noong June 15, 2022.
“Alam ko na hindi madali. Lalo ako na, akala ko kasi simula noon na nag-umpisa akong magpa-check up nung malaman kong buntis ako, akala ko talaga po, e, normal delivery. Kasi yun ang alam namin ng OB-GYN ko.
"Pero sa di inaasahan na, eto nga, nung April 27, na-emergency CS [Caesarian Section] ako. Uhm, ready ako sa loob ng delivery. Pero hindi ko inasahan, e.
“Pero wala tayong magagawa kasi yun ang kailangan. At kaysa naman ma-stress ang baby ko sa loob ng tiyan ko, e, talagang ginawa na namin na ma-CS ako."
Dahil sa nangyari, hindi pa naiisip ni Angeline na sundan si baby Sylvio.
Aniya, “Marami ang nagsasabi sa akin, katulad ng doktor, na pag ganito ang sitwasyon, na kapag CS ka sa panganganak, parang bigyan mo ng one year or two years after masundan.
“Hindi siya katulad ng normal delivery na agad puwede, e. Yun lang ang kaibahan."
Umamin naman si Angeline na hindi sila gumagamit ng birth control, kaya hindi rin niya masasabi kung di inaasahang masundan agad si Baby Sylvio.
Sabi ng singer, "Pero siyempre, kung mabibigyan po ulit ng isang blessing pa, di ba, na kasunod ni Sylvio, why not? Ako naman, lahat ng mga babies talagang blessing iyan, e.”
ON BABY SYLVIO AND PARTNER'S CHILDREN
Kuwento naman ni Angeline sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang kanyang Mama Bob ang naging inspirasyon sa pangalan ni Baby Sylvio.
Paglahad niya, “Kasi, akala ko po nung una, baby girl. Sylvia dapat. Sylvia kasi ang Mama Bob.
"So si Mama Bob, gusto kong isunod sa name niya sa pangalan ng baby ko. But since naging baby boy, from Sylvia to Sylvio.”
Kumusta siya at ang tatlong anak na babae ni Nonrev Daquino?
“Sa ngayon, wala pa akong nami-meet sa kanila. Pero napapag-usapan na namin ni Nonrev. Ako, okay ako sa ganoon. Kung makilala ko po ang mga anak niya, mas mabuti po sa akin.
"Alam ko na darating yung time na makikilala rin ni Sylvio yung mga kapatid niya.
“Ako, open ako sa ganoon. Mas gusto ko yun,” ngiti ni Angeline.
