Ai-Ai delas Alas jokes about past heartaches: "Kasi sanay ako na talagang upakan, e!"

IMAGE @msaiaidelasalas Instagram

Ai-Ai delas Alas says she doesn't feel threatened by the idea of other girls being attracted to her husband Gerald Sibayan: "OK lang. Ganda ko 'no?! Hindi naman ako magpapatalo sa kanila. Tse!"


Malaki ang pasasalamat ni Ai-Ai delas Alas, 54, dahil nananatiling mapayapa ang buhay mag-asawa nila ni Gerald Sibayan, 25. 

Dalawang taon na silang kasal at tatlong taong naging magkasintahan. 

Sa loob ng panahong iyon ay mabibilang lang daw ni Ai-Ai sa kamay ang mga away nila ni Gerald. 

Estima niya, "Siguro in five years, mga tatlong buwisitan lang.

"Ganun kakaunti. As in hindi talaga kami nag-aaway.

"Parang feeling ko, sa isang relasyon kaya na mag-asawa, normal kaya yung hindi naga-aaway? Parang weird."

Hindi raw akalain ng Kapuso actress-TV host na posible pala ang ganung klaseng relasyon.

Patuloy ni Ai-Ai, "Kasi sanay ako na talagang upakan, e!

"Yung mga ganun. Sanay ako na ganun ang buhay ko.

"Kasi parang masyadong mapayapa. Parang nakakatakot yung kapayapaan. Bakit kaya ganun?

"Pero totoo pala na nakaka-survive ang relationship ng wala ring away."

Inihayag ito ni Ai-Ai sa presscon proper ng S.O.N.S. Sons of Sabel, na ginanap sa Playhub Events Place sa Quezon City, noong April 11.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa hiwalay na panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), natatawang inamin ni Ai-Ai na kung minsan ay nag-iimbento na lang siya ng away "pero hindi naman successful." 

Hindi kaila na bago dumating si Gerald sa buhay ni Ai-Ai ay dumaan ang beteranang aktres sa masalimuot na buhay pag-ibig. 

Kontrobersiyal ang second marriage niya sa businessman na si Jed Salang noong 2013. 

Naging mainit na balita noon ang hiwalayan ng dalawa 29 days mula noong ikasal sila sa Las Vegas. 

Isiniwalat din noon ni Ai-Ai ang pisikal na pang-aabuso sa kanya ng asawang si Jed. 

Pero sa kabila ng mapait niyang karanasang iyon, pinagpala naman daw siya pagdating sa relasyon nila ngayon ni Gerald. 

Nakangiting sabi ni Ai-Ai, "Oo, bawing-bawi! Nabawi talaga ng panahon."

NO MORE JEALOUSY ISSUES?

Natutuwa rin daw siya dahil pursigido si Gerald sa pag-aaral na maging piloto upang mapanindigan daw nito ang pagiging mister niya. 

Lahad niya, "Nagpipiloto siya kasi para mabuhay daw niya ako nang marangal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dream niya yun. Kaya lang noon, ayokong i-fulfill yung dream niya kasi nga selosa ako, di ba?

"Pero siyempre nung kinasal na kami, hindi na. Kasi nangako siya kay Lord." 

Hindi ba siya nati-threaten dahil ang piloto raw ay lapitin ng babae? 

Kumpiyansang sagot ni Ai-Ai, "Ok lang. Ganda ko 'no?! Hindi naman ako magpapatalo sa kanila. Tse!"

Biro pa niya, hindi raw uubra sa kanya ang sinumang aaligid kay Gerald.

Hirit niya, "Siyempre mang-aaway talaga ako!"

UNFAZED BY BASHERS

Hindi na rin daw apektado si Ai-Ai kapag may nambabatikos sa relasyon nila ni Gerald.  

Saad niya, "Jusko, ako dati talaga, parang every day, bash is life.

"Ganun ang dating sa akin dati.

"Parang wala naman akong ginawa, nagsyota lang ako, parang pumatay na ako ng sampung tao!

"Actually, weird na weird nga ako nun. I cannot comprehend."

Patuloy ni Ai-Ai, "Kasi siyempre, kaming mga lumang artista, hindi naman kami dumaan sa social media...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Na parang minumura kami, kung anu-ano sinasabi sa amin.

"Tatanungin mo tuloy sarili mo, 'Ano bang nangyari? Ano bang ginawa ko?'

"So ngayon sanay na ako. 'Ahh, may social media na pala.'"  

PRAYING FOR EACH OTHER

Simple lang daw ang sikreto nina Ai-Ai at Gerald kaya nananatiling kampante at tiwala sila sa isa't isa? 

Pahayag niya, "I think si God. Totoo yun.

"Parati kaming nagsisimba. Parati kaming nagno-novena na magkasama," ani Ai-Ai.

"Tsaka parati kaming... ewan ko ba, tuwing nagko-communion kami, bigla siyang hahawak sa akin. 

"Sabi ko, 'Ba't mo ba ako hinahawakan?' 'Pinagdadasal kita.' 'OK.'

"Ako rin tuloy nahawa na sa kanya, hinahawakan ko na rin siya." 


ABOUT THE AUTHOR


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN