Claudine Barretto on sisters Gretchen and Marjorie: "Sana, kahit papaano, matandaan naman nila yung mga magagandang nagawa ko sa buhay nila."

Claudine Barretto on estranged husband Raymart Santiago: “Sana, tama na yung pailalim, yung mga tira, yung mga katrayduran, yung mga pambabastos. Kasi meron siyang lalaking anak, may babae siyang anak. Yun ba ang gusto niyang lumaki ang mga anak ko? Na magsalita kagaya niya?"


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Claudine Barretto sa inihanda niyang hapunan, para sa ilang piling miyembro ng media, sa kanyang tahanan sa Loyola Grand Villas, sa Marikina City, noong Huwebes, Oktubre 17.

Noong una ay patayu-tayo si Claudine habang kinakausap namin dahil kailangan pa raw niyang patulugin ang mga anak na sina Sabina at Santino.

Si Santino ang pinakahuling natulog, at panay ang kulit sa ina na umakyat na sila para matulog. Tinanong pa nga nito kung bakit napakaraming bisita ng ina.

Nang nakatulog na si Santino, tuluy-tuloy na ang naging pakikipag-usap ng PEP kay Claudine.

PROUD MOTHER. Ipinakita ni Claudine sa amin ang card ni Santino, na pawang matataas ang grades.

Grade I na si Santino, 6 years old, sa Ateneo de Manila.

Si Sabina, 9 years old, ay Grade IV naman sa Multiple Intelligence International School.

Tuwang-tuwa rin si Claudine na ipinakita sa amin ang apat na Certificate of Recognition na natanggap ni Sabina dahil sa mataas nitong grade sa first semester.

Ipinost lahat ito ng aktres sa kanyang Instagram account.

Sabi ni Claudine, “Sa schooling na muna ako nakatutok ng mga anak ko.

"Ever since naman talaga yun ang priority namin."

Isa raw ito sa mga dahilan kung bakit ayaw munang bumalik ni Claudine sa trabaho.

Sa panahon ngayon ay gusto raw muna niyang matutukan ang dalawang anak na nag-aaral.

Kailangan daw niyang subaybayan ang mga ito nang husto dahil sa pinagdadaanang gulo ng kanilang pamilya.

Pahayag ng 34-year-old actress, “Aside from yung mga pinagdadaanan ko ngayon, I think mas mabuting nakatutok muna ako sa mga bata.

"Kasi, hindi madali yung mga pinagdadaanan nila.

"Mas kailangan nila ako ngayon na may mag-guide sa kanila.

“Siyempre, dahil sa mga naglalabasang statements galing sa kung saan-saang kampo e nakakarating na sa mga bata.

"Kasi nine years old na si Sab. Si Santino naman, Grade 1 na rin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

COUNSELLING. Ayon pa kay Claudine, hindi biro ang napagdaanan ng dalawa niyang anak, kaya patuloy raw ang counselling sa kanila para hindi mahirapan ang mga ito sa pag-intindi sa mga nangyayari.

Ang tinutukoy ng aktres ay ang ongoing legal battle nila ng kanyang husband na si Raymart Santiago.

Partikular na binanggit ni Claudine ang habeas corpus na isinampa ni Raymart sa korte upang makuha ang kustodiya ng dalawa nilang anak.

Ang habeas corpus na isinampa ni Raymart ay pinaniniwalaang sagot ng aktor sa Temporary Protection Order (TPO) petition na inihain ni Claudine laban kay Raymart sa Marikina RTC Branch 192.

Pinagbigyan ng korte ang hiling na ito ni Claudine.

Sabi ng aktres, “Hindi madali kasi ang pinagdaanan nila na i-habeas corpus ka, tapos dadalhin ka sa court, and maraming-maraming mga cameras, mga TV crew.

"Puwede namang mas tahimik, e, na ginawa yun.

“Gaya nung habeas corpus na yun, the night before that happened, pumunta pa kami ng St. Luke’s para makausap ang child psychiatrist para i-explain kung ano ang mangyayari bukas.

“Yun kasi ang age na para silang sponge, na lahat ay naa-absorb nila.

“Kumbaga, kung ano man ang naging problema namin, problema namin yun, e. Hindi na dapat nadadamay yung mga bata.

“Sana tumigil na yun sa TPO. Kaya lang, wala na kasing parang respeto.”

BULLY CLAIM. Paunti-unti raw na pinapaintindi ni Claudine sa kanyang mga anak ang mga pangyayari, pero mukhang nakasanayan na raw ngayon ng mga bata ang kalagayan ng pamilya.

Ayon kay Claudine, dahil sa pangyayaring ito, nabu-bully na raw ang mga anak niya sa eskuwelahan.

Pero nang tanungin namin kung paano ito nangyari, wala namang ikinuwento ng aktres na mga detalye.

Sabi lang niya, “Ever since na tinawag ako ni Raymart na drug addict on national television, nakita yun ng mga anak ko.

“Talagang naging concern yun para sa amin, ng mga bata, at para sa eskuwelahan ng mga bata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I’m just glad na maganda ang relationship namin ng schools ng mga anak ko, na nagtutulungan kami.

“Marami silang naririnig. The good thing is my children are equipped naman.

"And siguro, mas nangingibabaw ang pakiramdam na mahal sila, na matatapos din ‘to.

“It affects them, pero they’re survivors, e. Kaya nila, e…kaya nila.”

PRAYING FOR RAYMART. Sabi pa ni Claudine, patuloy lang siyang nagdarasal kasama ang mga bata.

Kahit nga raw si Raymart ay kasama sa mga dasal nila.

"We pray together... we pray even for Raymart.

"We pray na sana matapos na ‘tong storm na ‘to.

“Na sana yung mga di dapat makialam, huwag nang makialam.

"Dahil mahirap pag meron kang dalawang batang inaalagaan."

Sabi pa ni Claudine, “I’m trying to be the best person that God wants me to be.

"And siguro... also, I’m just trying to be the best mom I can be.

"Sana, pabayaan na lang nila ako kung talagang concerned sila. Para sa mga anak ko na lang sana.

“Kasi wala naman sila, e.

"Ang nakakaalam ng totoong kuwento, it’s just between Raymart, me, and our God.

“Nakapadaling manghusga kung tutuusin. Napakadaling kumuha ng kuwento.

"But for me to actually do all these, para masira lang ang buhay ng mga anak ko…

"Hindi ito teleserye, totoong buhay ‘to."

CLAUDINE’S ESTRANGED SISTERS. Hindi man direktang nagbanggit ng mga pangalan si Claudine, malinaw na ang pinatutungkulan niya ay ang mga kapatid na sina Gretchen, Marjorie Barretto at J.J., na naglabas ng mga pahayag laban sa kanya.

Read: PEP EXCLUSIVE Gretchen Barretto to parents Mike and Inday: "We hear Claudine’s cry for help. Why can’t you?"

Read: PEP EXCLUSIVE Part 1 Marjorie Barretto asks her dad: "When did I ever become a bad child?"

Read: PEP EXCLUSIVE Part 2 Marjorie Barretto: "Nobody can bully Claudine. She is a very, very strong woman."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Claudine tungkol sa kanyang dalawang nakatatandang mga ate, “Ipinagdarasal ko na lang na sana, kahit papaano, matandaan naman nila yung mga magagandang nagawa ko sa buhay nila.

“Na sana, kung ano man lies ng enemy, hindi sila makinig.

"Sana matandaan lang nila… maalala lang nila na nung panahong kinakailangan nila ako, nandun ako para sa kanila.

"Hindi ko sila nilaglag, binitawan… at lalung-lalo nang hindi ko tinamaan ang mga anak nila.”

Pagkatapos nito ay napunta ang usapan namin sa mga anak nina Gretchen at Marjorie, na close kay Claudine noon.

Sobrang nami-miss na raw ni Claudine ang mga pamangkin niya kina Marjorie at Gretchen.

“Lahat sila nami-miss ko.

"Wala naman ako yung ito ang pinaka-miss ko. Wala naman akong favorites talaga sa kanila, pero lahat sila.

“Mga anak ni Marj. Siyempre, si Julia, Claui, si Dani, si Leon.

"And si Dominique din... sobrang nami-miss ko sila.”

Si Dominique ang nag-iisang anak ni Gretchen sa longtime partner nitong si Tonyboy Cojuangco.

Sinabi rin ni Claudine na hindi na niya inaasahang magkakasama pa sila muling magkakapatid at mabubuo pang muli ang kanilang pamilya.

Ang hangad lang daw niya ay makita niyang muli ang mga pamangkin sa mga nakaalitang kapatid.

“Sa mga bata, okay lang,” pakli nito.

“Iba kasi pag anak na yung tinitira, e.

"And I think they crossed that line, and mga anak ko na ang tinamaan nila.”

Garalgal na ang boses at nangingilid na ang luha ni Claudine nang hiningan namin siya ng mensahe para sa mga pamangkin.

“Nami-miss ko na sila, sobra,” tugon nito.

LEGAL BATTLE. Pagdating sa mga kaso nila ni Raymart, tipid na ang mga sagot ni Claudine dahil daw sa gag order mula sa korte.

Hindi detalyado ang sagot ng aktres nang itanong namin ang tungkol sa annulment case na binabalak niyang isampa.

“Confidential pa muna, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"It’s something that we’re really working at, and thinking pa talaga.

“Kasi, panibagong pagsubok na naman yun para sa mga anak ko.

“Kung gusto mong i-file next week, puwede na, e.

"But it’s the feeling of my children is at stake. Ang dami nang changes masyado sa buhay nila.

"Hindi naman ako abuser na itu-traumatize ko pa ang mga anak ko nang dire-deretso.

"Hindi naman ako nagmamadaling ikasal [uli],” napangiti niyang sabi.

Tinanong ng PEP si Claudine kung, pagkatapos ng lahat ng ito, umaasa pa siyang maging magkaibigan sila uli ni Raymart, alang-alang na lamang sa kanilang mga anak.

Aniya, “Kahit sa mga lahat na mga text ko sa kanya dati, yun ang hinihingi ko, e.

“Sabi ko sa kanya, ’Tayo lang naghiwalay, hindi mga bata.’

"Pero hindi ko puwedeng pilitin ang taong ayaw.

“Yung ayaw niya mag-cooperate for the kids’ sake.

“Sana, tama na yung pailalaim, yung mga tira, yung mga katrayduran, yung mga pambabastos.

"Kasi meron siyang lalaking anak, may babae siyang anak.

“Yun ba ang gusto niyang lumaki ang mga anak ko? Na magsalita kagaya niya?

"Na balang araw, babastusin na ni Santino yung nanay niya o magiging asawa niya?

"O baka balang araw si Sabina, may pakakasalan na babastus-bastusin din siya sa pananalita?

"So, sana lang, mas careful siya sa mga sinasabi niya.”

Tinanong uli namin si Claudine kung ano ang gusto niyang maging katapusan ng lahat ng gulong ito sa kanila ni Raymart.

“Hindi ko na naisip kung ano,” sagot niya.

“Ang naisip ko lang siguro ngayon, since wala naman akong asawang puprotekta sa akin at sa mga anak ko, wala naman akong ibang magagawa kundi protektahan ang sarili ko at ipaglaban ang sarili ko.

"Kasi, may mga injustices na nangyayari sa buhay ko.

"Hindi naman ako bibigyan ng TPO kung walang bases yung mga sinabi ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And I just want the abuse to stop, na huwag na pati mga anak ko. Sana tumigil na sa akin.

“I think the abuser’s retaliation is much, much… more worst,” sabi ni Claudine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN