Idinetalye ni Chief Superintendent Jose Erwin Villacorte, district director ng Southern Police District (SPD), ang mga kaganapan kaugnay ng blotter report ng modelong si Deniece Cornejo laban sa aktor na si Vhong Navarro.
Ang insidente ay naganap noong Miyerkules ng gabi, noong January 22.
Nagtungo sa SPD ang grupo ng negosyanteng si Cedric Lee upang ipa-blotter ang diumano'y tangkang pangre-rape ni Vhong kay Deniece noong January 22, 2014, sa isang condo unit sa Bonifacio Global City.
Dito ay nabugbog si Vhong ng sinasabi nitong anim na kalalakihan.
Read: Vhong Navarro tied, blindfolded, and beaten by six unknown men
Sa panayam nina Anthony Taberna at Jerry Baja sa hepe ng SPD, sa programang Dos Por Dos ng dzMM kahapon, January 27, tinanong ng mga ito kung malinaw na ang impormasyong nakarating sa kanya tungkol sa mga nangyari noong dumating ang grupong nagdala kay Vhong sa presinto.
Saad ni Chief Superintendent Villacorte, “Dun po sa parte na iblinotter, nung January 22, yun po ang aming record na kung saan ay naka-blotter sa aming headquarter, sa investigation and detective division po namin, kung yun po ang binabanggit ninyo.”
Wala na bang kasunod na complaint matapos ng nasabing pagpapa-blotter na yun?
Tugon niya, “Wala na po dahil ang usapan po nila nung gabi na yun… nung January 22, ay hindi na po magpa-file ng kaso yung babae, si Miss Deniece Cornejo.
“At dahil hindi na po magpa-file ng kaso, ay wala na pong naging statement o salaysay na kinuha po sa kanila.
"Ang naging pakiusap lang po nila ay i-blotter yung insidente.
"At hangga’t maaari, huwag na pong palakihin at huwag na pong i-media. ‘Yan po ang sabi ng imbestigador.”
Ang desk officer daw ng gabing yun ay si PO3 Dalmacio Lumiuan Jr.
DUTY OFFICERS NOT IN UNIFORM? Ipinalinaw rin kay Chief Superintendent Villacorte kung totoo nga bang hindi naka-uniporme noong mga oras na yun si PO3 Lumiuan Jr.
Sagot nito, “Kasi po yung opisina na yun ay Detective and Investigation Division [DID] po ng Southern Police.
"Meron naman pong naka-uniporme po doon nung panahon na yun.
"Yung mga tao po dun ay yung iba ay naka-uniporme, yung iba po ay hindi, dahil detective nga ho, e.”
Paglilinaw pa niya, “Hindi po ‘yan presinto kundi staff office ng Southern office, isang division po ito.
"'Yan po ang ano… nagko-collate ng insidente na nangyayari sa Southen Police, at meron pong nag-iimbestiga na section din po sa office na yun.”
Ang officer-on-duty raw noong gabing iyon ay si Sr. Inspector Eduardo Alcantara.
Muling nilinaw kay Villacorte, base sa records nila, kung sino-sino ba ang kasama ni Vhong noong dumating ito sa sinasabi niyang staff office.
Aniya, “Kasama si Bernice [Lee], kapatid ni Cedric, meron pang isang Mike na binabanggit... Deniece.”
Nakatali ba nung oras na yun ang inirereklamo, na hindi nila nakilala nung una na si Vhong?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Opo, nakita po nila na ito ay naka-tape, parang masking tape, na nakatali sa likod.
"Si PO3 Laureto, isa po dun sa mga naka-uniporme, ito po ang isa sa mga nandun na nagputol ng tape sa likod ni Vhong Navarro.
“Nakita rin nila, nandun nga po sa opisina nila na may mga pasa nga po sa mukha.
"Mukhang nabugbog ang appearance po ni Mr. Navarro.”
Para ba "hogtied" si Vhong nang dumating sa staff office?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Opo, pero wala naman sa paa, sa kamay lamang po ang naka-tape.”
VHONG REFUSES MEDICAL EXAMINATION. Kailan nila namukhaan na si Vhong pala yung inirereklamo sa kanilang opisina?
Saad ni Chief Superintendent Villacorte, “Yung kinakausap na po nila, namukhaan na po nila, kasi familiar po ang mukha ni Vhong dahil sa TV.
“Nakilala na rin po nila, dahil nag-uusap po sila tungkol po dun sa insidenteng nangyari.”
Ano yung sumunod na ginawa ng kanyang mga tauhan?
Ayon kay Chief Superintendent Villacorte, “Nag-uusap po sila tungkol sa nangyari, na ang nagrereklamo nga ay si Miss Cornejo.
"At isinulat po doon ni PO3 Lumiuan, duty investigator na nandun, kung ano po ang ikinukuwento ni Miss Cornejo at sa pagkakataong yun…
"At sa pagkakataong yun ay si PO3 Laureto ay sinamahan din po si Mr. Navarro dun sa may kitchen malapit dun, dahil medyo may kuwan daw po yung mukha, may kaunting dugo-dugo… para makapaghilamos, habang nagbibigay po ng statement yung isa [Deniece].
“At during that time nasa kusina sila, tinatanong nga rin po ni PO3 Laureto na ipadala siya [Vhong] at ipa-medical dahil nga po sa kanyang appearance.”
Ano ba ang standard operating procedures (SOP) nila kapag may dinalang suspek sa istasyon, nakatali at bugbog-sarado?
Tugon ni Chief Superintendent Villacorte, “Marami po kaming cases ng mga physical injuries, dito sa Southern Police District.
"At kung ito po ay pangkaraniwang tao lamang, at hindi si Mr. Vhong Navarro, karaniwan pong nangyayari niyan, kapag hindi nag-complain yung… hindi nagpa-file ng kaso po at blotter lang, mawawala na po pagkatapos noon.
“Halimbawa naman pong ito ay itutuloy, gaya po nitong pangyayari, ito ay attempted rape, ‘yan po sana ay madadala sa Women’s Desk dahil babae po yung involve.
"At ime-medical po yung babae, pati yung suspect, tsaka po kukunan ng mga salaysay 'yan at ipa-file sa piskalya.”
Sa panayam niya sa Buzz Ng Bayan noong Linggo, January 26, mariing pinabulaanan ni Vhong na tinangka niyang gahasain si Deniece.
Read: Vhong Navarro: "Hindi po ako rapist."
Tanong pa sa SPD director: Kung nagpa-blotter lang at walang intensiyon na mag-file ng kaso, hindi na ginawa yung mga binanggit niya tungkol sa pagpa-medical at pagkuha ng salaysay?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Ganun nga po, ganun nga po ang normal na nangyayari kapag hindi na itutuloy ang kaso.”
Tama kaya yung ganung procedure?
“Ang regular po na dapat nating ginagawa—ay ito man po ay magrereklamo o hindi—kung ganun po ang appearance, kamukha po nung nangyari kay Mr. Navarro, dapat po ay ito ay ma-medical.
"Kaya nga po yung ating mga police, talaga pong kinukumbinsi si ano at sinasabihang magpa-medical.
"Ang problema po… nakilala na nga po kasi na siya ay si Mr. Vhong Navarro at ito ay celebrity.
"Mismong si Mr. Vhong Navarro po ang nagre-refuse na huwag siyang i-medical.
"Ano po yun, e, judgment call ng ating mga imbestigador sa panahon po na yun, na baka nga maaaring makasira.
"Kasi siya po ang ayaw, e, siya po ang ayaw, e.”
Nakalagay ba sa blotter na ayaw ni Vhong magpa-medical?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Hindi po, hindi po nakalagay, wala po.”
Isang oras daw halos nagtagal ang grupo nina Vhong sa staff office ng SPD.
Pagkatapos makunan ng statement si Deniece at sinabing hindi na magrereklamo, ano na ang ginawa ng kanyang mga tauhan?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Dahil nga po sa appearance ni Mr. Navarro, sinamahan po ng ating police. Sinakay sa mobile car.
"At ang sabi po kasi ni Mr. Navarro, yung kanyang kotse ay nakaparada dun sa The Fort, malapit lang po rito yun, e, sa opisina.
“Sinamahan po ng ating police.
"Kasama po yung iba pang mga police na nandun din po sila Laureto at si PO3 [Eugene] Pugal, papunta run sa kotse ni Mr. Navarro.
"Ibinaba po nila si Mr. Navarro sa halos katabi na nung awto.
"At nung dumating po dun, nandun na po na yung driver ni Mr. Navarro, at sumakay na po dun si Mr. Navarro.
“At bago pa po umalis si Mr. Navarro, kasama po kasi dun ang sinasabi ko sa inyong duty officer na si Capt. Alcantara, tinanong pa nila ulit si Mr. Navarro na kung baka gusto niyang magbigay pa ng salaysay.
"Dahil umalis na ho yung ibang mga tao, e. Sila na lang ang nandun."
Wala na raw sila Cedric noong mga oras na yun.
“Sila na lang, nakasakay yung driver niya tsaka si Mr. Navarro, at andun si Mr. Alcantara na lang.
"E, tumanggi rin po si Mr. Navarro."
POLICE RESPONSE? Binanggit ni Cedric sa kanyang panayam na habang nangyayari ang "panggugulpi" nila kay Vhong, tumawag daw ang mga kasamahan nito ng pulis.
May rumesponde ba kaya nalaman yung insidente, o nalaman na lang dahil dinala sa staff office si Vhong at ang complainant?
Sabi ni Chief Superintendent Villacorte, “Wala pong nakarating na tumawag sa opisina ng pulis, yun pong insidente na yun.
"Nalaman lang po ng pulis ito pagpunta na po sa opisina ng 11:49 nga po ng gabi."
Wala bang mas malalim na pag-uusisa during that time, lalo na't may ginulpi at hindi basta-basta, na nakilala naman na si Vhong Navarro kalaunan?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Actually po, nagko-conduct ng investigation ang Taguig City Police, kung saan po sila ang may jurisdiction kung saan nangyari yung insidente.
"At actually ngayong hapon, kausap ko lang po si Sr. Superintendent [Arthur Felix] Asis.
"Binigyan niya na po ng sulat at request yung mga nagha-handle ng security dun sa Forbeswood Condo, na kung hindi nila ibibigay sa mga police yung nag-iimbestiga, yung guest list, yung kopya po ng CCTV at yung statement ng mga gurads na nandun nung panahong na yun—dahil sa kanila pong pagbalik-balik ay wala ho silang makuha—ay sila ay sasampahan ng obstruction of justice ng Taguig City Police."
CONNECTION OF HIS MEN AND CEDRIC LEE? Noong oras bang iyon ay tinanggap ng mga pulis “as is” ang statement ng babae at nung mga kasama nito?
Saad ni Chief Superintendent Villacorte, “Lumalabas po na ganun ang pangyayari, dahil ang lumalabas po kasing naapi dito ay yung babae.
"Na kung saan isinulat din po sa blotter na ito na hindi na po siya magpa-file ng kaso.
"Nakasulat po ito dito [blotter].
"She verbally manifested na she’s no longer interested to pursue and charge the suspect, Mr. Navarro."
Ang tinutukoy kaya niyang staff office ng SPD ang pinakamalapit na takbuhan? Wala bang mas malapit na police station sa area dahil hindi ito regular na police station?
Ani Chief Superintendent Villacorte, “Opo, ito po ay headquarters po ito ng pitong police stations, isa po diyan ang Taguig.
"Ang pinakamalapit po actually na police station diyan ay nandun po sa The Fort.
“Meron po tayong isang police precinct doon, malapit po yun dun sa location ng Fitness First…
"Kung distansiya ang pag-uusapan, mas malapit po yun [sa Forbeswood]."
May contact kaya ang grupo nina Cedric sa naturang staff office dahil mas pinili nilang doon dalhin si Vhong imbes na sa The Fort?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Mukha naman pong wala, dahil tinanong ko dito sa mga imbestigador natin, hindi nila kilala yung mga tao e.”
LAPSES IN PROCEDURE? Kung may nangyari sa isang silid, gulo, gulpihan, natural ba sa isang nanggulpi—halimbawa, kung may kasalanan man yung nagulpi—na idiretso sa police stations?
Hindi ba may mga guwardiya diyan na puwedeng magsiyasat o sila mismo ang magbitbit sa suspect—assuming na suspek nga si Vhong Navarro—dun sa police station?
Sagot ni Chief Superintendent Villacorte, “Espekulasyon lang po ang maaari nating sabihin.
"Puwede pong mangyari nun, samahan sila ng guwardiya, kamukha po nung sinasabi niyo, dahil sila po ang in-charge sa security dun sa particular na building na ‘yan.
"Subalit dito nga po sa pangyayari na 'to ay hindi nga po sumama yung guwardiya, kundi diretsong sila [grupo ni Cedric] ang may dala kay Vhong Navarro at naka-tape nga po yung kamay niya nung dalhin sa aming tanggapan."
Based on available facts and information, sa palagaya ba ni Chief Superintendent Villacorte ay may lapses sa kanilang parte sa paghawak ng kasong ito?
Pag-amin ng hepe ng pulis, "Dun po sa pangayari na dapat ipa-medical natin, palagay ko po meron nga, dahil nakita nga nila…
"Dapat nag-insist sila. Hindi lang in-offer na dalhin sa ospital, dapat nag-insist sila.”
