Vhong Navarro submits supplemental affidavit to DOJ

Handang harapin ng kampo ni Vhong Navarro ang nakatakdang preliminary investigation ng Department of Justice sa February 14. Ito ay kaugnay ng mga reklamong inihain niya laban sa grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo.


Personal na nagpunta ang aktor na si Vhong Navarro sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa Ermita, Manila, ngayong araw, February 6.

Ito ay upang panumpaan at lagdaan ang kanyang supplemental affidavit kaugnay ng pambubugbog sa kanya sa Forbeswood Heights, Taguig City, noong January 22.

Dumiretso ang grupo ni Vhong mula sa St. Luke’s Medical Center, kung saan ilang linggong na-confine ang aktor dahil sa mga natamong pinsala sa pambubugbog sa kanya noong January 22.



CLOSE-IN SECURITY. Sa live report ng GMA News kaninang tanghali, dinumog ng mga tao sa lugar ang pagdating ng convoy ng van kung saan nakasakay ang It’s Showtime host.

Dahil dito ay natagalan ang pagbaba ni Vhong ng sasakyan at kinailangan pang dumaan sa mas hindi mataong entrance papasok ng DOJ office.

Isa sa mga namataang kasama ni Vhong ay ang kanyang manager na si Chito Roño at ang kanyang legal counsel na si Atty. Alma Mallonga.

Napaligiran din ang actor-host ng police escorts mula sa Quezon City Police District bilang karagdagang proteksiyon.

Marahil ay dahil ito ang kauna-unahang pagkakataong lumabas si Vhong ng ospital mula nang siya ay mabugbog.

Sa ulat ng Balitanghali noong January 31, isiniwalat ng isa pang legal counsel ni Vhong na si Atty. Dennis Manalo na nakatanggap ang actor-host ng anonymous text messages kung saan pinagbabantaan ang buhay nito.

Bukod dito, nauna na ring inihayag ni Atty. Mallonga ang tungkol sa ’di kilalang lalaki na nagpunta sa bahay ng actor-host bandang hapon noong January 26.

Pilit umanong pinabubuksan ng lalaki ang gate sa nagbabantay na katulong sa bahay ni Vhong.

Bagamat walang anumang masamang nangyari liban dito, ayon kay Atty. Mallonga ay ipina-blotter na nila sa pulis ang nangyaring insidente.

SUPPLEMENTAL AFFIDAVIT. Noong January 28, naghain si Vhong sa DOJ ng mga reklamong serious illegal detention, serious physical injuries, grave threat, grave coercion, at blackmail laban kina Cedric at Deniece.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Read: Cedric Lee, Deniece Cornejo slapped with serious illegal detention case

Read: Vhong Navarro’s camp files multiple charges against Cedric Lee, Deniece Cornejo, other suspects

Kasama rin sa mga inireklamo ni Vhong ang kapatid ni Cedric na si Berniece Lee, Zimmer Rance, Ferdinand Guerrero, isang nagngangalang “Mike,” at dalawa pang di kilalang lalaki.

Matatandaang inilahad ni Vhong sa kanyang unang sinumpaang salaysay kung paano sila nagkakilala ni Deniece, ang pagkikita nila sa condo unit ng dalaga noong January 17, hanggang sa siya ay binugbog ng anim na kalalakihan noong January 22.

Read: Vhong Navarro reveals alleged sexual encounter with Deniece Cornejo

Sa supplemental affidavit ni Vhong, na may petsang February 4, tinukoy ng actor-host ang mga taong sangkot sa nangyaring pambubugbog sa kanya sa loob ng condo unit ni Deniece, base sa nakalap na closed-circuit television (CCTV) footages ng NBI.

Pinatotohanan din ni Vhong na nabasa niyang maigi ang mga dokumentong isinumite ng kanyang mga abugado sa DOJ, habang ang actor-host ay naka-confine sa ospital.

Ang mga naturang sworn affidavit ay ipiprisinta sa preliminary investigation sa DOJ sa February 14.

Ayon naman sa panayam ng GMA News kay Atty. Mallonga, pinag-aaralan pa ng kanilang kampo kung hihilingin nila kay DOJ Secretary Leila de Lima na sumailalim sa Witness Protection Program ang actor-host.

Sa ngayon, ginarantiya ng abugada na ligtas at may sapat na proteksiyon ang kanyang kliyente.

Tila bumuti na ang pisikal na kundisyon ni Vhong kumpara noong una itong nakapanayam sa telebisyon noong January 26.

Maayos naman itong nakakalakad at tila wala nang galos sa katawan, liban sa injury sa kanyang mga mata.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN