Ipinatawag ng Department of Justice (DOJ) ang negosyanteng si Cedric Lee upang dumalo sa preliminary investigation hearing ng P194.47-M tax evasion case na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa kumpanya niya.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News ngayong araw, April 16, itinakda ni Assistant State Prosecutor Allan Stewart Mariano ang hearing sa dApril 28, ganap na alas-dos ng hapon.
Obligadong dumalo si Cedric sa naturang pagdinig at humarap kay Prosecutor Mariano sa naturang petsa, at upang manumpa na rin kung sakaling magdesisyon itong mag-file ng kanyang counter-affidavit.
THE BIR CASE. Sinampahan ng BIR ng tax evasion case si Cedric noong Marso dahil hindi diumano nagdeklara ng tamang kinita at nagbayad ng kaukulang buwis noong taong 2006 hanggang 2009 ang kanyang negosyong Izumo Contractors Inc.
Base sa report ng kagawaran ng pagbubuwis, kumita ang Izumo ng P302.62 million sa naturang mga taon, pero ang idineklara nitong kabuuang kinita ay nagkakahalaga lamang ng P72.22 million.
Nagkaroon diumano ang kumpanya ni Cedric ng “deliberate failure” nang idineklara nitong ang kinita nila noong 2006 ay P88.79 million; P36.93 million noong 2007; P9.49 million noong 2008; at P91.20 million noon namang 2009.
Sa kabuuan, umabot lamang ito sa halos P226.41 million.
Pero lumalabas sa mga "confidential information" na natanggap ng BIR at ayon sa isinasagawang pagsisiyasat ng ahensiya sa mga kliyente ng kumpanya ni Cedric, nadiskubreng kumita talaga ang Izumo Construction ng P302. 63 million.
Kabilang daw sa mga naging kliyente ng kumpanya ni Cedric ay ang mga lokal na pamahalaan ng Butuan, San Juan City, Pasay City, Davao del Sur, at Tagudin sa Ilocos Sur.
Ang hindi pagdeklara ng tamang kita at pagbayad ng kaukulang buwis ay labag sa Section 254 and 255, na nakakabit sa Section 253(dl) at 256 ng amended National Internal Revenue Code of 1997.
RESET. Sa hiwalay na ulat ng GMA News Online, dapat daw ay noong April 11 nakatakda ang hearing ng naturang kaso laban kay Cedric.
Humiling daw ang kampo ni Cedric, sa pamamagitan ng abugado nitong si Atty. Howard Calleja, na ipagpaliban ang pagdinig dahil kasabay nito ang hearing ng kasong serious illegal detention laban sa negosyante sa Taguig Regional Trial Court.
Ang kasong ito ang isinampa ng actor-dancer na si Vhong Navarro dahil sa pambubugbog ng grupo ni Cedric sa kanya noong gabi ng January 22, sa Forbeswood Heigths Condominium, Bonifacio Global City, Taguig City.
Read: Cedric Lee, Deniece Cornejo slapped with serious illegal detention raps
May warrant of arrest na rin si Cedric at sa limang iba pa dahil sa pambubugbog kay Vhong.
