Senators Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile ready for impending detention

Naniniwala si Senator Jinggoy Estrada (kaliwa) na minadali ang pagsampa ng kasong plunder laban sa kanya at kapwa-akusado na sina Senator Bong Revilla (gitna) at Senator Juan Ponce Enrile (kanan) sa Sandiganbayan.


Naniniwala si Senator Jinggoy Estrada na minadali ang pagsasampa ng kasong plunder laban sa kanya at kapwa-akusado na sina Senator Juan Ponce Enrile at Senator Bong Revilla sa Sandiganbayan.

Ito ay upang pabanguhin diumano ang administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pananaw ng publiko, lalo na’t nakatakda itong maghayag ng State of the Nation Address (SONA) ngayong buwan.

“Siyempre ibabandera kaming tatlo. Na naipakulong [ng administrasyon ni PNoy] ang isang presidente, tatlong senador.

“Ito ay bilang patunay ng kanilang anti-corruption drive,” saad ni Senator Estrada sa isang panayam na nailathala sa GMA News Online kahapon, June 8.

"RUSHED" FILING OF PLUNDER CHARGES. Muli itong iginiit ni Senator Estrada nang kapanayamin siya ng 24 Oras pagkatapos ng sesyon sa Senado kaninang hapon, June 9.

Pagkatapos maghayag ng kanyang saloobin si Senator Revilla kanina, sinabi ni Senator Estrada na siya naman ang nakatakdang magbigay ng privilege speech sa Miyerkules, June 11.

Isa raw itong paraan upang madepensahan ang kanilang sarili kaugnay ng kasong plunder na kinahaharap nila.

Read: Senator Bong Revilla ready to face arrest

Nauna nang nabanggit ni Senator Estrada na wala siyang balak maghain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan.

“Tapos na sa Ombudsman iyon. Expected na namin na ide-deny sa Ombudsman iyon.

“Ang laban, nasa Sandiganbayan na,” sabi ni Senator Estrada.

Anu’t ano pa man, handa umano si Senator Estrada na maaresto at makulong sa kabila ng kanyang paninindigang hindi siya kailanman nakipagtransakisyon sa itinuturong utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.

“Wala naman tayong magagawa diyan kung talagang aarestuhin kami.

“Ako naman, kusang susuko sa kanila kung mayroong ilabas na warrant of arrest ang Sandiganbayan.”

Ngunit hindi mapigilang mag-alala ni Senator Estrada para sa nakatatandang kapwa-akusado na si Senator Enrile.

“Siyempre, 90 years [old] na ang tao. Nakaaawa naman kahit paano.

“Sana huwag na nilang ikulong.

"Hayaan mo na kaming makulong [ni Bong], huwag na lang si Manong Johnny," pahayag ng anak ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ENRILE ALL PACKED UP FOR IMPENDING ARREST. Sa kabila nito, inihayag ni Senator Enrile sa hiwalay na panayam ng 24 Oras ngayong gabi na handa siyang harapin kung anuman ang susunod na hakbang hinggil sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.

Read: Ombudsman files plunder case vs Enrile, Revilla, Estrada

Sa katunayan, nakaempake na umano ang mga dadalhin niiyang gamit sa kulungan kung sakaling siya ay maaresto anumang oras.

Bukod sa kasong plunder, sinampahan na ng Office of The Ombudsman ng 11 counts of graft si Senator Estrada, 15 counts of graft si Senator Enrile, at 16 counts of graft si Senator Revilla sa Sandiganbayan ngayong araw.

Ito ay dahil nilabag umano ng tatlong mambabatas ang Section 3(e) ng R.A. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang gamitin nila ang kanilang posisyon, koneksiyon, at impluwensiya upang makapagbigay ng pondo sa non-government organizations (NGOs) na diumano’y kontrolado ni Napoles.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN