Nagkita na pala dati sina Alden Richards and Maine Mendoza, na kilala sa kanilang uniname na AlDub.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita si Alden tungkol sa kumalat na larawan nila ni Maine na kuha sa isang event ng Candy Magazine noong 2010.
Read: Did Alden Richards and Maine Mendoza meet in person five years ago?
Ayon kay Alden, maging siya ay nagulat sa kumalat na larawan nila ni Maine, lalo pa't hindi pa talaga sila nagkakaroon ng pagkakataong personal na magkita.
“Just to clarify things talaga with everyone, hindi scripted yung hindi namin pagkikita.
“Talagang we’ve never met each other.
“We’re not texting, we’re not calling each other.
"And yung sagutan lang namin sa social media is pakiramdaman lang," pahayag ni Alden.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alden sa taping ng PEPtalk, ngayong Lunes ng hapon, August 31, sa GMA Annex Building.
Dito ay hiningan ng reaksiyon ang 23-year-old actor-TV host tungkol sa diumano’y larawan nila ni Maine, kung saan makikitang minsan nang nagkrus ang kanilang landas limang taon na ang nakararaan.
“Yes, dun ako nagulat!” pahayag ng Kapuso heartthrob ukol dito.
Sumikat ang loveteam nina Alden at Yaya Dub, o mas kilala bilang AlDub, sa KalyeSerye ng Eat Bulaga sa GMA Network.
At dahil tanging sa split screen lang sila nagkikita at nakakapagpalitan ng mensahe, ang unang pagtatagpo ng AlDub ang isa sa pinakahihintay ng sumusubaybay ng naturang KalyeSerye.
Kinumpirma ni Alden na dumalo siya ng Candy Fair bilang bahagi ng napiling Candy Cuties ng Candy Magazine noong 2010.
Ngunit noong panahong iyon ay gamit pa niya ang kanyang tunay na pangalang Richard Faulkerson Jr. at hindi pa pormal na sumasabak sa showbiz.
Kuwento pa ni Alden tungkol dito, “I’ve been part of that Candy Fair five years ago, that was in 2010.
“And at that moment, hindi ko pa po alam na mag-aartista ako.
“May mangilan-ngilan pong nagpa-picture, pero I really didn’t remember.
“So, nagulat ako na may ganun palang photo.”
At pagkalipas ng limang taon ay muling nagkrus ang landas nila upang bumuo ng itinuturing na pinakasikat na tambalan ngayon sa Pilipinas.
Patunay ng patuloy na pagsikat ng tambalang AlDub ay umabot ng mahigit 3.5 million ang tweets para sa #AlDubMaiDenHeaven noong Sabado, August 29.
Nalampasan na nito ang 3.3 million tweets na nakuha ng #PapalVisit noong January 2015.
Read: #AlDub surpasses #PapalVisit on most tweets
Ano ang first impression ni Alden kay Maine a.k.a. Yaya Dub? Ano ang mga pagbabago sa buhay ng aktor mula nang sumikat ang tambalang #AlDub?
Abangan ang kanyang mga sagot sa pag-ere ng first episode ng #AldenonPEPtalk sa PEP.ph sa September 9.