Tuloy ang paghahayag ng kanyang saloobin ang Honor Thy Father director na si Erik Matti laban sa pamunuan ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ito ay matapos parangalan bilang Best Director si Erik sa katatapos lamang na 41st MMFF Awards Night na ginanap sa Kia Theater sa Cubao, Quezon City, kagabi, December 27.
Hindi man siya dumalo sa awards night, nagpaabot si Direk Erik ng acceptance speech at mensahe para sa pamunuan ng MMFF.
Binasa ito ni Shiela Calde ng Reality Entertainment, nailathala sa Facebook page ng Honor Thy Father, at ni-repost mismo ni Direk Erik sa kanyang Facebook account kagabi.
Dito ay iginiit ng direktor na hindi siya matitinag sa kabila ng parangal na ibinigay sa kanya.
Pahayag ni Direk Erik, "Kahit kailan po, hindi ako gumawa ng pelikula para magka-award.
"At kung may mga reklamo man ako sa MMFF, hindi 'yan tungkol sa pag-disqualify niyo sa Honor Thy Father from the Best Picture category.
"Naglabas na ng statement ang producer namin na si Dondon Monteverde.
"Sang-ayon ako sa mga sinabi niya doon.
"Mas malalim kesa diyan ang disappointment ko sa MMFF.
"Mula sa pagpili niyo ng mga sineng isasali hanggang sa pagkunsinti niyo sa masahol na trato ng mga sinehan sa ibang pelikula, lalo na ng maliliit na producers.
"Para sa isang die-hard movie fan na gaya ko, hindi ko na halos makilala ang film festival na dati kong hinangaan at nirespeto.
"Maraming salamat na lang sa libreng publicity at higit sa lahat, sa pagbukas ng pinto para pag-usapan na sa wakas ng filmmakers, pati ng moviegoers, ang mga hinahangad nilang pagbabago sa MMFF."
DIREK ERIK'S "MMFF SCANDAL" ALLEGATIONS. Bukod dito ay sunod-sunod ang Twitter posts kung saan naghayag ng pagkadismaya si Direk Erik laban sa mga anomalyang kinasasangkutan diumano ng pamunuan ng MMFF.
Di ako madadala sa himas ng plastic na trophy. Balik na tayo sa totoong issue. #MMFF2015AwardsNight #MMFF2015Scandal
— Erik Matti (@ErikMatti) December 27, 2015
Una na rito ay ang alegasyon ng direktor na sadya umanong may pinapaboran ang pamunuan ng MMFF.
Tandaan nyo #WalangForever sa pwesto nyo #MMFF2015Scandal #MMFF2015AwardsNight
— Erik Matti (@ErikMatti) December 27, 2015
Ito ay sa kadahilanang mayroon diumanong MMFF organizer ang "kasosyo sa isa o dalawang MMFF film."
Meron daw #mmfforganizer na kasosyo sa isa o dalawang mmff film? Tingnan ang winners. Nandiyan lang ang sagot. #MMFF2015AwardsNight #RIPMMFF
— Erik Matti (@ErikMatti) December 27, 2015
Tinawag din ni Direk Erik na "ganid sa pera" ang mga hindi pinangalanang personalidad na sangkot diumano sa isyu.
Nasa #mmff lineup na, nasa #MMFFNewWave pa. They're everywhere. Tingin tingin lang sa paligid. Para silang mga multo na ganid sa pera.
— Erik Matti (@ErikMatti) December 27, 2015
CALL FOR BETTER FILMS. Sa pagpapatuloy ng kanyang Facebook post, nanawagan din si Direk Erik sa mga manonood na suportahan ang kanyang hangaring maitaas ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino.
Aniya, "Sa lahat naman ng Pilipinong hindi pa rin nagsasawang manood ng mga gawa namin dito, salamat sa inyo.
"You deserve better.
"Kaya tulungan niyo naman kami. Demand for better films! Demand for more choices in the cinemas!
“Kaya pa natin baguhin 'to. Hindi ako titigil kung hindi rin kayo titigil.
"Hindi na ito tungkol sa Honor Thy Father.
"Buong industriya ng paggawa at panonood sa pelikulang Pilipino ang usapan na ‘to.
"Kaya, salamat na rin sa inyo, MMFF. Binuhay niyo ang pag-asa ko para sa pagbabago."
Bago matapos ang gabi ay muling nag-post si Erik sa Twitter, kung saan sinabi niyang magiging malaking araw para sa Philippine cinema ang araw na ito, December 28.
Tila humingi rin ng suporta ang direktor si AlDub Nation.
May hashtag din siyang #buksanangimburnal.
Tomorrow is a big day for Philippine cinema. Abangan! #ALDUBDontGiveUpOnUs pa-resbak mga #aldubbers #MMFF2015Scandal #buksanangimburnal
— Erik Matti (@ErikMatti) December 27, 2015
Matatandaang diniskwalipika ng pamunuan ng MMFF ang Honor Thy Father, na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz, mula sa listahan ng Best Picture nominees ng MMFF Awards Night ngayong taon.
Kaugnay umano ito ng "non-disclosure" ng produksiyon tungkol sa pagsali ng naturang pelikula bilang bahagi ng Cinema One Originals Festival noong Nobyembre.
Read: Honor Thy Father disqualified from MMFF Best Picture race
Bago ito ay pumutok ang balita hinggil sa pag-alma ng ilang manonood laban sa diumano'y ticket-swapping na naganap sa ilang SM Cinemas sa pagbubukas ng MMFF noong December 25.
Read: MMFF 2015 moviegoers claim "ticket-swapping" in cinemas