Pumanaw ang beteranang South Korean actress na si Kim Soo Mi dahil sa cardiac arrest ngayong Biyernes, October 25, 2024.
Siya ay 75.
Ayon sa ulat ng ilang South Korean media outlets, kinumpirma ng Seoul Seocho Police Station ang biglaang pagpanaw ni Kim Soo Mi nang matagpuan ito ng kanyang anak na si Jung Myung Ho na walang malay sa kanilang tahanan, pasado alas otso ng umaga.
Mabilis daw nilang isinugod sa pinakamalapit na ospital ang beteranang aktres, ngunit pagdating sa emergency room ay binawian na ito ng buhay.
Sa initial findings, dahil sa cardiac arrest kaya sumakabilang-buhay si Kim Soo Mi.
Read: GONE TOO SOON: Moonbin, Sulli, Jonghyun, other Korean stars who died before their 30s
KIM SOO MI'S HEALTH PRIOR TO DEATH
Bago ang araw ng pagpanaw ni Kim Soo Mi ay may iniinda nang sakit ang aktres.
Noong May 2024, nagpaalam siya sa kanyang mga tagahanga na titigil muna siya sa paggawa ng proyekto para makapagpahinga.
Pabalik-balik kasi sa ospital ang aktres dahil sa naranasan niyang accumulated fatigue.
Noong mga panahong iyon ay abala si Kim Soo Mi sa pag-eensayo para sa kanyang musical stage play na My Mother.
Read: The Glory actress Park Jia dies at 52
KIM SOO MI'S LEGACY
Halos kalahati ng buhay ni Kim Soo Mi ay inilaan niya sa showbiz industry.
Noong 1970 nang pasukin niya ang mundo ng showbiz nang sumali siya sa isang talent contest. Siya ay 21 years old lang noong mga panahong iyon.

Dahil sa husay na ipinamalas ni Kim Soo Mi, mabilis siyang nabigyan ng proyekto bilang isa sa cast ng 1971 drama series na Chief Inspector.
Nagtuluy-tuloy ang kanyang karera sa pag-arte hanggang sa makuha niya ang kanyang big break sa 1980 drama series na Country Diaries.
Tumagal sa ere ang Country Diaries ng halos dalawampu't dalawang (22) taon.
Dahil sa kanyang natatanging pagganap dito bilang Kim So Dam, si Kim Soo Mi ang nakakuha ng Grand Prize sa 1986 MBC Drama Award.
Read: In Korean Celebrity Suicides, the Spotlight Shines on the Country's Institutionalized Tragedy
Bukod sa drama, pinatunayan din ni Kim Soo Min ang galing niya sa pagpapatawa nang maging bahagi siya ng ilang comedy films gaya ng Mapado (2005), Marrying The Mafia (2002), Meet the In-Laws (2011) at ang sequel nitong Enemies In-Law (2015), at Granny's Got Talent (2015).
Patok din ang pagge-guest niya sa kilalang variety shows gaya ng tvN's Mother's Touch: Korean Side Dishes, The Village President's People, Running Man, at Knowing Brothers.
Bago ang pagkakasakit ni Kim Soo Min ay nakagawa pa siya ng proyekto gaya ng pelikulang Marrying the Mafia: Returns (2023) at seryeng Behind Every Star noong 2022.
