Cute idea na gamitin bilang "bridal car" ang kalabaw at kareta.
Kaya naman mabilis na nag-viral ang kuwento ng bride na si Isabel Mora mula sa Cagayan.
Pero ang totoo, wala sa plano ang pagsakay sa kalabaw papuntang simbahan.
Ito ay ayon sa Facebook post ni Councilor Tata Bulauitan Custodio ng Peñablanca noong August 8, 2022.
At press time, ang post na ito ay mayroon nang 2.6 million views at 32,000 reactions.
Kalakip ng video ang nakatutuwang caption ng konsehala:
Umulan man o bumagyo,
Walang makakapigil sa kasalang ito.
Saan mang lupalop ng mundo,
Dalawang puso ang pinagtagpo.
Kasalan sa Buwan ng Agosto ng isang Pilipina gamit ang modernong kareta
Ninang si Councilor Custodio sa itinuturing niyang makasaysayang “Australian-Filipino wedding sa Pinas” na ginanap sa Sitio Guavan ng Barangay Nanguilattan.
Read also:
- VIRAL: Bride sa Davao City, kinabahan sa pagdating ng “buong barangay” sa kasal
- Bride, may agaw-eksenang standee ng kapatid sa kasal
- VIRAL: Bride at groom, PHP5K lang ang gastos sa kasal
GAGAWIN NI ISABEL ANG LAHAT PARA SA KANYANG DREAM WEDDING
Hindi inaasahan ang pagbuhos ng malakas na ulan sa araw mismo ng pinakahihintay na kasal ni Isabel sa kanyang Australian boyfriend na si Andrew Taylor.
Dahil dito, naging imposible para sa kanyang nakatakdang bridal car na suungin ang maputik na daan.
Kuwento ni Isabel sa Good News ng GMA 7, “Bumuhos yung malakas na ulan, sumunod yung kareta sa amin kasi hindi puwede yung bababa ako na maglakad papuntang church kasi ung dress ko, siyempre, madudumihan. Ang putik.”
Aniya, matagal na panahon ang kanyang hinintay para makatuluyan ang kanyang prince charming.
Kaya naman lahat ay nakahanda niyang gawin matuloy lamang ang isa sa pinaka-importanteng milestone ng kanyang buhay.
No Boyfriend Since Birth (NBSB) ang halos singkuwenta anyos na si Isabel dahil sa ilang taong nagtrabaho ito bilang domestic helper sa Singapore upang matulungan ang kanyang pamilya.
Kuwento ng kapatid niyang si Jimmy, “Kaya siya hindi nakapag-asawa nang ganun katagal dahil [sa] sakripisyo para sa amin. Nandun siya lagi na umaagapay sa amin.”
Kaya naman nang dumaan ang last trip patungo sa “happy ever after” ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

A MATCH MADE ONLINE
Nakilala ni Isabel ang kanyang forever nang magdesisyon siyang sumubok sa isang online dating app.
Kalaunan ay nagkapalagayan ng loob ang dalawa hanggang sa madalas na silang magka-chat.
Ayon sa isang Facebook post ni Isabel sa kanyang personal account, three and a half years silang halos araw-araw na magka-usap online ni Andrew, na nagsisimula sa paggising niya sa umaga.
At sa unang pagkakataon, nito lamang June 25, 2022, nagkita ang magsing-irog sa airport upang simulang iguhit ang kanilang kapalaran bilang mag-asawa.
Tunay na walang makahahadlang sa wagas na pag-iibigan.
Kahit ang malakas na ulan at maputik na daanan ay susuungin, marating lamang ang simbahan.

Mabuti na lamang at nakahanda ang ever-reliable na kalabaw—to the rescue hindi lamang sa pag-aararo, kundi maging sa pag-substitute sa dapat sana’y bridal car.