February 4, 2004, sinimulan ni Mark Zuckerberg, noo’y college sophomore sa Harvard University, ang Facebook mula sa kanyang dorm room, kasama ang tatlo pang kapwa Harvard students.
Twenty years later, may market value na itong $599 billion o mahigit PHP31 trillion—PHP 31,221,268,000,000.00 ang eksaktong halaga base sa kasalukuyang conversion rate na PHP 55.85/USD.
Dahil dito napanatili ni Zuckerberg ang kanyang posisyon sa ikalimang puwesto ng Real-Time Billionaire’s Circle ng Forbes.
Ang 39-year-old businessman na isinilang sa White Plains, New York, ay may kasalukuyang net worth na $139.3 billion o halos PHP8 trillion.
Ang The Facebook, Inc. na naging Facebook, Inc. kalaunan ay kilala na sa company name nitong Meta Platforms, Inc. o Meta.
Isa na itong social-media empire na kinabibilangan din ng ibang applications, tulad ng Instagram at WhatsApp.
Read: 3-year-old toddler gets trapped inside claw machine
THE BEGINNING OF FACEBOOK
Ni wala sa hinagap ni Zuckerberg na magiging multi-billion dollar business ang website na sinimulan lamang niya upang magkaroon ng ugnayan ang mga kapwa niya estudyante sa Harvard.
Kalaunan, binuksan ito para sa iba pang mga estudyante mula sa mga paaralan sa U.S., at pagdating ng Hunyo ng parehong taon ay mayroon na itong 250,000 registered students mula sa 34 colleges.
Isang taon buhat nang ito’y maitatag, noong 2005, lumobo ang active users nito sa six million.
Naging higit pa itong matagumpay noong 2006 nang buksan ang membership sa lahat, edad 13 years old at pataas, basta’t mayroong valid email address.
Agad din itong namayagpag sa Pilipinas, kung saan mayroon itong 80.3 million users sa kasalukuyan.
Lubhang kaakit-akit sa mga Pilipino ang pagkakataong magkaroon ng ugnayan sa mga tao na nasa iba’t ibang panig ng mundo, lalo pa at malaking bahagi ng populasyon ay nasa abroad at namamasukan bilang Overseas Filipino Workers (OFWs).
Read: Beauty candidate without Japanese blood wins pageant in Japan; gets mixed reactions
Bukod dito ay nagamit din ang platform para magkaroon ng communities, groups, at page—kung saan puwedeng magpakalat ng impormasyon, maglunsad at magbenta ng mga produkto, at mag-create ng relevant content sa mga users.
Nito lamang February 1, nag-post ang GMA News tungkol sa nalalapit na ika-20 kaarawan ng Facebook.
Kasabay nito ang survey question kung kailan nagkaroon ng Facebook ang mga netizens na malugod namang sinagot sa comments section.
Para sa karamihan, naging mabenta ang Facbook noong nawala ang Friendster, ang isa sa mga pioneers ng social-media era na itinatag noong 2002, ngunit tuluyan nang nagsara noong 2018 dahil sa mga technical gitches, at patuloy na paghina dahil sa pagiging popular ng Facebook.
Muling nagbukas ang Friendster nitong 2022 bilang Friendster.click sa pamamagitan ng Indonesian Founder na si Bram Gumilang, ngunit malayo na ito sa dating website, at hindi na rin nagkaroon ng following na singlaki ng sa Facebook.
May ilan namang naging nostalgic sa kanilang sagot.


Read: Meet Diwata, nag-trending sa presinto noon, asensado na ngayon
FACEBOOK THEN AND NOW
Malaking pagbabago ang dulot ng Facebook sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Hindi matatawaran ang tulong nito sa komunikasyon at sa kabuhayan.
Pero marami rin itong kritiko dahil malaki ang impluwensiya nito sa larangan ng pulitika.
Nasangkot din ito sa ilang mga eskandalo, partikular ang mga insidenteng nagkaroon ng invasion of privacy, paninirang-puri, at pambu-bully.
Kaya’t ang panawagan ni Justin Hendrix, ang editor ng tech policy press, “It's important for there to be privacy protections in place.”
May ilan ding nagsasabi na nakakasama ang Facebook dahil sa pagiging addicting nito, at minsan nagiging sanhi pa ng “feelings of isolation and loneliness,” ayon sa wapt.com, na website ng isang TV station sa Jackson, Mississippi sa U.S.
Sa huli, bagama’t malaking parte ng buhay natin ang Facebook o anumang social media apps, nasa atin pa rin kung paano natin ito gagamitin.
Importante na maging responsible users. Think before you click, ‘ika nga.