Isang hakbang na lang ang kulang upang tuluyang magtapos daw ang kalbaryong mahigit isang taong hinarap ni Nicko Falcis.
Ngayong Miyerkules, January 22, ibinasura ng Taguig Regional Trial Court Branch 117 ang kasong estafa laban kay Nicko.
Ito ang isa sa dalawang natitirang kaso na kinaharap ni Nicko bunsod ng legal battle nila ni Kris Aquino.
Alinsunod sa proseso sa korte, inaasahan ang personal na pagdalo ni Kris sa hearing bilang bahagi ng kasunduan nila ni Nicko na ma-settle ang lahat ng kanilang "financial issues."
Pero ayon sa mga nakasaksi sa hearing ay makailang beses hindi nagpapakita sa mga naka-set na hearing si Kris.
"She cannot control the schedule of this court," tukoy ni presiding judge Ma. Victoria Padilla-Awida sa hindi pagsipot ni Kris.
On record, pormal na naghain si Nicko ng "Not Guilty" plea sa kasong estafa.
Nagdesisyon si Judge Padilla-Awid na resolbahin na ito.
Lalo pa't nagkasundo na rin naman daw ang magkabilang partido na ma-dismiss ang sanga-sangang legal complaints na ibinato nila sa isa't isa.
Pagkatapos ay pormal na inisyu ng hukom ang desisyon niya sa kaso.
Nakasaad dito: "There is a Joint Motion to Dismiss however, the private complaint is again not present, she was already given several opportunities to come to Court to validate, affirm and confirm the Joint Motion to Dismiss she co-executed and her Affidavit of Desistance.
"Hence, the Court will now act on the instant Joint Motion to Dismiss."
Kasabay nito ay kinansela na rin ng korte ang PHP6,000 na piyansang binayaran ni Nicko nang siya ay inaresto paglapag niya sa Ninoy Aquino International Airport mula sa Thailand noong December 2019.
Giit ng korte: "Moreover, let the warrant of arrest and alias warrant of arrest previously issued against the accused be ordered quashed."
Naganap ang hearing kaninang 2 p.m. sa Taguig RTC Branch 117.

ELATED FALCIS FAMILY
Lubos na nagalak si Nicko sa tuluyang pagbasura sa kasong estafa laban sa kanya.
"The Falcis Family is happy and grateful that finally one of the last two cases has been dismissed months after the execution of the compromise agreement," saad ni Nicko sa mensaheng ipinadala niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong hapon.
Umaasa raw si Nicko na ang natitirang kasong credit card fraud na isinampa laban sa kanya ay i-dismiss na rin ng Branch 70 ng Taguig RTC.
Malaking bagay raw para kay Nicko na tuluyang malinis ang kanyang pangalan sa isang taon at tatlong buwang legal battle nila ni Kris.
THE CREDIT CARD CHARGES IN TAGUIG
March 2019 nang ibasura ng Taguig Prosecutor's Office ang qualified theft complaint na inihain doon ni Kris laban kay Nicko.
Pero kusang nagrekomenda ang Taguig prosecutor ng kasong estafa at credit card fraud laban sa marketing whiz.
Inalmahan iyon ni Nicko.
Depensa niya, ang halagang PHP62,784.32 na binayaran niya, gamit ang credit card na nakapangalan sa kanya, ay pawang business expenses para sa Kris Cojuangco Aquino Productions (KCAP).
Ang nakababatang kapatid ni Nicko na si Atty. Jesus "Jess" Falcis ang nagsapubliko ng "breakdown" ng credit card expenses na sinabing basehan ng kasong estafa at credit card fraud.
Ang credit card charges na ibinayad sa Chino restaurant sa Taguig City: PHP18,000 (June 6, 2018); PHP6,286.54 (June 19); PHP10,816.61 (June 21), PHP13,667.81 (July 8), at PHP4,329.91 (August 17).
Ang credit card charges na ibinayad sa La Mere Poulard restaurant: PHP8,062.68.
Ang credit card charges na ibinayad sa restaurant sa Grand Hyatt Hotel sa Taguig: PHP1,370.77.
Ang credit card charges na ibinayad sa Luna Breakfast & Coffee cafe sa Taguig: PHP250.
Bilang patunay, inilathala rin ni Atty. Jess ang isang litrato na may siyam na katao at isa pang litrato na may 12 katao, na pawang KCAP employees, kabilang si Nicko.
Makikitang kasama pa sa grupo ang pamangkin ni Kris na si Jiggy Aquino Cruz.
Ibig sabihin ay may koneksyon ang paggamit ng credit card sa mga establishments na iyon sa trabaho ni Nicko bilang nagpapatakbo ng KCAP.
Bukas ang PEP.ph sa panig ng kampo ni Kris Aquino kaugnay ng balitang ito.
