Nakatakdang magharap sina Kris Aquino at Nicko Falcis sa Taguig Regional Trial Court (RTC) ngayong Miyerkules, January 22, 2020.
Kung sakali, ito ang unang pagkakataong magkikita ang dalawa matapos tuldukan ang kontrobersiyal nilang legal battle na tumagal ng mahigit isang taon.
Umaasa ang kampo ni Nicko na ang naka-schedule na paghaharap nila ni Kris sa korte ay maging hudyat ng pag-usad ng kanilang settlement.
Noong Lunes, January 20, naghain ang abogado ni Nicko ng "urgent omnibus motion" kay Judge Ambrosio De Luna, sa Branch 70 ng Taguig RTC.
Ito ay upang maresolba ang nakabinbing mga kasong credit card fraud laban kay Nicko.
Mayroon na ring nai-file na parehong mosyon para sa kasong estafa, sa Branch 117 ng Taguig RTC, na hinihintay nila ang resolusyon.
Pirmado ito ng legal counsel ni Nicko na si Atty. Regidor Ponferrada.
Sabi rito, tatlong beses nang naghain ang kanilang kampo ng mosyon upang tuluyang ma-dismiss ang kasong estafa at credit card fraud na nakaamba pa rin kay Nicko.
Una ay noong October 15, 2019; pangalawa noong November 26, 2019; at pangatlo noong December 17, 2019.
Hiling pa ng abogado, sana ay ma-lift na ang hold departure order laban kay Nicko upang makalipad ito sa Thailand kunsaan naroon ang trabaho at negosyo nito.
Inaasahang mapayagan ito, base na rin sa naiulat na kasunduan nina Kris at Nicko mahigit tatlong buwan ang nakararaan.
THE SETTLEMENT
Noong October 16, 2019, inanunsiyo nina Kris at Nicko sa kani-kanilang Instagram account na humantong sila sa isang maayos na settlement ng lahat ng kanilang "financial issues."
Parehong-pareho ang inilathala nilang "press statement" kunsaan sinabi ng kani-kanilang mga abogado na naayos na ang "personal differences" ng dating malapit na magkatrabaho at magkasosyo.
Pati ang legal matters dawit ang nakababatang kapatid ni Nicko, si Atty. Jesus Falcis, ay kasamang naayos sa settlement na iyon.
Ang lumabas na press statement ay aprubado ng mga abogado ni Kris mula sa Divina Law at mga abogado ni Nicko mula sa Bernas Law Offices.
the ARREST despite settlement
Sa kabila nito, hindi pa rin natapos ang legal battle ng dalawa.
December 13, 2019 nang umuwi si Nicko sa Pilipinas mula Thailand.
Sa hindi inaasahang pangyayari, paglapag ni Nicko sa immigration area ng Ninoy International Airport ay inaresto siya ng awtoridad.
Ito ay dahil sa dalawang standing warrants of arrest na inilabas ng Taguig RTC Branches 117 at 70 noon pang March 2019.
Hindi pa rin pala na-lift ang mga ito sa kabila ng settlement ng magkabilang-kampo noong October 2019, kaya kinailangang magpiyansa ni Nicko.
Nag-isyu ang mga court ng hold-departure order, na siyang subject ng latest omnibus motion, na gusto niyang madinig ngayon.
Higit isang taong namalagi si Nicko sa Thailand dahil diumano sa banta ni Kris sa kanyang buhay, nang magkausap sila sa telepono, noong September 27, 2018.
Kasagsagan iyon ng kanilang alitan at paghihiwalay ng landas.
THE YEAR-LONG legal BATTLE
Si Nicko ang dating talent agent, endorsement closer, at project director ng digital company ni Kris, o kilalang Kris Cojuangco Aquino Productions (KCAP).
Bilang pinuno ng KCAP, siya ang nangasiwa sa pag-produce ng digital content ni Kris at pati pagkuha ng endorsements para rito.
Magkasosyo rin sina Kris at Nicko sa isang food business.
Tumagal ng 18 months bilang KCAP project director si Nicko.
Sa loob ng panahong ito, minsang nasabi ni Kris na si Nicko ang tumulong sa kanyang buuin muli ang sarili.
Dumaan kasi sa matinding pagsubok ang showbiz career ng TV host-actress, mula nang umalis siya sa ABS-CBN noong mid-2016 hanggang sa naging aktibo siya sa digital platforms noong May 2017 onwards.
Sa PEP Headliner noong June 2018, ipinagmalaki ni Kris na mayroon siyang 54 endorsements, at noong panahong iyon ay katuwang pa niya si Nicko bilang endorsement closer.
Pero ang magandang samahan ng dalawa ay nauwi sa wala.
Noong October 12, 2018, sinampahan ni Kris ng reklamong 44 counts of qualified theft si Nicko sa pitong siyudad sa Metro Manila—Mandaluyong, Quezon City, Makati, Pasig, Taguig, Manila, at San Juan.
Alegasyon ni Kris: ginasta ni Nicko nang walang pahintulot ang halagang PHP1.2M gamit ang company credit card, na nakapangalan kay Nicko bilang KCAP project director.
Noong 2019, isa-isang nabasura ang qualified theft na inireklamo ni Kris laban kay Nicko.
Noong February 2019, magkasunod na na-dismiss ang mga reklamong qualified theft na nakahain sa Office of the Prosecutors ng Makati at Pasig.
Noong April 2019, inatras naman ni Kris ang reklamong qualified theft na isinampa niya laban kay Nicko sa Mandaluyong at San Juan.
April 2019 din nang ma-dismiss ang reklamong qualified theft na nakahain sa Manila.
Noong December 2019 ay dismissed na rin ang civil case na isinampa ni Kris laban kay Nicko sa Quezon City.
TAGUIG CASES
Noong March 2019, na-dismiss ang qualified theft complaint laban kay Nicko, pero kinasuhan siya ng estafa at credit card fraud.
Depensa naman ni Nicko, hindi pampersonal na interes kundi business-related ang lahat ng items na binili niya gamit ang KCAP credit card.
Ang kinukuwestiyong credit card charges na sakop ng Taguig ay nagkakahalaga raw ng PHP62,784.32
Umalma rin noon ang kapatid ni Nicko na si Atty. Jess.
Tahasang sinabi ni Atty. Jess na ipinambayad ang halagang iyon sa mga kinainang restaurants ni Nicko at KCAP employees sa Taguig.
Siyam katao ang nasa isang litrato at 12 katao ang nasa isa pang litrato na inilabas ng kapatid ni Nicko.
llan buwan pang tumagal ang legal battle nina Kris at Nicko, hanggang sa nagkasundo na nga sila noong October 16, 2019.
KRIS BACK FROM U.S. VACATION
Base sa Instagram posts ni Kris kagabi, January 21, nakabalik na siya sa Pilipinas mula sa bakasyon sa U.S. na nagsimula noong December 15, 2019.
Binanggit din ng TV host-actress ang pakikipaglaban niya sa kanyang mga sakit, kabilang daw ang anemia, thyroid issues na dahilan ng kanyang weight loss, at iba pang karamdaman.
Pero pinayagan daw siya ng kanyang doktor na dumalo sa isang "commitment" sa Huwebes at saka magbalik-trabaho sa Biyernes.
Aniya, "My doctor gave additional medicines & immunity boosting supplements, but she also gave the go signal to honor a commitment on Thursday & go back to work on Friday..."
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa anumang pahayag ng mga nabanggit sa artikulong ito.
