Isang malaking palaisipan sa marami ang pagbabahagi ni Jimmy Bondoc, 44, ng isang advisory mula sa ABS-CBN News and Current Affairs.
Ngayong Huwebes, May 7, ni-repost ni Jimmy sa Facebook ang announcement na matutunghayan pa rin ang news programs ng ABS-CBN sa cable at online platforms.
Makikita rin ang advisory na ito sa iba pang social media accounts ng ABS-CBN.
Walang kasamang caption ang pagsi-share ni Jimmy sa ABS-CBN News art card.
Nag-sign off ang ABS-CBN Channel 2 noong May 5 matapos mag-isyu ng Cease and Desist Order ang National Telecommunications Commission.
Ito ay dahil nag-expire na ang 25-year legislative franchise ng network.
Narito ang screenshot ng post ni Jimmy sa Facebook:

AN ABS-CBN CRITIC?
Hindi maiwasang magtaka ang marami kung bakit nag-share si Jimmy ng isang announcement mula sa ABS-CBN News.
Ito ay dahil hindi itinatago ni Jimmy ang kanyang pagtuligsa sa Kapamilya network.
Noon 2019, naging malaking balita ang Facebook post ni Jimmy kung saan sinabi niyang excited siya sa napipintong pagsasara ng “biggest tv network.”
Paratang niya tungkol sa network: "This company is a snake pit, where success is based on politics and sexual favors.”
Hindi man direktang binanggit, malinaw na ang ABS-CBN ang tinutukoy ni Jimmy.
Noong pa mang 2017 ay nagbanta na si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya ire-renew ang franchise ng ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere ng kanyang paid political ads noong 2016 presidential elections.
Si Jimmy ang kasalukuyang vice-president for Corporate Social Responsibility Group ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Bago ma-promote sa kanyang current position, si Jimmy ay in-appoint ni Pangulong Duterte bilang assistant vice-president for Entertainment ng PAGCOR noong 2016.
Kilala si Jimmy na masugid na tagasuporta ng Pangulo.
JIMMY BONDOC POSTS ABOUT “CLOSURE”
Ang pagsi-share ni Jimmy ng ABS-CBN News advisory sa kanyang Facebook page ay ginawa niya dalawang araw matapos ang shutdown ng TV network nitong Martes.
Sa mismong araw ng ABS-CBN shutdown, noong May 5, mayroon din siyang mahabang Facebook post na may pamagat na “Closure.”
Tinalakay rito ni Jimmy ang tungkol sa pagkasira ng reputasyon ng isang tao, pero nagnanais ng kapatawaran at closure.
Paglilinaw niya, “Hindi ko sinasabi na sa akin nangyari ito ha. Baka Oo. Baka hindi.
"Nagke-kwento lang ako. Ang masasabi ko lang ay: true story ito.”
Hindi naman malayong ito ang naranasan ni Jimmy kasunod ng kanyang controversial post laban sa network na minsan niyang kinabilangan.
Madamdamin ang pagbabahagi niya tungkol sa nasirang reputasyon.
Bahagi ng post niya: “Pero, ang hindi pa siguro nararanasan ng marami sa inyo, ay yung MALAWAKAN at PROPESYONAL na paninira sa inyo.
“Marahil, hindi niyo pa nadama yung may hinala ka pa lang na may maninira na sa yo... pero sa isang iglap, nasa lahat ng pahayagan ka at tabloid, nasa TV na naka-freeze ang mukha mo na nakabukas ang bibig mo, na may tsismis na bakla ka daw, o lasenggo, o kung anupaman.”
Makahulugan pa niyang sabi: “Ipinagdadasal ko pa rin ang mga apektado sa mga kasalukuyang kaganapan.
"At sa totoo lang, palagay ko ay di magtatagal, magbu-bukas ulit ang palasyo ng higante.”
Hindi rin malayong ang ABS-CBN ang tinutukoy niyang “palasyo ng higante.”
Sabi ng singer: “Ang panalangin ko lang talaga ay pagbabago. Sa sarili ko. At sa higante.
"Lahat tayo, hindi perpekto. At may kasalanan.”
May tinuran pa si Jimmy na makabubuti rin paminsan-minsan na nasusugatan ang higante.
Aniya, ang kanyang dasal ay matutong patawarin ang sarili at magpatawad.
JIMMY BONDOC VERSUS ANGEL LOCSIN
Mayo noong nakaraang taon, nakasagutan ni Jimmy sa social media ang aktres na si Angel Locsin kasunod ng viral post ng singer laban sa Kapamilya network.
Maanghang ang patama ni Jimmy sa Facebook post niya noong May 22, 2019.
Hindi man niya binanggit ang network, malinaw na ang ABS-CBN ang kanyang tinutukoy.
May iba pa siyang akusasyon sa network bukod sa pagsasabing ang kasikatan ay base raw sa pumumulitika at sexual favors.
Post ni Jimmy: “You have COUNTLESS VICTIMS, from sexual harassment to plain and simple bullying.
"I am so happy that your time has come.”
Ang mga paratang na ito ni Jimmy ay sinalubong ng mga buwelta mula kay Angel sa Twitter.
Hindi nagustuhan ni Angel ang sinabi ni Jimmy na ikatutuwa nito ang pagsasara ng TV network.
"The network might not be perfect but for you to be happy about thousands of people losing their jobs is pure evil,” bahagi ng tweet ni Angel noong May 23, 2019.
Kinondena rin ni Angel ang bintang ni Jimmy na ang kasikatang natatamo ng mga artista ay nakabase sa pagpayag nila sa sexual favors.
Nilinaw naman ni Jimmy na hindi niya inaatake ang mga manggagawa o artista, kundi ang “kalakaran” o sistema umano ng kumpanya.
Tila may pagbawi rin si Jimmy nang sumagot siya na hindi niya sinabing matutuwa siya na marami ang mawawalan ng trabaho sakaling magsara ang network.
“When a network (any network) closes, it can mean a change of management or ownership.
“Ibig po sabihin, deserving employees would probably be retained,” post ng singer.
Muling sinagot ni Angel si Jimmy.
Sabi ng aktres: "I’m speaking for the thousands of employees that will have no job security if this happens.
"The assumption I gave is coming from your statement that you are excited for the network to CLOSE.”
Nang ma-interview naman si Jimmy sa DZRH ilang araw pagkatapos ng kontrobersiyal niyang post, tinanong siya tungkol dito.
Sinabi ng singer na wala naman siyang binanggit na pangalan ng network, sa kabila ng kanyang malinaw na deskripsiyon kung anong istasyon ang kanyang pinatatamaan.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here!)
