Sa Araw ng mga Ina, isang mensahe ang ibinahagi ni Coco Martin—Rodel Nacianceno sa totoong buhay—para sa kanyang lola na si Matilde Nacianceno.
Laking-lola ang 38-year-old actor.
Mensahe ni Coco sa kanyang Instagram post kahapon: “Happy Mother’s Day sa’yo La.
“Ikaw ang naghubog sa akin kung paano lumaban sa buhay, ang manindigan sa kung ano ang tingin kong tama.”
Kasunod nito, muling naghayag ng saloobin si Coco tungkol sa pagpapasara sa kanyang home network, ang ABS-CBN.
Alam daw ng aktor na malaki ang itinaya niya sa pagsasalita laban sa pamahalaan.
Masakit daw kasi para sa aktor na makita ang mga kasamahan sa FPJ's Ang Probinsyano na naghihirap habang siya ay namumuhay nang kumportable.
Saad niya, “Alam kong napakahirap ng pinasok ko, pwede naman akong manahimk na lang at magsawalang-kibo, pero napakasakit sa akin na makita kong naghihirap ang aking mga kasamahan sa trabaho habang ako ay kumportableng nabubuhay.”
Ayon pa sa aktor, mahirap ang pinagdadaanan nila sa araw-araw na taping para mapasaya ang kanilang loyal viewers.
“Kami ang magkakasama na naghihirap para magkaroon ng ipapalabas gabi-gabi, kahit kaakibat nito ang peligro na may maaring maaksidente sa bawat eksenang ginagawa namin para mapasaya ang mga tumatangkilik sa amin.”
FOR FILIPINOS HERE AND ABROAD
Dagdag ni Coco, may mga pagkakataong hindi na nila nakakasalamuha ang kanilang pamilya para lamang makabuo ng palabas.
Aniya, “Kung minsan ay halos hindi na kami umuuwi ng aming mga bahay para makita ang aming pamilya.
“Sinusuong namin ang kahit anong kalamidad makapagbigay lang ng kaledad na palabas sa manunuod, at upang makapagbigay ng inspirasyon na lumaban sa kahit anong hamon ng buhay.”
Diin ng aktor, ang ginagawa nila ay hindi pansarili lamang kundi serbisyo na rin sa bayan.
“Hindi lang po basta trabaho ang ginagawa namin sa likod at harap ng camera, ito ang pagseserbisyo namin sa bayan at sa lahat ng Pilipino saan mang lupalop ng mundo!!”
COCO’S IRE
Mayo 5 ng gabi, ang huling araw sa ere ng ABS-CBN Corporation, sa pambihirang pagkakataon ay naglabas ng kanyang galit sa gobyerno si Coco.
Bahagi ng kanyang post: “Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?
“Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan!
“Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!”
Direktang patama pa rin ni Coco: “Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!
“TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!”
Noong Mayo 7, tila naghamon ang aktor sa mga kritiko ng ABS-CBN na ipinagbubunyi ang pagpapasara ng network.
Bahagi ng pahayag ni Coco sa Instagram, “NGAYON WALA NA TAYONG TRABAHO PANTAY PANTAY NA TAYO
“PWEDE NA TAYO LUMABAN
“WALA NA TAYO DAPAT KATAKUTAN!!!
Samantala, sa Facebook live event ng ilang ABS-CBN stars, na pinamagatang Laban Kapamilya noong Biyernes, May 8, naging emusyonal ito sa mga binitawang salita.
Saad niya, “Kasi kung mananahimik tayo, aabusuhin tayo!
"Para tayong batang kinotongan, at pagkatapos kapag nagkita kayo, anong expect natin?
"Kasi ito na yung pagkakataon natin. Wala na tayong trabaho! Anong iniingatan natin?!
"Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan sa 'yo! Kahit patayin niyo pa ako!"
Ngayong araw, Mayo 11, ira-raffle ng Supreme Court ang inihaing petition for certiorari and prohibition laban sa cease and desist order ng NTC.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here!)
