Film icon and former senator Ramon Revilla Sr. passes away at 93

by Jet Hitosis
Jun 26, 2020
Senator Bong Revilla announces the death of his father, former actor and senator Ramon Revilla Sr. (in photo): "After 93 full years, our father former Senator Ramon Revilla, Sr. succumbed to heart failure at 5:20 this afternoon."
PHOTO/S: PEP file, Ramon Bong Revilla, Jr. on Facebook

Pumanaw na ang film icon at dating senador na si Ramon Revilla Sr., sa edad na 93.

Jose Acuña Bautista ang kanyang tunay na pangalan.

Binawian ng buhay si Ramon sa tahanan nito sa Bacoor, Cavite, ngayong Biyernes ng hapon, June 26.

Inanunsiyo ng kanyang anak na si Senator Bong Revilla ang malungkot na balita sa pamamagitan ng Facebook Live.

Kinunan ni Senator Bong ang eksena sa loob ng kuwarto ng ama, ilang sandali lamang matapos itong malagutan ng hininga.

Napapaligiran ng mga kaanak at medical personnel ang yumaong aktor at politician.

Maririnig din ang pagtangis ng ilan sa mga mahal sa buhay ni Ramon.

Pagkatapos ay ipinokus muli ni Senator Bong ang kamera sa kanya at umiiyak niyang sabi, "Wala na po ang tatay ko. Please pray for him."

Continue reading below ↓
Continue reading below ↓
Recommended Videos

Pormal din itong inanunsiyo ni Senator Bong sa pamamagitan ng isang Facebook post.

Buong mensahe niya: "After 93 full years, our father former Senator Ramon Revilla, Sr. succumbed to heart failure at 5:20 this afternoon.

"He is now free from physical pain and is in the loving arms of our Creator.

"Thank you very much for the love and prayers, as we ask for continuous prayers for the eternal repose of his soul."

Continue reading below ↓

May 31 ng gabi nang isugod sa St. Dominic Medical Center sa Bacoor City, Cavite, ang dating senador dahil nahihirapan itong huminga.

Inilipat siya sa St. Luke's Medical Center-Global City at kinabitan ng ventilator.

Simula noon, abut-abot ang paghiling ng dasal ni Senator Bong at ng kanyang pamilya.

Hangad nila ang tuluyang paggaling ng Revilla patriarch.

Continue reading below ↓

Nitong June 10, sumailalim si Ramon sa angiogram procedure.

Ang angiogram ay ang proseso ng pag-X-ray sa blood vessels ng mga pangunahing ugat sa puso.

February 2017 nang operahan sa puso ang dating senador.

Pero sa regular Facebook updates ni Senator Bong nitong June 10 tungkol sa ama, sinabi niyang walang natukoy na problema sa puso nito.

June 11 ay tinanggal na sa ventilator si Ramon.

Continue reading below ↓

Pagsapit ng June 14, inalis na rin ito sa intensive care unit (ICU) at inilipat sa isang regular room.

Sabado ng gabi, June 20, ay iniuwi na siya sa tahanan nila sa Cavite. Gusto raw umuwi ni Ramon para sa Father's Day.

Sa mensahe ni Senator Bong sa ama nitong Father’s Day, June 21, nagpasalamat siya sa “walang sawang pagmamahal at paggabay” nito sa kanya.

Tinawag din niya itong “agimat na nagpapalakas, nagpapatatag at nag-uugnay sa aming lahat bilang isang pamilya.”

Continue reading below ↓

Ilalagak ang mga labi ni Ramon sa tahanan nila sa Bacoor, Cavite.

GOVERNMENT WORKER-ACTOR-FILM PRODUCER

Isinilang si Ramon noong March 8, 1927 sa Imus, Cavite.

Bunso siya sa sampung anak ng mag-asawang negosyante na sina Ildefonso Bautista at Andrea Acuña Bautista.

Pagkatapos makumpleto ang Bachelor's Degree in Commerce sa Far Eastern University (FEU), sumabak sa pag-aartista si Ramon.

Gamit niya ang pangalang Ramon Revilla.

Ang Ulila ng Bataan, na pinagbidahan ni Mona Lisa noong 1952, ang kauna-unahang pelikulang ginawa ni Ramon.

Bagamat aabot sa apat hanggang limang pelikula kada taon ang ginagawa noon ni Ramon, maliliit lang ang roles niya sa mga ito.

Bukod kasi sa pag-aartista, abala rin siya noon sa paninilbihan sa gobyerno.

Naging hepe si Ramon ng Secret Service Unit ng Bureau of Customs (BOC) noong 1965 hanggang 1972.

Isa siyang Senior Intelligence Officer na may ranggong Major, ayon sa kanyang profile sa senate.gov.ph.

Nang umalis sa Customs noong 1972, tinutukan na ni Ramon ang pag-aartista.

Continue reading below ↓

Nang taon ding iyon, nagbida siya sa Nardong Putik: Ang Kilabot ng Kabite.

Ang pelikulang ito ang pinaniniwalaang nagpasikat sa kanya.

Kasabay nito, matapang na itinatag ni Ramon ang sarili niyang film outfit, ang Imus Productions, Inc.

Bukod sa pagiging producer, siya rin ang scriptwriter ng mga pinagbidahang pelikula.

Continue reading below ↓

FILM ICON: “HARI NG AGIMAT”

Sa ilalim ng Imus Productions, sunud-sunod ang action films na ginawa ni Ramon.

Taong 1973, nagbida siya sa Pepeng Agimat: Sa Daigdig ng Kababalaghan, Hulihin si Tiagong Akyat, at Anting-Anting.

Nanalo siya ng FAMAS Best Actor Award para sa Hulihin si Tiagong Akyat.

Dahil sa kanyang role sa Pepeng Agimat at Anting-Anting, nakilala ng publiko si Ramon bilang “Hari ng Agimat.”

Ang agimat o anting-anting ay sagradong bagay na pinaniniwalaang nagbibigay ng superhuman powers sa pinagkatiwalaan nito.

Patok na patok sa moviegoers noong 1970s at 1980s ang mga pelikula ni Ramon na nagtatampok sa kanya bilang karakter na nakikipaglaban sa mga kakaibang nilalang, gamit ang agimat.

Nagbida rin si Ramon sa mga pelikulang Tonyong Bayawak (1979), Sierra Madre (1981), at Iyo Ang Tondo, Kanya ang Cavite (1986), kung saan nakasama niya si Fernando Poe Jr.

Ginawa rin niya ang Joaquin Bordado (1988), Pepeng Kuryente (1988), Ang Mahiwagang Daigdig Ni Elias Paniki (1989), at Target Police General: Major General Alfredo Lim Story (1990).

Continue reading below ↓

Tumanggap si Ramon ng Lifetime Achievement Award sa 33rd Catholic Mass Media Awards Night noong 2011.

THE SENATOR

Taong 1992 nang kumandidato at nahalal na senador si Ramon.

Siya ang author ng Republic Act 8150, na nagsulong ng malawakang four-year infrastructure program hanggang sa mga pinakaliblib na barangay sa bansa.

Dahil dito, tinagurian si Ramon bilang Father of the Public Works Act, ayon sa senate.gov.ph.

Naging chairman siya ng Senate Public Works Committee.

Inakda rin ni Ramon ang RA 8294, na nagbaba sa parusa sa illegal possession of firearms.

Inamyendahan nito ang Presidential Decree 1866, isang batas na inabuso at naging dahilan sa pagpapakulong sa maraming mamamayan noong panahon ng martial law.

Sponsored din ni Ramon ang RA 9255, na nagpahintulot sa isang ama na ipagamit ang kanyang apelyido sa illegitimate child niya.

Nang makumpleto ang dalawang termino sa Senado noong 2004, tuluyan nang nagretiro sa pulitika si Ramon, sa edad na 77.

Continue reading below ↓

FATHER OF 72 CHILDREN

Kasal si Ramon kay Azucena Mortel Bautista.

Si Senator Bong—Jose Maria ang tunay na pangalan—ay pangatlo sa pitong anak ng mag-asawa.

Anak din nina Ramon at Azucena si Rebecca, na gumamit ng screen name na Princess Revilla nang mag-artista; at si incumbent Cavite 2nd District Congressman Edwin “Strike” Revilla.

Kapatid nina Senator Bong, Princess, at Strike sina Marlon, Rowena, Andrea, at Dianne.

Taong 1998 nang pumanaw si Azucena.

Pero bago pa man pinakasalan ni Ramon si Azucena ay marami nang anak ang aktor sa iba’t ibang babae.

Ang panganay ni Ramon ay si Evelyn Bautista-Jaworski, maybahay ng basketball legend at dating Senador Robert Jaworski.

Nagkatrabaho pa sa Senado ang magbiyenang Ramon at Robert sa 11th at 12th Congress, o simula 1998 hanggang 2004.

Continue reading below ↓

Anak din ni Ramon ang dating aktor na si Ramgen Revilla, na pinatay sa edad na 23.

Si Ramgen ang panganay sa siyam na anak ni Ramon kay Genelyn Magsaysay.

Sa kabuuan, 72 ang anak ni Don Ramon sa 16 na babae.

Ang 38 rito ay opisyal na kinilala ng dating senador, at gumagamit ng kanyang apelyido.

Kinumpirma ito ni Portia Ilagan, writer at dating tagapagsalita ni Senator Bong, sa isang interview noong 2011.

Ayon kay Portia, taong 1996 nang isinilang ang bunsong anak ni Don Ramon, isang babae na pinangalanang Abigail.

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Senator Bong Revilla announces the death of his father, former actor and senator Ramon Revilla Sr. (in photo): "After 93 full years, our father former Senator Ramon Revilla, Sr. succumbed to heart failure at 5:20 this afternoon."
PHOTO/S: PEP file, Ramon Bong Revilla, Jr. on Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results