Isang mahinahon at mapagkumbabang pakiusap ang ibinahagi ni Judy Ann Santos sa kanyang Instagram ngayong araw, July 4.
Ito ay kaugnay ng mainit na pinag-uusapan ngayong ABS-CBN franchise renewal application sa Kongreso.
Hindi man tuwirang binanggit ni Judy Ann ang mga mambabatas sa kanyang post, mahihinuhang sila ang pinatutungkulan niya sa kanyang post.
Ayon sa 42-year-old actress, hindi lahat ng kumpanya ay perpekto.
Pero maaari naman itong bigyan ng pangalawang pagkakataon kung may nagawang pagkakamali.
“Naniniwala po ako.. na ang bawat tao o kumpanya ay pwedeng mapagbigyan ng pangalawang pagkakataon, para maitama ang mga mali..."
Dagdag pa ng Paano Kita Mapasasalamatan host, taimtim na dasal ang pinangkakapitan nila ngayon sa Kapamilya network upang madinig ang kanilang hiling na panibagong prangkisa.
Nagpaalam sa ere ang ABS-CBN noong May 5 dahil sa inihaing cease and desist order ng National Telecommunications Commisions (NTC).
Napaso ang prangkisa ng network noong May 4, 2020.
Patuloy pa ring dinidining sa Kongreso ang labindalawang franchise renewal bills ng istasyon.
Inaasahan namang magkakaroon na ng botohan sa susunod na linggo sa Committee on Legislative Franchises kung bibigyan o ibabasura ang aplikasyon ng network.
“PARE-PAREHO NAMAN PO TAYONG PILIPINO”
Dagdag pa ni Judy Ann, hindi lamang ito para sa kanilang mga artista kundi para sa mga empleyado ng ABS-CBN na may mga binubuhay ring kapamilya.
Saad pa ni Judy Ann, “Tanging dasal na lang ang kinakapitan naming lahat.. hindi na para lang sa aming mga artista.. kundi para sa pamilya ng mga empleyadong nawalan ng trabaho..
“Para sa mga nangangailangan ng mga impormasyon sa mga malalayong lugar.. para sa ekonomiya natin na patuloy ang pagbagsak dahil sa pandemya..”
Nanawagan din ang aktres na sana ay magtulungan ang lahat—ang istasyon at ang mga mambabatas para sa ikabubuti ng bansa.
Pakiusap niya, “Sana po, sa pagkakataong ito.. mapairal natin ang puso at mga isip natin sa kasulukuyang pinagdadaanan natin...
"Pare pareho naman po tayong mga Pilipino.. pareho tayong lahat ng pinagdadaanan.. bakit hindi po tayo magtulungan...??”
Kahapon, July 3, bumaha sa social media ang panawagang #IbalikAngABSCBN mula sa mga empleyado, talents, manggagawa, tauhan, at tagasuporta ng istasyon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
