Simple pero malaman ang mensahe ni Jinkee Pacquiao matapos ang birada ni Agot Isidro tungkol sa kanyang magarbong lifestyle.
Si Jinkee ang asawa ng boxing champ-senator at bilyonaryong si Manny Pacquiao.
Umaga ng Huwebes, July 9, binatikos ni Agot ang umano'y pagiging insensitibo ni Jinkee sa pagbabalandra nito ng mamahaling gamit sa social media.
Partikular na rito ang litrato ng Hermes at Louis Vuitton bikes sa Instagram post ni Jinkee noong July 2.
Pag-aari raw iyon ni Jinkee at asawa niyang si Manny Pacquiao, at kinunan niya ng litrato sa bahay nila sa General Santos City.
Naging laman ito ng balita sa online news sites.
Bandang ala-una ng umaga ng Biyernes, July 10, nagbahagi si Jinkee ng Bible quote sa kanyang Instagram Story.
Nilagyan niya ng highlight at arrow ang Matthew Chapter 7 Verses 1 to 6 na may titulong: "Do Not Judge Others."
Sabi rito, "Do not judge others, and you will not be judged.
"For you will be treated as you treat others.
"The standard you use in judging is the standard by which you will be judged."
Sabi pa rin sa Bible quote, "Hypocrite! First get rid of the log in your own eye; then you will see well enough to deal with the speck in your friend's eye."
Tila bahagi ito ng meditation ni Jinkee bago siya natulog.
Nilagyan niya ito ng "GOOD NIGHT" at petsa na "July 10, 2020."

Wala mang binanggit na pangalan si Jinkee, tila ito ang sagot niya sa mga pasaring ni Agot.
In-edit din ni Jinkee ang caption sa "His and Hers" luxury bikes na ipinost niya sa Instagram noong July 2.
Regalo lang daw ang kontrobersiyal na bikes, na tinatayang daan-daang libo ang halaga.
Sabi ni Jinkee sa kanyang edited caption: "Ang bike na ito ay gift po sa amin ng aming kumpare na si Hermie Esguerra."

AGOT CALLS JINKEE "#NOuVEAU"
Ginamit ni Agot ang hashtag na "#nouveau" sa naging mensahe niya kay Jinkee.
Ang direct English translation ng nouveau, na hango sa French term na nuoveau riche, ay newly rich.
Karaniwan itong pantukoy sa mga taong biglang yaman at ang "tastes and manners" ay itinuturing na bulgar para sa ibang tao, ayon sa collinsdictionary.com.
Sa madaling salita, may halong pang-uuyam ang paggamit sa salitang nouveau riche.
Tweet ni Agot patungkol kay Jinkee: "Alam namin na marami kayong pera. At kung ano ang gusto ninyong gawin sa pera na yun, wala kaming pakialam.
"Pero marami rin ang walang trabaho at nagkukumahog humanap ng pera para may pakain sa kanilang pamilya.
"Puede ba, konting sensitivity man lang?"
NETIZENS' MIXED REACTIONS
Naging viral ang tweet ni Agot.
May netizens na sumang-ayon sa kanyang "insensitive" at "mayabang ang dating" ng post ni Jinkee.
Hindi raw magandang tingnan na maglantad ng yaman habang maraming mga tao ang naghihirap sa gitna ng pandemya.



Meron namang nagsabing "inggitera" si Agot. Personal account naman daw ni Jinkee ang Instagram nito, at karapatan nitong ibahagi kung anuman ang kanyang nais.



AGOT ADDRESSES HER CRITICS
Gabi ng Huwebes, naglabas ulit si Agot ng pahayag patungkol sa netizens na nagsabing hindi niya saklaw kung paano gustong gastusin ni Jinkee ang pera nito.
May mga netizens kasing nag-comment sa tweet ni Agot na hindi nito dapat husgahan si Jinkee lalo pa't tumutulong ito sa mga nangangailangan.
Giit ni Agot, walang problema kung gumastos sa mamahaling bagay si Jinkee gamit ang sariling pera nito.
Ang ipinupunto niya ay hindi na raw dapat inilalantad iyon sa social media.
Ani Agot: "sinabi ko naman na wala akong pakialam kung saan ginastos ang kaperahan.
"i'm sure marami na rin ang natulungan.
"ang sa akin lang, kailangan ba namin makita yan, sa gitna nang paghihirap na dinaranas ng nakararami?
"sensitivity ≠ accountability iba po yun. ktnxbye."
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
