Nag-walkout si Vice Ganda sa opening number ng It’s Showtime ngayong araw, July 11, 2020.
Sa umpisa pa lang, habang pumapasok ang mga hosts ng programa sa stage, kapansin-pansin nang wala sa mood si Vice.
Throughout the opening number, nanatiling walang gana si Vice.
Samantala, ang iba niyang co-hosts na sina Vhong Navarro, Jugs Jugueta, Jhong Hilario, at Teddy Corpuz ay nakangiti at sumasayaw-sayaw habang kinakanta ang theme song.
Nang si Vice ang kumanta ng kanyang linya sa theme song, nakangiti lang ito at nakatingin sa gilid.

Nang humarap na siya sa kamera, makikitang tila pilit ang ngiti nito.

Patuloy namang nagkukulitan ang mga hosts sa kanilang mga puwesto, habang si Vice ay naka-steady lang sa kanyang pagkatayo sa gitna ng stage.
Habang kinakanta ni Jhong ang kanyang parte, nakita sa camera na tumalikod si Vice at naglakad pabalik backstage.


Hindi na bumalik si Vice sa stage upang tapusin ang opening number.
WHY VICE WALKED OUT
Nagpatuloy naman sina Vhong at iba pang hosts sa pagbanggit ng kanilang spiels.
Nung nag-commercial break ang It’s Showtime, ipinaliwanag ni Vice sa Twitter kung bakit siya umalis ng stage.
Sabi ng TV host-comedian, “Kailangan kong umexit sa point na yun para umiyak. I couldn’t fake it. Pero ok nako after humagulgol.”
Pagkatapos ng commercial break, sa sumunod na segment, bumalik na si Vice at nagpatuloy sa paghu-host ng programa.
VICE GANDA TRENDS ON TWITTER
Agad nag-trending si Vice Ganda sa Twitter matapos ng opening number.
Hindi sinabi ni Vice ang dahilan ng kanyang paghagulgol.
Subalit karamihan ng comments sa Twitter ay iniugnay ang pagwo-walkout ni Vice sa pagbasura ng Kongreso sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN kahapon, July 10.
Pitumpong (70) kongresista ang bumoto ng “Yes” para tuluyang ibasura ang pinagsama-samang panukalang humihiling na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Labing-isa ang bumoto ng “No,” dalawa ang nag-inhibit, at isa ang nag-abstain sa pagboto.
Isa si Vice sa mga artistang sumama sa motorcade ng Kapamilya artists and employees sa ABS-CBN compound kahapon, habang hinihintay ang desisyon ng Kongreso.
Nang makausap siya ng mga reporter, hindi alam ni Vice ang isasagot dahil noon lang daw niya nalaman ang mga pangyayari sa Kongreso.
“Kailangan ko lang prosesohin ang naramdaman ko, kasi ngayon ko lang nalaman yung desisyon.
"So, magulo pa yung nararamdaman ko. Hindi ko alam.
"Para akong nanginginig na hindi ko alam. Ang alam ko, malungkot na malungkot ako ngayon."
Sa ngayon ay patuloy ang pag-ere ng It’s Showtime sa Kapamilya Channel.
Ang Kapamilya Channel ay isang cable at satellite channel na nagpapalabas ng ilang programa ng ABS-CBN, kabilang na ang FPJ’s Ang Probinsyano at ASAP Natin ‘To.
Nag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 4, 2020.
Kinabukasan, May 5, 2020, nag-isyu ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN, dahilan upang matigil ang pagbu-broadcast ng TV at radio stations nito.
Mula noon ay hindi na nakabalik sa free TV ang ABS-CBN.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
