“Abangan ang susunod na kabanata.”
Ito ang makahulugang tugon ni Korina Sanchez sa tanong ng isang netizen kung may ongoing negotiation sa pagitan niya at ng TV5.
Sa kanyang Instagram post ngayong hapon ng Biyernes, August 14, sinabi ng 55-year-old broadcaster na tuluy-tuloy pa rin ang programa niyang Rated K kahit sa Facebook na lamang ito napapanood.
Pagkatapos ibasura ng Kongreso ang franchise application ng ABS-CBN noong July 10, 2020, hindi na napapanood sa free-to-air television ang Kapamilya programs.
Sabi ni Korina sa kanyang post, “Yes. Rated K lives on. Watch out for what my lean and mean team put up for you this week on the Rated Facebook Page.
“We had so much fun shooting this episode. Masaya. Maraming matututunan. Sunday. 6:45 pm.
“Nawalan kami ng franchise. Pero hindi kami nawalan ng pagmamahal sa inyo.
“Nandito parin kami. Walang iwanan. #PangRatedKYan Kitakits.”
Sa comments section, isang netizen ang nagtanong kay Korina, “Ma'am totoo bang nakikipagnegosasyon kayo sa TV 5?
"Isa po ako sa malulungkot, kung totoo yan. Isa po kasi kayo sa mukha ng ABS-CBN.”
Hindi direktang sinagot ni Korina ang tanong.
Sa halip, sabi ng Rated K host: “@joaqs45 Abangan ang susunod na kabanata. Salamat sa pagmamahal.”

TV5 BOUNCES BACK
Taong 2015 nang pumutok ang balitang magsasagawa ang TV5 ng malawakang retrenchment dahil sa pagkalugi.
Na-dissolve din ang kanilang entertainment department noong taong iyon.
Pero noong huling bahagi ng 2019, ibinalita ni dating TV5 at Cignal President and CEO Jane Basas sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na muli nilang bubuhayin ang entertainment department ng istasyon.
Muli rin nilang kinuha ang dating vice president for entertainment ng istasyon na si Perci Intalan bilang programming head.
Kasunod ng pagkabasura ng prangkisa ng ABS-CBN, umingay naman ang pangalan ng TV5.
Nagkakaroon daw ng malawakang rigodon ng talents at empleyado mula sa Kapamilya network patungo sa Kapatid network.
Nitong August 6, 2020, kinumpirma ni TV5 Chairman Manny V. Pangilinan na may "ongoing conversations" sila sa ibang stars at tauhan ng ABS-CBN upang magtrabaho sa Kapatid network.
Bahagi ng sinabi ni Pangilinan: "There are ongoing conversations with their talents, but it’s not as expansive as one would assume.
“We’re careful about any contractual arrangements these talents have with ABS. We’d like to respect that.”
Isa nga kaya si Korina sa may ongoing talks with TV5?
Nauna nang nabigyan ng programa sa TV5 sina Pokwang, Jessy Mendiola, at Ria Atayde.
Sa ulat naman ng Cabinet Files kahapon, August 13, isang insider ang nagsabing mapapanood muli ang ilang programa ng ABS-CBN sa TV5.
Kabilang dito ang sitcom na Home Sweetie Home at ang gag show na Banana Sundae, pero babaguhin daw ang title at hindi lahat ng original cast members ay makakasama.
Lilipat din umano sa TV5 ang radio program nina Ted Failon at DJ Chacha na Failon Ngayon.
Makasama rin kaya sa lineup ng TV5, na iaanunsiyo sa Setyembre, ang Rated K ni Korina?
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
