ABS-CBN frequencies now open for application to other broadcast companies

by Arniel C. Serato
Sep 10, 2020
A lawmaker has announced that the ABS-CBN frequencies are technically already returned to the state and are now open for application by other broadcast networks.
PHOTO/S: Jerome Ascano

Maaari nang ibigay sa ibang broadcast companies ang frequencies ng ABS-CBN Corporation na naibalik sa estado pagkatapos ibasura ng Kongreso ang franchise application ng Kapamilya network.

Ito ay ayon kina House Legislative Franchises Committee vice chairmen Jonathan Sy-Alvarado ng Bulacan at Mike Defensor ng Anakalusugan party-list.

Si Sy Alvarado, katuwang si Palawan Representative Frank Alvarez, ang bumuo ng technical working group (TWG) na gumawa ng report tungkol sa ibinasurang ABS-CBN franchise application.

Si Defensor ang isa sa gumisa nang husto sa mga kinatawan ng ABS-CBN sa isinagawang hearing sa Kongreso.

Noong June 15 hearing ay inuusisa ni Defensor kung bakit hindi umusad ang aplikasyon nila sa Kongreso noong 2015, noong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino, gayong malapit daw ang mga Lopez sa Aquino family.

Sa Zoom meeting naman ng mga pro-administration congressmen noong July 17, o pitong araw matapos ibasura sa Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN, iminungkahi ni Defensor na i-takeover na ang ABS-CBN. Pwede raw ito patakbuhin ng mga manggagawa ng network.

Sa ulat ng Philippine Star at One News kahapon, September 9, nakasaad na hindi ire-reserve ng Kongreso ang naturang frequencies para sa ABS-CBN kahit mag-apply pa silang muli para sa panibagong prangkisa sa taong 2022.

Maaari na raw mag-apply ang ibang broadcast companies para sa frequencies ng ABS-CBN.

Pahayag ni Congressman Alvarado, “It’s now open for application by other broadcast companies.

“Technically, the frequencies of ABS-CBN are returned to the state.”

Napag-alaman din daw ng kanilang komite na maraming broadcast companies ang nagpakita ng interes sa mga dating frequencies ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dagdag ni Alvarado, “The challenge for them really is to match the capacity of ABS-CBN and its asset of having the most number of regional stations in the country.

“But I have not heard of any instance when the NTC rejected an applicant for an available frequency.”

Sa prangkisa ng ABS-CBN na naibigay ng Kongreso noong 1995, sa pamamagitan ng Republic Act 7966, nakapaloob na merong 42 free-to-air TV stations, 5 AM stations, 18 FM stations, at 10 digital television stations ang maaaring i-operate ng ABS-CBN sa buong bansa.

Hindi sinabi ni Alvarado kung anong broadcast companies ang nagpakita ng interes sa frequencies ng ABS-CBN.

Ayon sa mambabatas, ang National Telecommunications Commission (NTC) ang nakakaalam nito.

Sa pinakahuling ulat ay pinagbabawi na ng NTC ang TV at radio frequencies na naka-assign sa ABS-CBN.

Nakasaad sa NTC order ngayong Huwebes, September 10: "The denial of respondent's franchise renewal application by Congress, coupled with the denial of respondent's petition by the Supreme Court, lead to no other conclusion except that respondent had already lost the privilege of installing, operating, and maintaining radio broadcasting stations in the country.

"Consequentially, absent a valid legislative franchise, the recall of the frequencies assigned to respondent is warranted.”

THE ABS-CBN JUNKED FRANCHISE RENEWAL

Noong July 10, 2020, tuluyang ibinasura ng Kongreso ang franchise renewal bid ng istasyon.

Ito ay matapos ang mahigit dalawang buwang marathon hearings na isinagawa ng House Committee on Legislative Franchises.

Sa naturang pagdinig ay ginisa ng mga mambabatas ang mga pinuno at kinatawan ng ABS-CBN kaugnay ng mga akusasyon laban sa network na pag-aari ng mga Lopez.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Kabilang sa tinalakay sa mga pagdinig ay ang dual citizenship ng may-ari nitong si Gabby Lopez, ang paggamit diumano ng tax avoidance scheme upang hindi makapagbayad ng tamang buwis sa gobyerno, ang pagpagamit ng AMCARA Broadcasting Network sa kanilang digital transmission upang makapag-broadcast ang ABS-CBN TV Plus ng mga palabas nito, at iba pa.

Sinagot at nilinaw ito ng executives ng ABS-CBN, at pinabulaanan maging ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno ang karamihan sa mga akusasyon laban sa network.

Pero sa huli, sa botong 70-11 ay pinatay pa rin ng Kongreso ang franchise application ng giant network.

Marami naman ang naniniwalang bago pa man magsimula ang mga pagdinig sa Kongreso, wala nang balak ang mga kongresistang bigyan pa ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Naniniwala silang pakitang-tao, o going through the motions, na lamang ang mga pagdinig ng mga mambabatas.

Nasusugan ang ganitong paniniwala ng makailang ulit na deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos maluklok sa puwesto noong 2016, na haharangin niya ang anumang panukalang magbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

Personal ang galit ng Pangulo sa mga Lopez at sa pag-aaring network nito dahil sa hindi pag-ere ng kanyang campaign ads noong 2016 elections kahit bayad na ang mga ito.

Sinasabing kritikal din umano ang ABS-CBN News sa administrasyong Duterte, gaya ng sa coverage nito sa anti-drug war na kumitil sa libo-libong buhay sa ilalim ng government operation na nakilalang Tokhang.

Sa tulong ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso, naisakatuparan ang kagustuhan ni Duterte.

Sa ngayon, sa online, cable, iWantTFC, at social media na lamang napapanood ang natitirang mga programa ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
A lawmaker has announced that the ABS-CBN frequencies are technically already returned to the state and are now open for application by other broadcast networks.
PHOTO/S: Jerome Ascano
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results