Trending si Kim Chiu ngayong araw, October 28, 2020, sa Twitter dahil sa paglalaro niya sa “Mas Testing” ng It’s Showtime.
Isa sa mga naging FUNishment o parusa kay Kim ay mag-like ng Instagram posts ng kanyang ex-boyfriend na si Gerald Anderson.
Sabi ni Vice sa FUNishment ni Kim, “Ila-like mo iyong posts 20th to 24th.
Tanong ni Kim, “Picture ko?”
Sagot ni Vice, “No, go sa account ni Gerald Anderson!”
Nagulat si Kim at napasigaw ng, “Huy! Bakit?”
Sabi naman ni Vice, “It’s just a game.”
Ibinunyag naman ni Kim na hindi niya pina-follow si Gerald sa Instagram.
Sabi ni Vice, hindi naman daw kailangang i-follow ni Kim si Gerald. Ila-like lang daw ang pictures at puwede nang i-unlike kinabukasan.
Naubusan na raw kasi ng FUNishment ang It’s Showtime kaya ito ang naisip nilang ipagawa, sabi ni Jhong kay Kim.
Reaksiyon naman ni Kim dito, “Meron pa kaya diyan! Meron pang basa-basaan, jello jello. Sino pang staff ang may gusto ng 11,000? Bakit!”

Kinausap naman ni Kim sa camera ang kasalukuyang boyfriend na si Xian Lim.
Aniya, “Hi Xi, kung nanunuod ka ngayon, Xi, this is just a game. Xian Lim!”
Natatawang tanong pa ni Kim sa It’s Showtime staff, “Bakit niyo naman isasali itong taong ito? Nananahimik na kami, ha! Isang dekada na ang nakalipas!”
Kinausap niya muli si Xian sa camera at sinabing, "Xi, alam mo naman ang totoo. Hahaha!
“Kung nanunuod ka man ngayon, ito ay sadyang katuwaan lamang.”
Pinahanap naman ni Vice ang post number 20 ni Gerald at pina-click kay Kim para makita ito sa camera.
Tugon ni Kim, “Bakit ko pa kailangang i-click? Diyusko naman! Isang dekada na ang lumipas. Hindi pa rin natin nakakalimutan ito!
At hanggang sa na-like na ni Kim ang 20th post ni Gerald.
Reaksyon ni Vice, “Yes naman! Next photo, please?”
KIM MENTIONS JULIA, BEA WHILE LIKING GERALD’S POSTS
Tuluy-tuloy sa pag-scroll si Kim sa feed ni Gerald nang bigla siyang nagbiro.
Ani Kim, “’Tapos pagbukas mo rito, nandito si Julia Barretto.”
Matagal nang nali-link si Gerald at Julia Barretto sa isa’t isa.
Si Julia ang itinuturong dahilan ng hiwalayan nina Gerald at Bea Alonzo.
Pero mariing itinanggi nina Julia at Gerald ang paratang sa kanila noon.
Biglang tumahimik sa It’s Showtime studio.
Natatawang sabi naman ni Kim, “Ay, bawal ba? Hahaha! Sorry!”
Makikita namang tumatawa sina Vice Ganda at Vhong Navarro.
Nag-peace sign naman si Kim at sinabing, “Ay, si Bea Alonzo pala!”

Komento naman ng host na si Teddy Corpuz, “Live tayo ngayon, live!”
Saad naman ni Vice, “Wala naman siyang sinabing masama.”
KIM CHIU CONTINUES TO LIKE GERALD’S POSTS
Tinuluy-tuloy naman ni Kim ang pag-like ng pictures ni Gerald hanggang sa 24th post nito.
Habang nag-i-scroll sa feed ni Gerald, sabi ni Kim sa mga kasamahan, “Okay, happy? Oh, isa pa!”
Nang makita naman niya ang selfie ni Gerald na nakangiti, komento ng Kapamilya actress, “Ano bang ngiti ito? Hahaha!”
Sabi ni Vice, “Naka-smile siya sa iyo, Kim. ‘Okay lang, Kim, fun lang.’”

Matagumpay namang natapos ni Kim ang pagla-like sa Instagram posts ng ex-boyfriend.
Sa sumunod na picture ay nakitang naka-salute si Gerald.
Komento ni Vice dito, “Saludo daw siya sa iyo, Kimmy! You’re such a good sport!
“Sabi niya, 'You’re such a good sport, Kimmy! Kaya ila-like mo raw iyong nakasaludo siya sa iyo. Lodi!'”
Sabi naman ni Kim, ready na raw sana siyang mabasa kung sakaling may basaan ng tubig na magaganap sa FUNishment niya.
Biro ni Vice sa kanya, “Nabasa ka naman ng pawis ngayon!”
Nag-worry naman si Kim sa boyfriend niyang si Xian. Sabi nito, “Baka mag-away pa kami ni Xian Lim!”
Mensahe naman ni Vice kay Xian, “Xian ha, joke lang ito. Wala siyang kinalaman dito, Showtime ito. Sa amin ito Xian, sa amin ito.”
Pagkatapos ay isa-isang tinignan ni Kim ang mga camera ng It’s Showtime at sinabing, “Ang tanong? Happy? Happy? Happy!”
Nagpasalamat si Vice kay Kim sa pagiging “good sport” nito.
Sabi rin niya sa mga taong nabanggit, “Sa mga tao, it’s just a game, okay?”
Biro pa ni Vice, “Bukas, puwede i-unlike!”
Pero makikitang isa-isa nang ina-unlike ni Kim ang posts ni Gerald na ni-like niya.

KIM CHIU-GERALD ANDERSON PAST
Unang nagtambal sina Kim Chiu at Gerald Anderson paglabas nila sa Pinoy Big Brother house noong 2006.
Pagkatapos ng ilang proyektong pinagsamahan ay madalas pa ring naugnay ang dalawa sa isa’t isa.
Subalit walang inamin ang dalawa tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon, bukod sa pagsasabing “special” sila sa isa’t isa.
Noong taong 2010 ay napabalitang hiwalay na sina Kim at Gerald.
Unang naging mitsa nito ay nang makitang magkasamang umalis sina Gerald at Bea Alonzo sa Star Magic Ball noong taong iyon.
Sa press conference naman ng pelikulang Till My Heartaches End, umiiyak na inamin ni Gerald na nasaktan niya ang damdamin ni Kim, na umiyak rin sa nasabing presscon.
Pagkatapos ng pelikulang ito ay ipinareha na sa iba-ibang partners sina Kim at Gerald.
Dito nakilala ni Kim ang kasalukuyan niyang boyfriend, si Xian Lim, na nakatambal niya noong 2011.
Si Gerald naman, iba’t ibang leading ladies ang nakatrabaho sa pelikula at telebisyon.
Ilan sa mga naging girlfriend noon ni Gerald ay sina Bea at Maja Salvador. Subalit nagtapos rin ang relasyon niya sa mga aktres na ito.
Noong 2017 huling nagkasama sina Kim at Gerald sa daytime series na Ikaw Lang Ang Iibigin. Tumakbo ito nang walong buwan sa telebisyon.
GERALD ANDERSON’S ROMANCE WITH BEA ALONZO, JULIA BARRETTO
Taong 2016 nang nagkabalikan sina Gerald at Bea pagkatapos nilang magkatrabaho sa pelikulang How To Be Yours.
Subalit noong 2019, naghiwalay ulit ang dalawa.
Kontrobersiyal ang naging breakup dahil itinurong third party ang young actress na si Julia Barretto, na nakatrabaho ni Gerald noong taon ding iyon sa pelikulang Between Maybes.
Bukod dito, iginiit ni Bea na na-ghosting siya ni Gerald dahil basta na lamang daw siya hindi kinausap ng aktor.
Makalipas ang mahigit isang taon, wala pa ring isinasapublikong girlfriend si Gerald hanggang ngayon.
Gayunman, hindi matapus-tapos ang pagli-link ng netizens sa kanya at kay Julia base na rin sa mga posts ng dalawa at ng mga taong malalapit sa kanila.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
