Nanariwa kay Ruru Madrid ang kanyang buhay noong kabataan niya nang dumalaw siya sa kinalakihang lugar sa Malanday, Marikina.
Kasama ang ilang kamag-anak, nagbahagi siya ng tulong sa kanyang mga dating kapitbahay na binaha dulot ng pananalasa ng bagyong Typhoon Ulysses noong November 11.
Ngayong araw, November 18, nag-post si Ruru ng mga litrato sa Instagram ng pinsalang idinulot ng baha sa kinalikihang lugar.
Sa caption, sinariwa ng binata ang kanyang kabataan sa kinalakihang lugar.
Paglalarawan ng Kapuso actor, “Ito po ang Kabayani Rd. Malanday, Marikina City and lugar na isa sa mga unang napipinsala pag sumasapit ang malakas na bagyo at mataas na baha dito sa Metro Manila.
“Dito rin po ako lumaki, natuto at tumatag pag dating sa buhay.
“Sapagkat nasanay na kami sa kahirapan na maaari naming sapitin sa tuwing nagkakaroon ng mga sakuna.”
Inalala rin ni Ruru ang pananalasa ng Bagyong Ondoy noong 2009 kung saan nalubog din ang malaking bahagi ng Metro Manila sa baha.
“Ilan sa mga ito ay ang Ondoy, habagat at ang huli ay Bagyong Ulysses kung saan marami ay nawalan ng tirahan, kinabubuhay at ang pinaka nakakalungkot sa lahat ay nabawian pa ng buhay.”
Pero nananatili raw silang positibo kapag nahaharap sa mga ganitong klaseng kalamidad.
“Ngunit magkaganun pa man alam namin na kahit na gaano pa kahirap ang aming sapitin kailangan pa rin namin bumangon at natutunan naming lahat na kung kami ay magtutulungan ay makakaraos kami sa lahat ng kahirapan sa buhay.
“Lahat tayo ay sama-samang babangon sa pinsala na ating naranasan!
“Manalig lamang tayo sa panginoon, na ito ay isang matinding pagsubok lamang para sa ating lahat at malalampasan din po natin ito.”
Hindi sinabi ni Ruru kung ano ang kanilang mga ipinamigay, pero base sa komento ng isang tagaroon, pagkain ang ipinamahagi ng grupo ng aktor.
TYPHOON ULYSSES
Nagising ang mga mamamayan sa ilang bahagi ng Luzon noong November 12 sa kalunos-lunos na tanawin sa ilang bayan at kabahayan.
Maraming bahay ang nasalanta ng Typhoon Ulysses, partikular na sa Marikina at ilang bayan ng Rizal.
Noong umagang iyon, umabot sa 22 meters ang taas ng tubig-baha sa Marikina River.
Halos kasingtaas ito ng inabot ng tubig baha noong Typhoon Ondoy, na umabot ng 23 meters.
Maraming mga residente ang na-trap sa mga bubungan ng kanilang bahay dahil sa taas ng tubig baha noong mga sandaling iyon.
Nalubog din ng baha ang buong Provident Village sa Marikina, katulad sa naranasan nila noong Typhoon Ondoy.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika