Hindi napigilan ni Gabbi Garcia na sagutin ang maling interpretasyon ng ilang netizens tungkol sa stage blocking nila nina Alden Richards at Julie Anne San Jose sa closing ng All-Out Sundays noong Linggo, February 7.
Ang All-Out Sundays (AOS) ay ang Sunday musical-variety show ng GMA Network.
Binatikos sina Gabbi at Julie Anne ng mga nagpakilalang AlDub fans at AlDub Nation (ADN)—o mga masugid na tagasuporta ni Alden at dating ka-love team na si Maine Mendoza.
Tingin nila ay pakulo umano ng GMA na pagtambalin sina Alden at Julie Anne.
Ipinakita nila via Twitter ang video clip kunsaan nasa gawing kanan ni Gabbi si Alden nang humilera ang mga ito sa stage ng AOS.
Maya-maya ay makikitang kinalabit ni Gabbi si Alden at pinalipat ito sa gawing kaliwa niya kunsaan nakapuwesto si Julie Anne.
Sa huli, ang naging blocking ay napagitnaan nina Gabbi at Alden si Julie Anne sa stage.
Hindi ito nagustuhan ng ilang nagpakilalang ALDub o ADN fans.
Anila, nakipagkuntsaba umano si Gabbi na palipatin si Alden sa tabi ni Julie Anne para magtabi ang dalawa sa closing number ng AOS.
Isa pang netizen ang nag-tag kay Gabbi sa tweet kalakip ng kumalat na video clip na inaalmahan ng mga ito.
Mensahe ng netizen (published as is): "Sino nag-utos sayo @gabbi na palipatin si @aldenrichards02 kahit anng gawin nyo LAOS n ang show nyo kya LNG pinagtya2gaan yn LAOs show nyo bcoz of Alden PURO KAYO good 4 nothing starlets@gmanetwork @ArtistCenter mas lalo nyo ginagalit mga viewers [thumbs down emojis] #ALDUBHeartBeatAsOne."
Diretsahang nag-reply si Gabbi sa pambabatikos sa kanya.
Tweet ni Gabbi (published as is): "Ay wala pong nagutos.
"Na conscious lang po ako dahil si Alden ang headliner ng show, tapos ako po yung nasa gitna nung closing."
Wala raw malisya ang pagpapalipat niya kay Alden sa stage.
Dagdag ni Gabbi, "Pinapalipat ko po siya kasi nasa gilid ko po siya.
"Dapat po nasa gitna siya ng ending dahil headliner po ang idol niyo."
DISCLAIMER FROM ALDEN'S FANS
Sa comments section ng tweet ni Gabbi, may ilang netizens na nagpakilalang fans ni Alden ang nagsabing ang tunay na fans ng aktor ay hindi gagawing isyu ang blocking nina Gabbi, Alden, at Julie Anne.
"RESPECT JULIE" TRENDS ON TWITTER
Hanggang sa noong Martes, February 9, apat na hashtags ang ginamit ng fans nina Julie Anne, Alden, at Gabbi para umapela na tigilan na ang paninira sa mga ito.
Una na rito ang "RESPECT JULIE" na nag-trend sa Twitter dahil sa pag-alma ng fans ni Julie Ann sa bashers na pinuputakti ng masasakit na salita ang Kapuso singer.
Kasabay nito ay may hashtags din na "RESPECT ALDEN," "RESPECT GABBI," at "PROTECT JULIE ALDEN and GABBI."
May mga nagsabing idaan na lang sa sayaw kaysa patulan ang bashers.
Apela pa ng iba, sana raw ay matuto ang bashers na respetuhin ang kanya-kanyang talento nina Julie Anne, Alden, at Gabbi.
Hindi raw para akusahan pa ang mga ito na "naggagamitan."