Binalikan ni Heart Evangelista, 36, ang panahong kinailangan niyang magpa-sexy para kumita ng pera.
Ito raw kasi ang mga panahong kinumpiska ng ina niyang si Cecile Ongpauco ang kanyang pera.
Dahil dito, tinanggap ni Heart ang isang endorsement na nagre-require sa kanyang mag-sexy pictorial para sa calendar ng isang sikat na brand ng alak.
Nangyari ito bandang 2013-2014, o mga panahong naging kontrobersiyal ang relasyon ni Heart kay Francis “Chiz” Escudero na noon ay senador.
Tutol kasi noon ang mga magulang ni Heart na sina Cecile at Rey Ongpauco sa relasyon ng kanilang anak kay Chiz.
HEART ON SEXY PICTORIAL
Binalikan ni Heart ang yugtong ito ng kanyang buhay nitong Huwebes, March 18.
Ipinost ng Kapuso actress sa Instagram Stories ang outtakes o larawan ng kanyang sexy pictorial bilang “calendar girl” ng kilalang rum brand para sa taong 2014.
Kinailangan ni Heart magpa-sexy at magsuot ng revealing one-piece at two-piece bikini outfits.
Bakas sa mga caption ni Heart na hindi buo ang kanyang loob nang gawin ang sexy pictorial.
Ipinost ng aktres ang sexy niyang larawan na nakaupo sa driver’s seat ng nakabukas na blue car.
Caption ni Heart: “I can’t believe I did this hahah #tanduay shoot 2014.
“My mom confiscated my money so I needed to do this. Hahah Hirap kumita”
Sa isa pang sexy photo, inamin niyang kinamuhian niya ang layout pero nakatulong daw ang “pep talk” ng isang kaibigan para mairaos ang photo shoot.

“Mamatay ako sa stress!” caption ni Heart sa isa pang daring photo na kuha ng isang celebrity photographer.
Sa isang behind-the-scene photo, makikitang inaayusan si Heart, na malungkot ang mga mata at tinatakpan ang kanyang tiyan gamit ang kanang kamay.
Caption ni Heart: “Sad eyes. Stressed. Literally wanted to cry here! Hahaha what an experience.”
Ipinost din ni Heart ang isa pang larawan kung saan nakasuot siya ng one-piece red swimsuit.
Ito raw ang paborito niyang larawan, pero inayawan ng kliyente.
Masaya raw si Heart sa karanasang iyon, pero hindi na niya ito uulitin.
“This was my favorite but it wasn’t too sexy – so they didn’t like it I think! Haha (more me).
“Looking back? Glad I did it won’t do it again though.”

FEUD WITH HER PARENTS
Ipinost din ni Heart ang screenshot ng video clip ng interview niya tungkol sa pinag-usapan noong hidwaan niya sa mga magulang.
Nangyari ito noong 2013, kung saan nagpatawag ng presscon ang mga magulang ni Heart para ihayag ang pagkadismaya nila sa relasyon ni Heart kay Senator Chiz.
Sa caption ni Heart sa post, binanggit niya rito ang malungkot na bahaging ito sa kanyang buhay.
Hindi raw alam ng marami ang hirap na pinagdaanan niya noong mga panahong iyon.
Pero sa huli ay nagbunga naman daw ang hindi niya pagbitaw sa kanyang pananalig.
Caption ng aktres: “After 7 years rewatched this painful interview… made me look at my old pictures and struggles nobody knew about … wow all I can say… thank you God for guiding me.
“I always believe in having a childlike faith… I finally got my happy life.
“People may say this and that because they only see the ‘finished product’ but nobody knows what you had to go through to be where you are so… cheers to life!
“Cheers to where it has taken you! LIVE to the fullest.”

Ikinasal sina Heart at Chiz noong February 15, 2015.
Kalaunan, nagkaayos din sina Heart at kanyang mga magulang.
Sa kasalukuyan, nagsisilbing congressman ng Sorsogon si Chiz.
