Hindi maiwasang mausisa ang aktres na si Andrea Torres tungkol sa ex-boyfriend nitong si Sef Cadayona ngayong parehong single ang dalawa.
Sa guest appearance ng 30-year-old actress sa The Boobay And Tekla Show (TBATS) kagabi, March 28, hiningi ng dalawang hosts ang reaksiyon ni Andrea tungkol sa sinabi ni Sef sa guesting nito sa kanilang palabas noong February 28.
Sinabi ng 32-year-old actor na ngayong single na ang dating nobya, maaari raw silang mag-reconnect muli.
Halos limang buwan nang hiwalay si Andrea sa boyfriend nitong si Derek Ramsay pagkatapos ng dalawang taong relasyon.
Ayon kay Sef, baka malabo ngayong sabihing liligawan niya muli ang dating girlfriend.
Sabi pa noon ni Sef, “Hindi ko masasabing ligawan. Reconnect. Pwedeng reconnect.
"Happy naman kami ngayon as friends, e, at saka nakakapagkuwentuhan kami paminsan-minsan.”
Kinumpirma ni Andrea na magkaibigan sila ngayon ni Sef.
Sabi ng Kapuso actress, “Oo, masasabi kong, oo, friends na kami ngayon talaga.”
Noong naghiwalay sila bandang 2016 or 2017, hindi raw sila nabigyan masyado ng pagkakataong maging magkaibigan muli.
Pero never umamin ang dalawa noong naging sila hanggang sa sila ay maghiwalay na lamang.
Sabi pa ni Andrea sa ugnayan nila ni Sef sa ngayon, “May time kasi na matagal kaming hindi nag-usap, e. Pero ngayon, okay na.
"Paminsan, kapag may itatanong, or kung meron lang siyang nakita na something na ewan ko, very random lang."
SECOND, THIRD CHANCE?
Noong nag-reconnect sila ni Sef, nagkaroon ba ng reminiscing o pag-alaala sa nakaraan nila?
Sabi ni Andrea, “Wala na.”
Siya raw kasi yung tipong kapag tapos na ang relasyon ay tapos na talaga at wala nang pag-asa pang makipagbalikan.
Saad ng Legal Wives actress, “Sa akin kasi, ano, e, all-out kasi ako, e.
“All-out ako sa relasyon, so kapag dumating sa point na kumalas na, alam ko sa sarili ko na nasagad ko na, so okay na. Okay na.”
Wala naman daw ngayong nagpaparamdam na manliligaw kay Andrea.
Hindi pa rin daw kasi siya handang magmahal pagkatapos ng naunsiyami nilang relasyon ni Derek.
Lahad ni Andrea, “Ako, hindi pa. Parang gusto ko… usually gusto ko pag ganito, binibigyan ko talaga ng time yung sarili ko para maging mag-isa.
“Para kapagka dumating yung next, all-out ulit.”
Sa naging hiwalayan niya noon at nitong kasalukuyan, may level ba ng sakit kung kanya itong susukatin?
Sabi ni Andrea, “Actually, hindi ko malalagyan ng level kasi kapag ano, nagmahal ka naman nang totoo, kasama yun, di ba?”
Susulitin daw muna ni Andrea ang kanyang pagiging single sa mga makabuluhang bagay.
Ang ex-boyfriend niyang si Derek ay may bago nang minamahal sa katauhan ni Ellen Adarna.
Lagpas isang buwan na ang relasyon nina Derek at Ellen, na unang inamin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong February 26, 2021.
