Nasorpresa si Karen Davila, 50, na naging palaisipan sa iba kung may plano siyang magbalik sa GMA Network.
Ito ay matapos siyang makilahok sa survey ng GMA Public Affairs kung papaya o sayote ba ang dapat sangkap sa pagluluto ng chicken tinola.
Si Karen ay 21 taon nang broadcaster sa Kapamilya Network at kasalukuyang news anchor ng Headstart sa ANC, ang cable news channel ng ABS-CBN.
Dati siyang news anchor ng Kapuso late-night newscast na Saksi mula 1995 hanggang 1998.
Sa kanyang Facebook post noong Martes, Mayo 11, nilinaw ni Karen na solid Kapamilya pa rin siya.
Hindi raw niya iiwan ang home network sa kabila ng kawalan nito ng prangkisa mula pa noong May 4, 2020.
Wala raw malisya ang pagsagot niya sa survey ng GMA Public Affairs.
Kalakip ng laughing emojis, pahayag ni Karen: "Hello guys! Some people have been messaging me asking kung lilipat ako because I answered this survey.
"Sinagot ko lang kasi mahilig ako sa tinola!
"I am a Kapamilya and will stand by the company through its hardest time.
"Praying for better days a head for all of us
"Thanks pep.ph - slow news day I guess?"

Kalakip ng post ni Karen ay ang item sa Cabinet Files sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kunsaan naiulat ang pagsagot niya sa viral survey ng GMA Public Affairs.
Madalas ay kinagigiliwan kasi ng netizens kapag napapansin nilang hindi sagabal ang pagkakaiba ng network sa ganitong mga pagkakataon.
KAREN davila CONTINUES TO FIGHT FOR ABS-CBN
Buo ang suporta ni Karen sa home network niya sa loob ng dalawang dekada, base sa pakikiisa niya sa paggunita ng Kapamilya stars at media personalities sa unang anibersaryo ng pagpapasara sa broadcast operations ng network noong May 5.
Ibinahagi niya ang art card ng ABS-CBN na color bars na may written text tungkol sa #ABSCBNshutdown."
Sabi sa caption ni Karen: "May 5, 2020. The day ABSCBN went dark. We shall not forget. Keep on fighting."

Tila emosyonal din si Karen nang makita ang drawing ng telebisyon na may logo ng ABS-CBN na gawa ng anak ni Lynda Jumilla-Abalos, head ng ABS-CBN News Digital.

Kaisa raw si Karen ng ibang mga katrabahong nanatiling solid Kapamilya sa kabila ng kalbaryong dinaanan nila.
Tweet ni Karen, "It truly is such an honor to be working alongside all of you. #LabanKapamilya."

Si Karen ay isa sa anchors ng late-night newscast na Bandila, na isa sa mga programa ng ABS-CBN News And Current Affairs na pansamantalang nasuspinde noong March 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Tuluyang namaalam sa ere ang programa matapos ang ABS-CBN shutdown.
