Halos ayos na ang lilipatang bahay ni Kylie Padilla at ng kanyang mga anak na sina Alas, 3 taong gulang, at Axl, 1.
Ito ang inanunsiyo ni Kylie sa kanyang social media account ngayong Sabado ng umaga, July 10, 2021.
Kamakailan ay kinumpirma ni Robin Padilla, ama ni Kylie, na hiwalay na ang kanyang anak sa asawang si Aljur Abrenica.
Iniulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na bumalik si Kylie sa dating bahay nila sa Fairview, habang si Aljur ay umuwi sa bahay ng kanyang mga magulang sa Batangas.
Nabanggit ng isang source ng PEP na umano'y nabenta na ang bahay sa Scout area na dating tinitirhan ng mag-asawa kasama ang dalawang anak.
Ang malinaw ay wala na si Kylie, ngunit pati si Aljur ay di na matatagpuan sa bahay na ipinundar ng huli.
Una munang ipinost ni Kylie ang 3D virtual interior design ng kanyang “dream home.”
Hindi maitago ni Kylie ang galak, base sa kanyang caption.
Aniya (published as is): “Its coming true [face with happy tears emoji] my dream home my gosh soooo happy”

Ngayong umaga ng Sabado, sunud-sunod ang update ni Kylie sa lilipatang bahay nilang mag-iina.
Sunud-sunod din ang Instagram Story niya habang ipinapakitang nililinis ng staff ng isang sanitizing services ang furniture sa lilipatang bahay, gaya ng mattress at couch.
Caption ni Kylie, “My home is almost done, just getting everything sanitized.”
Kapansin-pansin din na malaki ang ngiti ni Kylie sa kanyang video clips.
Kasunod nito ay isa pang Instagram post ang ginawa niya kalakip ang photos ng mga bagong-linis niyang furniture.
Pag-announce ni Kylie: “Our new place is almost ready for my boys and I to move in and I’m so excited.”

KYLIE-ALJUR BREAKUP
Pumutok ang balitang hiwalay na sina Kylie at Aljur nang lumabas ang YouTube interview ni Ogie Diaz kay Robin noong July 7.
Kinumpirma ng dating action star na si Kylie ang nakipaghiwalay kay Aljur dahil sa third party umano.
Pebrero pa lamang ngayong taon ay may mga makahulugang post na si Kylie na pahiwatig na may pinagdadaanan ang relasyon nila ni Aljur.
Sina Kylie at Aljur ay ikinasal noong December 11, 2018.
Samantala, sa kanyang official statement, hiningi ni Kylie na igalang ang privacy nilang pamilya.
Pagdating naman sa setup nila ni Aljur, sinabi ni Kylie na meron daw silang “healthy co-parenting relationship.”
“We pray and hope that we will become better persons through this experience and will bring out the best in all of us,” bahagi pa ng mensahe ni Kylie.
