Umalma si RR Enriquez sa tingin niyang panghihiya ni Lolit Solis sa alaga nitong si Mark Herras sa pangungutang ni Mark ng pera.
Si Lolit ay veteran columnist-talent manager, habang si Mark ay kilalang Kapuso star.
Si RR ay dating host-dancer na ngayon ay isang vlogger at negosyante.
Nag-ugat ang isyu nang isiwalat ni Lolit na nagulat siya nang mangutang sa kanya ng P30,000 si Mark.
Sinermunan ni Lolit si Mark dahil hindi raw niya maintindihan kung bakit walang ipon ang aktor.
Kuwento ni Lolit sa kanyang online show noong July 27: "Tumawag si Mark. Sabi niya, 'Nay, puwede ba makahiram ng P30K?'
"Sabi ko, 'Alam mo, Mark, sa estado mo, sa pagiging artista mo, nakakahiya, P30K lang wala ka.
"'Kung meron kang P300,000 na uutangin, mas maganda sa pandinig. P30K, wala ka? Yung P.A., may 50,000, ikaw wala kang P30K?"
Ayon kay Lolit, ang sinabi ni Mark na paggagamitan ng pera ay "pambili ng gatas" para sa anak.
Si Mark ay may six-month-old baby sa fiancée na si Nicole Donesa.
Nang tanungin si Lolit kung bakit P30,000 ang hinihiram ni Mark para sa gatas, komento ng talent manager ay malay niya kung imported na gatas ang bibilhin nito.
Dito na sinermunan ni Lolit si Mark.
Patuloy ni Lolit, "Siyempre pangaral na. 'Wala kang direksiyon. Wala kang focus. Di mo sineryoso yung ano mo. Achuchu!'
"Lahat ng alipusta natanggap na bago ko pinahiram. Ano pa magagawa mo, di ba?"
Sinabi raw ni Mark kay Lolit na magkakaroon ito ng talent fee dahil may gagawin siyang proyekto sa GMA-7.
Katuwiran ni Mark kay Lolit: "Kasi, Nay, sa August pa lock-in namin. Sa August po medyo makakaluwag-luwag nang konti."
Sinabihan naman ni Lolit ang aktor na huwag basta sasandal sa proyektong hindi pa umeere sa telebisyon, dahil posibleng ma-shelve ito.
Sabi ni Lolit kay Mark: "Wag mo asahan. Kahit nandun kayo sa loob, nag-lock-in kayo ng isang buwan, hindi ka pa rin aakyat [for airing].
"Kaya dapat iingatan mo pera mo, seryosohin mo trabaho mo, dahil kahit anong gawin ng kahit sino, walang maitutulong sa career mo. Ikaw lang makakatulong sa sarili mo.
"There was a time na hot na hot ka. Dapat na-seize mo yung moment na yun."
Aminado si Lolit na ibinuking niya sa publiko ang problema sa pera ng alaga niyang si Mark.
Aniya, "Siguro sabi ni Mark, 'Sana sa iba na lang ako umutang."
RR DISMAYED WITH LOLIT airing mark's financial STATE
Nahagip ni RR sa social media ang pagsasapubliko ni Lolit na nangutang si Mark ng P30,000 mula sa talent manager.
Dismayado si RR dahil hindi raw dapat hiniya ni Lolit ang sariling alaga.
Caption ni RR sa kanyang Instagram post noong August 17 (published as is):
"Totoo ba ito? Kung totoo man. Gusto ko makisawsaw.
"Alam mo Lolit Solis Ang tanda mo na 70plus ka na pero chismosa ka pa din. Yung konti na lang ilalagi mo sa mundong ito hindi ka pa gumawa ng kabutihan! Gusto mo yung bida bida ka pa din?
"I feel sorry for Mark Herras! Imagine he trusted you bilang manager nya. Nanghiram sayo ng 30k kasi lugmok yung tao tapos ikaw lalo mo pa nilugmog sa kahihiyan."
May punto man daw si Lolit tungkol sa usaping pag-iipon ng pera, pero hindi na sana nito ikinuwento pa ang sitwasyon ni Mark ngayon.
Patuloy ni RR: "Sabihin natin may mali yung tao, hindi nag ipon. Naging pabaya nung time na kasikatan nya etc. pero kailangan mo ipangalandakan na wala syang 30k???
"Bilang manager nya ilang milyon ba ang kinita mo sa kanya?? Para sa kapiranggot na 30k ipahiya mo sya ng ganyan?
"Yan ang hirap sa ating mga Pilipino (hindi ko naman nilalahat) minsan kung sino pa yung pinag kakatiwalaan mo sya pa yung manglalalaglag sayo!!!
"Kayo naman nakikisawsaw pandemic ngayon. Lahat tayo may pinag dadaanan. Sure ako hindi lang si Mark ang nangangailangan ng pera sa mga artista."
Gumamit din si RR ng hashtags na "#JusticeForMarkHerrasKahitHindiKoSyaClose" at "#LetsHelpMarkHerrasInsteadOfBashingHim."

May ilang personalidad ang sumang-ayon kay RR, tulad nina Dianne Medina, Alyana Asistio, pati na rin ang vlogger na si Zeinab Harake.

LOLIT SOLIS: "PARANG NA-GUILTY AKO..."
Nakarating kay Lolit ang feedback ng netizens na ipinagtanggol si Mark sa pambubuking niyang nangutang ang aktor.
Noong August 18, nagpahiwatig si Lolit na, "Pero in fairness, medyo na guilty din ako dahil nga parang hiniya ko si Mark."
Pero nanindigan si Lolit na kaya lumabas sa bibig niya ang tungkol sa isyu ay dahil "nagalit" siya kay Mark na hindi ito nakapagtabi ng pera at para sa "ganuon kaliit na halaga" ay ihihiram pa ng aktor.
"Galit, iritasyon at awa ang naramdaman ko," ani Lolit.
Dagdag niya, "Hindi malaking bagay sa akin ang hiniram ni Mark, ang punto ko lang, sa status niya, kalokah na ganuon lang 'kaliit' wala siya?
"Iyon ang ikinagalit ko, at sinabi ko sa kanya.
"Na kung nuon ipinakita niya na seryoso siya sa trabaho, at kung nuon binigyan halaga niya ang kinikita niyang pera, hindi siya aabot sa ganyan kalagayan."
Nanghihinayang daw si Lolit dahil maraming nasayang na oportunidad si Mark para mapagbuti ang career nito.
"I will say it honestly, na isa sa mga alaga ko na mahal ko si Mark Herras.
"Mabait siya, walang inggit sa katawan, at laging very optimistic ang tingin sa buhay.
"Kulang lang siya sa competitive spirit kaya pa easy easy lang, na naging setback niya."
Pinayuhan naman ni Lolit ang netizens na namba-bash sa kanya na kung talagang concerned sila kay Mark ay bigyan daw ng mga ito ng magandang advice si Mark.
LOLIT CUTS TIES WITH MARK
Hanggang sa nitong Biyernes, August 20, inanunsiyo ni Lolit na kumakalas na siya bilang co-manager ni Mark.
Ipinauubaya na raw ni Lolit sa GMA Artist Center, ang talent management arm ng GMA Network, ang pag-aalaga kay Mark.
Bahagi ng post ni Lolit (published as is): "...gusto ko ipaalam sa lahat na starting today wala na akong kinalaman kay Mark Herras.
"Masakit man sa loob ko, naisip ko na baka nga mas gumanda pa ang career niya kung ang GMA Artists Center na lang ang hahawak sa kanya.
"After all, dito naman nagsimula ang showbiz career niya eversince.
"At para narin iyon nakukuha ko na komisyon mula sa kanya hindi na mabawas sa konti niyang kinikita.
"Nakakaawa naman na ang laki ng cash advance niya sa GMA7 na binabayaran niya, tapos meron pa akong parte sa TF niya."
Pinaninindigan daw ni Lolit ang lahat ng payo niya noon sa aktor.
Sabi ni Lolit: "Iyon feeling ko kay Mark Herras na parang anak ko siya, hindi mawawala. Iyon pangaral ko sa kanya, hanggang ngayon iyon parin ang gusto ko sabihin sa kanya.
"Ayaw ko na lang maging bahagi pa ng buhay niya ngayon, at siguro duon sa mga nagpapakita ng malasakit sa kanya, magawan nyo ng paraan maayos ang finances niya, career niya, at buhay niya.
"Basta starting today, OUT muna ako kay Mark Herras. Andyan naman ang Artists Center para alagaan siya, at sana magtagumpay sila.
"Goodluck, wish you well Mark Herras. You're on your own now, be happy and safe."

May mga netizens na pinag-isipan din ng self-promotion si Lolit.
Na ginawa raw nitong pampubliko ang pagkastigo kay Mark kasi magdadala ito ng pageviews sa kanyang platform, at nilagyan lang daw nito ng anggulong malasakit sa alaga nang maramdamang mapapasama siya bilang nakatatanda kay Mark at manedyer pa nito.
Samantala, nananatiling tahimik si Mark kaugnay ng isyung ito.
