LJ Reyes breaks silence on breakup with Paolo Contis
Written by Jojo Gabinete
Kinumpirma ni LJ Reyes, 33, na hiwalay na sila ng kanyang live-in partner na si Paolo Contis, 37.
Binasag ni LJ ang kanyang pananahimik makalipas ang labing-isang araw mula nang unang pumutok ang isyu.
Twenty-one seconds lang ang teaser video ng exclusive interview ni Boy Abunda kay LJ, pero makikita ang hirap ng loob ng aktres nang ipinagtapat niya ang kinahinatnan ng relasyon nila ni Paolo.
"It was so difficult. It was painful. Kung hindi malakas ang pananampalataya ko sa Panginoon, hindi ko alam kung saan ako pupulutin," umiiyak na lahad ni LJ.
Tinanong ni Boy kung "mutual" decision ba ang kanilang breakup. Hindi pa tuluyang ipinakita ang sagot dito ni LJ.
Sa kasunod na tanong kung "sino ang humiwalay," makahulugan ang sagot ni LJ.
Aniya, "Matagal ko nang nararamdamang nakahiwalay na siya sa amin."
Hindi malinaw kung ang ibig sabihin ni LJ kung ang tinutukoy niya ay kung tingin niya ay nanlamig sa kanya si Paolo.
Mapapanood bukas, September 1, sa The Interviewer ng YouTube Channel ni Boy ang exclusive interview nito kay LJ.
Limang taong ang itinagal ng pagsasama nina Paolo at LJ.
Si Summer, 2, ang bunga ng kanilang pagmamahalan.
Noong August 20, naging tampok ng espekulasyon ang relasyon nina LJ at Paolo mapatapos mapansin ng netizens na naka-unfollow na si Paolo kay LJ.
Burado na rin sa Instagram feed ni Paolo ang lahat ng litrato ni LJ, kaya maugong ang usap-usapang nag-break na ang mga ito.
Hanggang sa noong August 22, kinumpirma ng manager ni Paolo na si Lolit Solis na totoong hiwalay na ang Kapuso couple.
Itinanggi ni Lolit ang espekulasyong third party ang dahilan ng breakup ng dalawa.
Sabi ni Lolit, "Walang 3rd party sa hiwalayan Paolo Contis at LJ Reyes, it was a matter of na outgrow na nila ang romance sa kanilang relasyon."
Dagdag niya, "Kesa naman humantong pa sa pag-aaway, mas gusto na nila na maghiwalay ng maayos, at dasal na mag-end as friends."





